MALUGOD na tinanggap ng Social Security System (SSS) ang inisyung resolusyon ng Korte Suprema na “status quo ante order” (SQAO) na pansamantalang nagbabawal sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na kunin ang 6.5-ektaryang lupain ng pension fund sa Pasay City.
“Lubos tayong nagpapasalamat sa resolusyon ng SC na paboran ang ating hiling na pigilan ang NGCP sa pagkuha ng lupa ng ating mga miyembro sa Financial Center sa Pasay City. Bagama’t ito’y panimulang tagumpay lamang, maituturing na itong malaking hakbang sa layunin nating protektahan ang interes ng ating mga miyembro,” ani ni Social Security Commission (SSC) Chairman Amado D. Valdez.
Sa inilabas na resolusyon noong Hunyo 21, nag-isyu ang Third Division ng Kataas-taasang Hukuman ng SQAO laban sa desisyon ng Pasay City Regional Trial Court Branch 108 na nagpapahintulot sa NGCP na kunin at gamitin ang lupain ng SSS sa Diokno Ave. Pasay City.
Gayundin, inutusan ng SC ang NGCP na isumite ang mga komento nito sa petisyon ng SSS sa loob ng 10 araw mula nang tanggapin ang paunawa.
Matatandaang kamakailan ay kinonsulta ni Valdez ang ilang eksperto sa industriya ng enerhiya na nagsabing hindi kailangan ng NGCP ang 6.5-ektarya upang tayuan ng 230kV substation nito. Tinutukoy ni Valdez ang Doña Imelda Substation na mas kilala bilang Araneta Substation sa Quezon City na 900mV subststation ngunit gumamit lamang ng halos 2,000 metro kwadrado ng lupain.
“Batay sa ating konsultasyon sa mga eksperto, nakapagtayo ang NGCP ng mas malaking substation na may kapasidad na 900mV noon at hindi gumamit ng mahigit sa 2 ektaryang lupain. Nagtataka nga sila kung bakit pilit kinukuha ng NGCP ang ganitong kalaking lupa na labis-labis para sa paggagamitan nito,” ani ni Valdez.
Ipinagpasalamat din ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc ang paunang resolusyon ng SC at umaasa na mananaig ang SSS sa laban na ito para sa mga kasalukuyan at darating pang mga miyembro.
“Malugod naming pinasasalamatan ang preliminaryong desisyon ng SC na mag-isyu ng SQAO at umaasa kami na pagkatapos ng mga tamang proseso, ito’y magiging permanenteng tagumpay para sa pension fund at mga miyembro nito,” sabi ni Dooc.
Nauna rito, binalaan ni Valdez ang NGCP na maaaring mawala ang mga lupain nakuha nila noon kung papaboran ng korte ang SSS.
“Bukod sa pagkawala ng aming ari-arian na nais nilang makuha, kung ang pumabor sa amin ang SC, sa tingin ko, ang ibang nilang nakuhang lupa noon ay dapat ring sumailalim sa pagsisiyasat,” sabi ni Valdez.
Ayon rin kay SSS Commissioner Jose Gabriel La Viña, bilang chairman ng SSC Investment Committee, hindi pa rito natatapos ang laban ng SSS.
“Asahan po nila na ang ng kasalukuyang administrasyon ng SSS ay hindi magpapabaya hanggang sa tuluyang ng mawala ang banta ng pagkuha sa ating lupain,” ani niya.
Ang SSS, sa pamamagitan ng Office of the General Corporate Counsel (OGCC) ay nag-file ng Petition for Certiorari sa SC noong Mayo. Ito ay isang pakiusap na maglabas ang Korte Suprema ng Status Quo Ante Order at / o Writ of Preliminary Mandatory Injunction.
Naghain ng petisyon ang SSS sa pangunguna ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) para kwestyunin ang batayan ng pagkuha ng lupa ng SSS noong Mayo bunsod ng pag-isyu ng Writ of Possession ng RTC Branch 108 ng Pasay City pabor sa NGCP na sakupin ang 60, 872 metro kwadrado na lupain ng SSS sa Pasay City na pamg-aari ng mahigit 34 milyong miyembro nito.
Kwinestyon ng SSS ang kapangyarihan ng NGCP, isang pribadong kompanya, na kumuha ng lupain nap ag-aari ng pamahalaan at nakatakda ng gamitin para sa publiko.
“Sinusubok ng kasong ito ang kapangyarihan ng ekspropriyasyon na dapat ay sa pamahalaan lamang, ngunit ginagampanan ng isang pribadong korporasyon,” dagdag niya.