ARESTADO ang isang AWOL (absent without official leave) na pulis at dalawang kasama nito sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga pulis sa Quezon City kagabi, Hunyo 21, Miyerkules.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Dir. C/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang nadakip na suspek na si Arsenio David, Jr., 55, ng Brgy. Concepcion, Marikina City (AWOL na Quezon City pulis), Lucila Palencia, 44, ng Brgy. Barangka, Marikina City, live-in partner ni David, at Arnold Blanco, 42, ng U.P. Bliss, Brgy. San Vicente.
Ayon kay Eleazar, nadakip ang suspek dakong 10:00 ng gabi sa isang buy-bust operation sa bisinidad ng Jollibee Commonwealth-Philcoa sa Brgy. San Vicente, QC.
Nabatid na si David ay under close monitoring ng Anonas Police station 9, District Drug Enforcement Unit (DDEU) matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa pagkakasangkot ng suspek illegal drug.
Bunsod nito, ikinasa ng mga awtoridad sa pangunguna ng District Special Operation Unit (DSOU), District Drug Enforcement Unit (DDEU) at Anonas Police Station ng QC Police at PDEA-NCRO ang isang buy-bust operation laban sa suspek at dito na nadakip matapos umanong bentahan ng droga ang isang poseur buyer ng mga awtoridad.
Si David ay nag-AWOL simula noong 2015 hanggang sa matanggal siya sa listahan ng mga aktibong pulis noong Abril 2017.
Ang dating assignment ni David ay ang Anonas Police station 9, Fairview Police station.
Nakuha mula sa suspek ang anim na sachet ng shabu, drug paraphernalia, dalawang cellphone, patalim at buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 na mas kilala sa The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. SANTI CELARIO