KINUWESTYON kahapon ni Sen. Chiz Escudero ang sistema ng pagsisilbi ng search warrant ng pulisya sa isinagawang paglusob sa tahanan ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog at dalawa pang ibang lugar na ikinamatay ng 14 katao.
Sa panayam, sinabi ni Escudero na nilabag ng pulisya hindi lamang ang Saligang Batas sa pagsisilbi ng search warrant, maging ang police manual ng Philippine National Police (PNP).
“Nangyari ito ng madaling-araw kaya lumitaw ang kuwestyon dahil alinsunod sa itinakda ng Rules of Court at police manual ng PNP, dapat isinisilbi ang search warrant sa araw, at hindi sa madaling araw,” giit ni Escudero.
Sinabi ni Escudero, isang abogado bilang propesyon, maaaring isilbi ang search warrant sa madaling araw kung pinayagan ng hukom ngunit kailangan din dumaan sa pagsusuri.
“Dahil malinaw sa probisyon ng ating Saligang Batas. Katunayan, may hiwalay na probisyon sa searches and seizure lamang, na nagpapatingkad kung gaano kahalaga ang isyung ito o ang bagay na ito,” giit ni Escudero.
Aniya, nakatakda sa Saligang Batas, partikular ang “Article 3 in the Bill of Right, Section 2 provides: the right of the people to be secure in there persons, houses, papers and effects against unreasonable searches and seizure of whatever nature and for any purpose shall be enviable and that no search warrant or warrant of arrest shall issue except upon probable cause to determine personally by the judge after examination under oath or affirmation of the complainant and the witnesses may produce “
“Mahaba ‘yung provision. In particular, describing the place can be searched, persons or things to be seized,” paliwanag pa ng senador.
Nitong Linggo, dakong 2:30 ng madaling-araw, nilusob ng Ozamiz City Police kasama ang ilang miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa naturang rehiyon ang tahanan ni Parojinog.
Napatay si Mayor Parajinog kabilang ang asawa nitong si Susan, kapatid na si Octavio, isang board member, at ilang pang miyembro ng pamilya at security personnel nito.
Nakakulong naman si Vice Mayor Nova Princess Parojinog at sumasailalim sa imbestigasyon.
Sa paliwanag ng pulisya, sinabi ni S/Supt. Jaysen de Guzman ng Misamis Occidental provincial Police office, humingi sila ng tulong sa Ozamiz City Police upang isilbi ang warrant sa pamilya Parojinog, ngunit sinalubong sila ng bala pagpasok pa lamang sa Brgy. San Roque.
“Pinayagan kaming magsilbi ng search warrant sa araw o gabi,” ayon kay De Guzman.
Ngunit hindi ito tinanggap ni Escudero dahil malinaw sa Saligang Batas at PNP Police Manual na dapat isinisilbi ang warrant sa araw.
“Hindi ko ito (anytime of the day) maintindihan dahil uulitin ko, sinasabi ng sariling manual ng PNP bilang general rule, na dapat isilbi ito sa araw,” giit ni Escudero.
Tinukoy ni Escudero ang December 2000 case, ang People vs Court of Appeals na nagdesisyon ang Korte Supreme bases sa “reasonableness” kasi ipinagbabawal ng Saligang Batas ang “unreasonable search and seizure.”
Aniya, ibang kaso ito, magkaibang-magkaiba dahil 7:30 pm pinayagan ng Korte, ngunit hindi 2:30 ng madaling-araw.
“At 7:30 in the evening. This was is a separate case, it’s a totally different case to served at 2:30 in the morning. Now, what’s the exemption? If the affidavit, if the witnesses, the judge interviewed says so,” aniya.
Hindi rin pinatulan ni Escudero ang katwiran ng pulisya na baka makapuslit ang droga sakaling lusubin nila ito sa araw.
“Ayon sa pulisya, matagal nang under surveillance ang bahay nila. Hindi ko rin maintindihan na ayon sa panayam sa isang pulis, as a rule, were serving search warrants at night daw,” himutok ng senador. ERNIE REYES