MAGTUTUNGO si Pangulong Rodrigo Duterte sa Marawi City sa darating na Biyernes.
Inanunsyo ito ni Duterte sa kanyang pagdalo sa 120th founding anniversary ng Presidential Security Group (PSG) sa Malacañang Park.
Ayon kay Duterte, hindi niya maatim na nakaupo lamang siya sa kanyang opisina habang nakikipagbakbakan ang mga sundalo sa mga teroristang miyembro ng grupong Maute.
Nais umano niyang puntahan ang conflict area sa Marawi City at personal na damayan ang tropa ng gobyerno roon.
Sa pamamagitan man lamang aniya ng pagdalaw sa mga sundalo ay maitaas niya kahit papaano ang moral ng mga ito sa gitna ng nagpapatuloy na giyera.
Sinabi ng pangulo na mahirap para sa kanya ang pagpapadala ng mga sundalo sa lugar ng gulo, subalit wala raw siyang magagawa dahil ito’y bahagi ng kanyang Constitutional duty at para maprotektahan din ang bansa laban sa mga terorista.
Mula nang sumiklab ang krisis sa Marawi City ay hindi pa nakapunta roon si Duterte.
Ngunit nagawa naman nitong madalaw ang mga bakwit sa Iligan, at binisita rin ang mga sugatang sundalo sa Cagayan de Oro. JOHNNY ARASGA