KINUMPIRMA ni House Sergeant at Arms Roland Detabali na may banta ng panggugulo sa padating na state of the nation address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 24 subalit hindi aniya ito seryoso.
Sinabi ni Detabali na sa ikalawang SONA ni Pangulong Duterte ay mas maraming puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ipakakalat sa loob at labas ng Batasan Complex maging ng Presidential Security Group.
Meron aniyang mga tao na posibleng gumawa ng gulo matapos masaktan sa kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga at katiwalian.
“Definitely meron (threat) but not really serious. So very tighten ang security measures na gagawin ngayon. Tightened not only because of the current ISIS, local ISIS backed Martial Law in Mindanao but because marami ng nagawa si presidente especially on war on drugs and criminality. Magbayad lang sila siguro baka may mga sira ulong mag-volunteer na gumawa ng gulo, basta makapanggulo lang,” ani Detabali.
Aniya, tatlong araw bago ang SONA ay lockdown na ang Batasan Complex at sisiyasatin na lahat ng papasok na empleado, pagkain at mga gamit.
Hindi rin aniya maiaalis ang mga protestador na may mga hinaing na gusting ilapit kay Pangulong Duterte.
“Base on the intelligence briefing given to us may mga issues sila (protesters) na gustong ilabas na hindi pa nagagawa ng present administration or nagawa na pero sa tingin nila ay kulang pa.”
Binigyang-diin ni Detabali na kahit maliliit na grupo ito ay hindi pwedeng balewalain dahil anumang oras ay maaaring lumkha ang mga ito ng gulo.
“Total effort ay prevention because anything can happen kahit na maliliit na grupo they can create havoc kung gusto nila at matigas ang ulo nila.”
Samantala, ipinaalala din ni House Secretary-General na tutol pa rin si Pangulong Duterte sa magarbong pananamit at preparasyon sa SONA.
Sapat na aniya ang barong tagalog para sa kalalakihan at business attire naman o Filipiniana para sa mga mamabatas na babae. MELIZA MALUNTAG