IPINATAWAG ng Senado ang mga matataas na opisyal ng Metropolitan Bank and Trust Company, Bangko Sentral ng Pilipinas at Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang magbigay-linaw sa nabukong internal loan fraud sa halagang P900M – P2.5-bilyon ng isang mataas na opisyal ng bangko.
sinabi ito kahapon ni Sen. Chiz Escudero, chairman ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies, na hindi muna siya magsasagawa ng imbestigasyon bagkus, ipatatawag ang mga opisyal ng naturang institusiyon upang magbigay-linaw sa krimen.
“Ipapatawag muna natin ang mga opisyal ng Metrobank kabilang ang AMLC at BSP saa isang pulong upang malaman natin mismo sa kanila ang pangyayari sa kaso at matukoy kung ano ang butas sa umiiral na safety banking mechanism at proseso,” ayon kay Escudero.
Sinabi pa nitong gustong malaman ng Senado kung bakit nakagawa ng ganoong kalaking panloloko ang isang opisyal mismo ng Bangko sa kabila ng mahigpit na proseso sa pagbabangko.
“Gusto kong malaman kung paano ginawa ng bank executive ang malakihang panloloko sa kabila nang mahigpit na internal control at check and balances ng naturang Bangko,” saad ni Escudero.
Naaresto na ang suspek na si Maria Victoria Lopez sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) noong nakaraang Hulyo 17. Si Lopez ang hepe ng corporate services management division ng Metrobank.
Sinabi ng NBI na gumawa ng pekeng dokumento si Lopez saka inayos ang pag-aapruba ng pautang para sa isang fake accounts sa ilalim ng pangalan ng isang corporate client ng Bangko, ang Gokongwei-led Universal Robina Corporation (URC).
Sa pamamagitan ng P25-billion credit line ng URC, naiproseso ni Lopez ang P900-milyon at P850-milyong utang.
Ayon sa mga ulat, naipalabas ni Lopez ang pautang sa ilang beses na P30-milyon kaya maaaring nalugi ang bangko ng aabot sa P2.5-bilyon.
Natuklasan ang anomalya matapos mapuna ng Metrobank ang ilang iregularidad sa sinasabing letter request mula sa kliyente, na hinihiling sa Bangko na mag-isyu ng P2.25-milyon na manager’s check sa ilang payee bilang pambayad sa interest.
Matapos maberipika sa URC, sinabi ng kumpanya na wala silang nalalaman sa liham kahit ang account na pinagdepositohan ng pautang.
Iniimbestigahan pa ng Metrobank at NBI kung may kasabwat si Lopez sa ibang empleado at opisyal ng Bangko sa panloloko, ayon kay Escudero.
Sinabi pa ni Escudero na susuriin ng Senado ang resulta ng imbestigasyon at mula doon magdedeisyon sila kung kinakailangan pang mag-imbestiga ang Senado o hayaan na lamang ang bangko at NBI sa kanilang tungkulin.
Kasabay nito, nilinaw ng URC na hindi sila nalugi nang anumang halaga sa naturang panloloko at nananatili ang kanilang tiwala sa bangko at patuloy ang kanilang transaksyon sa Metrobank.
Dahil dito, hiniling ni Escudero sa lahat ng bangko na maging istrikto sa internal operations upang maiwasan ang ganitong uri ng panloloko.
“We expect banks to immediately detect red flags in their system and immediately resolve internal matters. Apart from ensuring that the culprit will be brought to justice, Metrobank must secure its clients they have a robust internal control framework and that they will rigorously monitor their system,” ayon sa senador.
Sinabi ng NBI, kinasuhan na si Lopez ng qualified theft, falsification at violation of the General Banking Law sa Makati City Prosecutor’s Office. ERNIE REYES