NAKATAKDANG gisahin ng Senado ang may-ari at opisyal ng Luzon Development Bank (LDB), isang rural bank, na sinasabing may 30 savings accounts si Comelec Chairman Andres Bautista, ayon kay Senador Francis “Chiz” Escudero kahapon.
Sa panayam, sinabi ni Escudero, chairman ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies, na kailangan malaman ng Senado kung bakit hindi kinuwestiyon ng LDB ang 30 bank accounts ni Bautista na denedeposituhan ng halos P500,000 kada araw.
“Kung totoo ang alegasyon ng kaniyang maybahay, patungkol sa Luzon Development Bank. Maraming katanungan duon, una bakit nga ba may 30 bank account ang isang tao. Bakit ang mga deposito ay mababa sa 500,000, kada deposito at na-report ba iyan sa AMLC,” ayon kay Escudero.
Sinabi pa nitong alinsunod sa regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas, itinuturing na Politically Exposed Person (PEP) si Bautista kaya’t nararapat lamang na kuwestiyunin ng LDB ang kanyang deposito.
“At sa ilalim ng rules and regulations ng Banko Sentral, mayroon din tayong itinatawag na KYC o Know Your Client rule. So ibig sabihin noon magandang matanong sa banko,” aniya.
Nais umanong malaman ng komite kung ini-report ng bangko sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang deposito ni Bautista na halos araw-araw.
“Pangalawa, under sa Know-Your-Client Rule, may rason, dahilan o karapatan ang bangko tumangging tanggapin ang deposito ng ninuman kung hindi sila kumbinsido na ito’y galing sa legal na pamamaraan,” ayon kay Escudero.
“Saan ba galing itong mga perang dineposito, patingin nga ng ebidensiya. Kapag sinabi niyang may binenta akong lupa, may binenta akong condo, pwede ko ho ba makita iyong deed of sale o Xerox copy ng deed of sale,” paliwanag ni Escudero.
“Kapag sinabi naman niyang may negosyo kaming ganito, puwede bang makita ang ITR ninyo? Normal at regular ‘yun na ginagawa ng mga bangko sa kanilang kliyente, lalo na yung itinatawag nating Politically Exposed Person o PEP,” dagdag ng senador.
Nanghihinala din si Escudero sa katwiran ni Bautista na kaya siya nagbukas ng account sa LDB ay kilala niya at may tiwala siya sa may-ari ng bangko.
“Rural bank o maliit na bangko lamang iyan at sabi nga ni Chairman Bautista, napanood ko siya sa isang interview, kilala daw nila iyong mga may-ari at may tiwala sila. Ibig-sabihin wala silang tiwala sa malalaking bangko, BSP, BDO, Metrobank, HSBC, BPI,” aniya.
Dahil dito, sinabi ni Escudero na gusto nilang tingnan ang ganitong sitwasyon sa sistema ng LDB kung totoo naman o hindi ang alegasyon sa kanya.
Sinabi pa ni Escudero na kailangan ay ini-report ng bangko kung nakapaghihinala ang transaksyon ni Bautista dahil ara-araw siyang nagdedeposito ng kalahating milyon.
Itatanong din ng komite sa bangko kung may risk management system sila upang matukoy kung sinusunod ng LDB ang alituntunin ng AMLC.
“Ayon sa Anti-Money Laundering sa nauna pang bersyon kapagka may rason sila para magduda mayroon silang sariling risk management system na dapat in place. Magandang matanong ang Luzon Development Bank, meron ba kayong risk management system?” giit niya.
“Ang kinita noon ng Luzon Development Bank noong 2014 ay anim na milyong piso, tapos iyong deposito na iisang depositor lang ay kung totoo P300 milyon. So may rason naman siguro tayo para mag tanong at magkuwestyon,” ayon pa kay Escudero. ERNIE REYES