MAGTATAYO ng mall na halos sinlaki ng Pentagon ng US sa China ang anim na tagapagmana ng SM.
Sa report, itatayo ang isang supermall sa China bilang bahagi ng pagbabago ng foreign policy ni President Rodrigo Duterte na nakatutok sa Beijing.
Abot sa 44% ang pag-aari ng anim na anak ni Henry Sy, founder ng SM Conglomerate, na siya ngayong pinakamalaking investment sa Pilipinas.
Si Sy rin ang itinuturing na pinakamayamang Filipino, na kasama sa isa sa pinakamayayamang tao sa buong mundo.
Kasama sa SM group ang mga department stores, supermarket, bangko, property development tulad ng mga condominiums at subdivisions, at logistics.
Ang magkakapatid na sina Teresita, Elizabeth, Henry Jr., Hans, Herbert, at Harley ay may pinagsamang net worth na $10.7-billion, ayon sa tala.
Si Henry Sy, 92, naman ang may hawak ng natitira pang 56% kasama ang kanyang asawa.
Abot sa $17.6-billion ang yaman ng pamilyang Sy, na limang porsyento naman ng taunang GDP ng bansa. Umakyat pa umano ito sa $3-billion mula nang maupo si Duterte.
Inaasahan ng mga investors na simula na ito ng mabilis na pag-akyat ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon kay Frederic DyBuncio, president ng SM Investments, nagging triple ang kita ng 2GO Group, Inc., na pag-aari rin ng mga Sy at isa sa pinakamalaki nilang negosyo.
Umakyat naman sa 19% ang kita ng SM Prime Holdings, Inc., BDO Unibank, Inc. at holding company SM Investments.
Pinasasalamatan dito ni Teresita Sy-Coson, panganay na anak ni Sy, si Duterte, dahil umano sa tamang pagpapatakbo nito sa ekonomiya kahit pa binabatikos ang pangulo sa ng Human Rights Watch dahil sa libo-libong namatay at nadamay dahil sa kampanyang laban sa droga.
Tumanggi si Coson na magkumento kung magkano ang totoo nilang net worth, ngunit hindi niya ikinailang kasama siya at ang kapatid na si Hans sa mga delegations ni Duterte sa China para makipag-usap kay Chinese President Xi Jinping.
Umakyat din ang bilang ng mga turistang Chinese noong 2016, na nagpalago naman sa kita ng City of Dreams Manila casino resort na pag-aari rin ng mga Sy.
Pito na ang nakatayong SM Mall sa China, at nagpapagawa na rin ang mga Sy ng isang residential project sa Chengdu.
Plano ring magpatayo ng residential projects sa Xiamen at Jinjiang – ang lugar kung saan ipinanganak si Henry Sy.
Ipatatayo naman ang supermall sa Tianjin, na aabot sa mahigit 500,000 square meters sa floor space pa lamang – halos singlaki ng Pentagon.
Pagagandahin umano ito at itatayo ang gusaling mukhang papabukad na bulaklak, tanda ng paglago at bagong oportunidad, ayon sa website ng kumpanya.
Gayunman, 2% lamang ng kikitain ng mall ang mapupunta sa China. Ayon pa sa report, bahagi rin ang supermall ng pagpapasa ni Sy ng desisyon at kayamanan sa kanyang mga tagapagmana.
Nagsimula na umano silang magtalaga ng mga professional managers na hindi kapamilya – na desisyon na ng kanyang mga anak – matapos siyang bumaba bilang chairman SM Investments at nagpasyang hindi na boboto.
Pumalit kay Sy ang matagal na nilang chief financial officer na si Jose Sio, na nagtapos ng MBA sa New York University, at ang 57-anyos naman si DyBuncio, dating JPMorgan banker, ang pumalit kay Harley bilang presidente. NENET VILLAFANIA