BINUNYAG ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa publiko ang itinatagong ‘sikreto” ni Sen. Grace Poe.
Nag-ugat ang pagkainis ng Pangulo sa senadora nang sabihan siya nito na “Watch your mouth…” bilang bahagi ng paalala ni Senador Grace ukol sa kanyang pagmumura na naririnig din at nakikita ng mga batang nanonood sa telebisyon
“Eh, ito naman si Grace Poe, madali kaagad. ‘Yung motherhood statement kaagad. Lahat naman tayo may depekto eh. Ikaw, anong depekto mo? Ikaw ang lakas mong manigarilyo, hindi alam ng Pilipino. Ang lakas mong uminom ng brandy. Totoo lang. ‘Yan ang sikreto mo. Ako walang sikreto. Binubuga ko lahat. Sanay ka kasing mag-ano sa akin. You admonish me as if you are the mother. Motherhood ano ka kaagad…,” anito.
Pinaalala ni Pangulong Duterte kay Senador Poe na alkalde pa lamang ay nagmumura na siya.
Alam aniya ito ng mga tao mula Luzon, Visayas at Mindanao na palamura siya at iyon aniya ang posibleng ikinapanalo niya.
Hindi aniya katulad ni Sen. Poe na ipinakikita ang pagiging ‘prim and proper’ at hindi bastos pero talunan naman.
“Bakit natalo ka kung ganon? Eh, may pera ka pa. You had the money, you had the aura of… Father mo lang naman ‘yung [inaudible] sa’yo. ‘Yun lang ang kapital mo. Ano bang kapital mo? Bakit mo sabihan na, “Watch your mouth?” My mouth is not for your mouth. If you want to watch your mouth everyday, do it. Huwag mo akong pakialaman kasi ako nagmumura talaga noon pa. Tapos when you hear that, ma-motherhood statement ka kaagad. Alam mo na nagmumura ako, bakit mo pa ako ano… Eh, total kung gusto pala nila ‘yang disenteng babae na walang mura, wala lahat, eh ‘di nanalo ka. Ikaw ‘yung popular, ikaw ‘yung may pera. Ikaw ‘yung blessed ng simbahan, ginawaan ka pa ng prayer. Hail Mary, full of Grace. Ako, anong ibinigay nilang dasal sa akin, yung mga pari pati itong mga…?” aniya pa.
Matatandaang, natanong ng media si Senador Poe tungkol sa ginawang pagmumura ni Duterte kay dating pangulong Noynoy Aquino dahil sa naging pahayag nito na parang wala namang nangyayari sa kampanya laban sa iligal na droga. KRIS JOSE