Quantcast
Channel: Breaking News – Remate
Viewing all 14412 articles
Browse latest View live

Palasyo, nag-alay ng dasal sa biktima ng London attack

$
0
0
NAKIISA ang Malakanyang sa pagdarasal para sa mga naging biktima ng magkasunod na pang-aatake sa London.
“We’d like to say that our hearts and prayers go out to the victims and the families of the very sad events in London. Acts such as these touched not only the people of London, they also touched all peace-loving people in the global community,” ayon kay Presidential spokesperson Ernesto Abella.
 
Patuloy ang mahigpit na  pagmo-monitor  ng DFA sa sitwasyon ng Filipino community sa nasabing bansa.
Sa ngayon  ayon kay acting DFA spokesperson Robespierre Bolivar ay wala pang kumpirmasyon sa mga identity at nationality ng anim na kataong nasawi.
 
“Our Embassy is closely monitoring the situation and is in touch with the Filipino community in the area to ascertain whether any Filipino is among the casualties. So far no information is available on the identities and nationalities of the casualties,” ayon kay Bolivar.
 
Nauna  rito, bigla na lamang inararo ng isang van ang ilang katao sa London Bridge na sinundan ng insidente ng pag-amok sa katabi lamang na Borough Market kung saan maraming bars at restaurants. KRIS JOSE
 


Duterte nais mabitay si Supt. Nobleza

$
0
0

NAIS ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapatawan ng parusang bitay si Supt. Maria Christina Nobleza na nakipagrelasyon sa miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Ayon kay Duterte, trinaydor ni Nobleza ang bansa sa ginawa nitong pakikipagrelasyon sa ASG member kaya dapat siyang maparusahan ng kamatayan.

Iginiit pa nitong dapat mabitay si Nobleza at “public hanging” ang nararapat na kaharapin nito.

“She’s really the lady that is a traitor to her country. Dapat bitayin ka at public hanging. I will not hesitate to do it,” ayon kay Duterte.

Magugunitang si Nobleza ay nahuli sa Bohol habang kasama nito si Renierlo Dongon na bombmaker ng ASG.

Sinibak na sa serbisyo si Nobleza at nahaharap sa mga kaso kabilang na ang obstruction of justice, illegal possession of firearms at disobedience to persons in authority. JOHNNY ARASGA

Holdaper todas sa parak

$
0
0

TODAS ang isang hinihinalang holdaper nang manlaban sa mga awtoridad matapos holdapin ang isang empleyado ng hotel sa Ermita, Manila.

Namatay noon din ang suspek na si alyas Andak, naka-blue T-shirt, camouflage na short pants, tinatayang 25-30-anyos at 4’10 ang taas, sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong 1:45 ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa Muelle del Rion St., Lawton, Manila.

Bago ito, nag-aabang ng masasakyan pauwi ang biktimang si Mary Joy Pedrina, 31, dalaga, front desk personnel ng Grand Opera Hotel pasado alas-12:00 ng madaling-araw nang sumulpot ang suspek sa kanyang likuran, inakbayan ito habang nakatutok sa kanya ang patalim at nagdeklara ng holdap at puwersahang tinangay ang kanyang bag saka umalis.

Agad namang nag-report ang biktima sa Brgy. 660 na siyang nagsuplong sa Police Community Precinct (PCP)-Lawton.

Mula sa gallery ng mga kriminal, kinilala ng biktima ang suspek dahilan upang magsagawa ng follow-up operation si S/Insp. Randy Veran at mga tauhan nito kung saan naabutan ang suspek sa Muelle del Rio St., Ermita.

Pinatigil ang suspek subalit imbes na sumunod ay nagpaputok ng baril dahilan upang palitan ng putok nina PO1 Salem Chua at PO1 Gerardo Salustiano, Jr. na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Narekober mula sa suspek ang bag ng biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Bagitong pulis, kritikal sa dyip

$
0
0

ISANG baguhang pulis ang nasa malubhang lagay matapos mabundol ng pampasaherong dyip habang sakay ng kanyang motorsiklo kahapon, Linggo, sa Navotas City.

Si PO1 Henry Alejandro, 24, nakatalaga sa Navotas Police Community Precinct (PCP) 4, ng Aragaro St., Central Bicutan, Taguig City, ay kasalukuyan pang ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tinamong pinsala sa katawan.

Sa imbestigasyon ng traffic division, sakay ang biktima ng kanyang Honda motorcycle (BD-77794) habang tinatahak ang Road 10, Brgy. NBBN pasado alas-4:30 ng hapon patungong Maynila nang mahagip ng rumaragasang dyip (DEF-782) na minamaneho ni Benjamin Licayan, 70, ng 35 Maginoo St., Tondo, Manila.

Nabatid na magkasalubong ang nasabing motorsiklo at dyip na nag-U-turn dahilan para tamaan ang motorsiklo sakay ang pulis.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima at tumama ang ulo’t katawan sa kalsada.

Pormal na sinamphan ng kasong reckless imprudence resulting in physical injury and damage to property si Licayan sa Navotas City Prosecutor’s Office. ROGER PANIZAL

Labi ng RWM gunman, ipapa-DNA examination

$
0
0

INATASAN ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II kaninang Lunes ng umaga ang National Bureau of Investigation (NBI) para magsagawa ng isang DNA examination sa labi ng lalaking umatake sa Resorts World Manila noong nakaraang Hunyo 2.

Sinabi ni Aguirre, ang naturang hakbang ay para mabura ang pagdududa sa tunay na pagkakakilanlan ng suspek na si Jessie Javier Carlos, na ang pamilya ay lumapit sa Philippine National Police (PNP) para kumpirmahin na ang lalaki na nasa security footage ay kanilang kamag-anak.

Si Carlos na sinasabing adik sa casino ay unang inakalang isang banyaga at Caucasian looking, malaki ang pangangatawan at six-footer.

Armado ng isang rifle, sinunog ni Carlos ang ilan sa mga gaming tables at binaril nang ilang ulit ang bahagi ng kisame ng Resorts World Manila’s casino area bago nagsunog at nagbaril sa sarili sa isang kuwarto sa ikalimang palapag ng naturang hotel.

Ayon sa pulisya, may 37 guests at employees ng posh casino-hotel ang namatay sa insidente, na ang karamihan ay sanhi ng supokasyon. BOBBY TICZON

Negosyante, ginang rinatrat ng tandem sa harap ng anak

$
0
0

TODAS ang isang negosyante habang malubha namang nasugatan ang 42-anyos na ginang matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harap mismo ng kanilang mga anak sa Caloocan City kagabi, Hunyo 4.

Dead-on-arrival sa Chinese General Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si Alladin Romero, 48, habang inoobserbahan naman sa naturang pagamutan sanhi rin ng mga tama ng bala si Marian Baluyot, 42, kapwa ng 509 Interior 8, P. Sevilla St., Brgy. 42.

Sa ng Caloocan police, dakong 9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Rajah Soliman St. cor. Makabalo St., Brgy. 37 ng naturang lungsod.

Bago ito, nakatayo ang mga biktima sa naturang lugar kasama ang anak na lalaki ni Romero na si Rodin at anak na babae ni Marian na si Nicole nang dumating ang mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga ito.

Tinangka pang tumakbo ni Marian subalit hinabol pa rin ito ng gunman at pinagbabaril bago mabilis na nagsitakas sakay ng motorsiklong walang plaka habang isinugod naman sa naturang pagamutan ng mga barangay tanod ang mga biktima.

Patuloy naman ang follow-up investigation ng mga pulis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa insidente. RENE MANAHAN

London terror attacks, 6 dedo, 30 sugatan

$
0
0

ANIM ang patay habang 30 naman ang sugatan sa dalawang terror attacks sa central London matapos araruhin ng isang van ang ilang mga sibilyan sa may London bridge at pananaksak sa may Borough Market.

Napatay din ng awtoridad ang tatlong attackers.

“At this stage, we believe that six people have died in addition to the three attackers shot dead by police,” pahayag ni Assistant Commissioner Mark Rowley.

Inilagay na sa lockdwon ang London Bridge at maging ang bahagi ng Borough market.

Bandang ala-1:30 ng madaling-araw nang apat na controlled explosions ang isinagawa ng mga suspek malapit sa London Bridge Street.

Pangungunahan naman ni Prime Minister Theresa May ang isang emergency cobra meeting ngayong Linggo ng umaga.

Pahayag ni May, “I can confirm that the terrible incident in London is being treated as a potential act of terrorism.”

Itinanggi naman ng awtoridad na may kaugnayan sa London Bridge at Borough Market terror incidents ang insidenteng pananaksak sa Vauxhall.

Ang insidente sa London Bridge at Borough Market ay pangatlong pag-atakeng naranasan ng United Kingdom.

Inaalam pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung may nadanay na mga Pinoy sa insidente. BOBBY TICZON

4-hour ‘humanitarian ceasefire’ sa Marawi, idineklara

$
0
0

IDINEKLARA ng military kaninang Linggo ng umaga ang 4-oras na “humanitarian ceasefire” sa Marawi City para makapagbigay ng relief distribution sa na-rescue at naipit na mga sibilyan at maabutan din ng tulong ang iba pang mga nangangailangan ng tulong.

“It’s a humanitarian pause initiated and led by Chairperson Irene Santiago of our peace panel and approved by Gen Eduardo Año, the Chief of Staff, to allow the entry of humanitarians from the LGU, the NGOs and CSOs in order to reach trapped residents and those needing assistance in the area of conflict,” pahayag ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla.

Gayunman, hindi pumayag ang military na makapasok ang mga volunteers at rescuers sa loob ng high risk areas upang hindi sila malagay sa panganib.

Ang ceasefire ay sinimulan ng alas-8 a.m. at nagtapos ng alas-12 ng tanghali.

Nagsimula ang sigalot sa Marawi City smatapos atakihin ng terrorist groups ang lungsod habang tinangkang dakpin ng trpa ng pamahalaan si Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon.

Halos 200 kato na ang namamatay, kabilang ang state forces, terrorists at civilians, nang magsimula ang bakbakan may dalawang lingo na ang nakakaraan. Bilaang tugon sa kaguluhan, idineklara ni President Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao.

Simula noon, libo-libo na ang nagsilikas mula sa lunsod. Pumalya rin ang gobyerno sa kanilang itinakdang June 2 deadline para mapulbos ang terorista na umuokupa sa gitna ng lungsod. BOBBY TICZON


Oil price rollback, ipinatupad

$
0
0

MATAPOS ang tatlong magkakasunod na linggong oil price hike, nagpatupad ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis sa bansa epektibo ngayong araw.

Pinangunahan ng Seaoil at Flying V ang oil price rollback na P0.55 kada litro sa gasolina, P0.90 kada litro sa diesel at P0.90 kada litro sa kerosene epektibo alas-12:01 ngayong madaling araw.

Sumunod naman ang kumpanyang Pilipinas Shell, PTT at Seaoil na nagpatupad ng bawas-presyo sa kahalintulad na halaga epektibo dakong alas-6:00 ngayong umaga.

Inaasahan namang susunod na mag-aanunsyo ang iba pang kumpanya ng langis sa bansa sa pagpapatupad ng rollback sa kanilang produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga.

Ang ipinatupad na oil price hike ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigan pamilihan. JAY REYES

Softdrinks masama sa kalusugan ng mga bata

$
0
0

KAILANGANG ma-regulate ang pag-inom ng softdrinks ng mga kabataan dahil mataas umano ang sugar content nito na maaaring makasama sa kalusugan ng bata.

Ito ang sinabi kanina, Hunyo 5, ni Department of Health (DOH) Usec. Herminigildo Valle na kailangan umanong iwasan ang pag-inom ng softdrinks ng mga bata dahil maaaring makasama ito sa kanilang kalusugan.

Pinayuhan ni Valle ang mga kabataan na huwag palaging uminom ng softdrinks at huwag dalasan ang pagkain ng junk foods na isang unhealthy foods at drinks.

Ginawa ng DOH ang pahayag sa pagdiriwang ng Kidney Month na isinagawa sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa East Avenue, Quezon City kahapon at hinimok ng pamunuan ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang publiko na ingatan ang kanilang bato upang hindi magkaroon ng kidney disease.

Sinabi ni Director Rose Marie Rosete-Liquete ng NKTI, makabubuting iwasan ang mga pagkain ng mga sobrang matatamis, paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak upang makaiwas sa sakit sa kidney.

Ayon kay Liquete aabot sa 15,000 – 17,000 ang pasyente kada taon ang nagkakasakit sa bato pero 500 pasyente lamang ang kaya nilang maisailalim sa kidney transplant dahil sa kawalan ng donor, mataas na halaga ng transplant, at magastos na maintenance at gamutan.

Sinabi ng DOH na mayroon na ngayong programa ang pamahalaan na ang bahagi ng gastusan sa kidney transplant ay kakarguhin ng Philhealth, PCSO at DOH para mabigyan ng agarang lunas ang may sakit. SANTI CELARIO

QC traffic police, huli sa pangongotong

$
0
0

ARESTADO ang isang Quezon City traffic police matapos dakpin ng kanyang mga kabaro makaraang mahuli sa akto habang hinihingian ng pera ang isang complainant ng traffic accident sa Quezon City kagabi, Hunyo 4, Linggo.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Dir. C/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang nadakip na pulis na si PO3 Fernando Tanghay, 47, nakatalaga sa QC Traffic Sector 3 District Traffic Enforcement Unit (DTEU).

Si PO3 Tanghay ay dinakip sa loob mismo ng Traffic Sector 3 ng District Traffic Enforcement Unit sa QCPD Camp Karingal dakong 9:53 ng gabi.

Sinabi ni Eleazar na nitong nakalipas na Mayo 31, 2017, nagtungo sa tanggapan ng DTEU Traffic Sector 3 ang complainant na si Elmie Mones nang masangkot sa vehicular accident ang kanyang sasakyang Mitsubishi Adventure na may plakang 9397 sa kahabaan ng CP Garcia, Brgy. UP Campus, Diliman, QC.

Ayon pa sa ulat, lumapit umano si PO3 Tanghay sa complainant at nag-alok ng tulong na pabor sa huli sa kinasasangkutan nitong traffic accident at humingi umano ng halagang P7,000 kapalit ng tulong nitong nakalipas na linggo.

At itong Hunyo 4, dakong 4:00 ng hapon, dito na humingi ng tulong ang complainant sa District Special Operation Unit (DSOU) at isinagawa ang entrapment operation kahapon mismo sa tanggapan ng Traffic Sector 3 sa Camp karingal.

Nahaharap sa kasong extortion ang naturang pulis sa QC Prosecutors office. SANTI CELARIO

Rapist utas sa pulis

$
0
0

ISANG 36-anyos na rapist at nasa drug watchlist ng Manila Police District (MPD) ang patay nang manlaban sa mga pulis na magsisilbi sa kanya ng warrant of arrest sa Sta. Mesa, Maynila.

Namatay noon din ang suspek na si Selva Benito, Jr., alyas Tacks Penuliar, ng 921 Anonas St., NDC Cmpd., Sta. Mesa dahil sa tama ng bala sa katawan.

Ayon kay SPO3 Jonathan Bautista ng MPD-homicide section, dakong 1:30 ng hapon nang naganap ang insidente sa ikatlong palapag ng maliit na bahay sa nabanggit na lugar.

Magsisilbi umano ng warrant of arrest laban sa suspek sina PO2 Noel Gapal, PO1 Roching Mar Daming at PO1 Leozaldo Legaspi, Jr. ngunit tumakas ang suspek kaya puwersahan na itong pinasok ng mga pulis.

Hinabol naman ito ng mga pulis pero pagbukas ng pinto ay pinaputukan sila ng suspek dahilan para gumanti ng mga putok ang mga pulis na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Nabatid na kabilang ang suspek sa drug watchlist ng pulisya at nakatakas lamang sa unang isinagawang operasyon.

Kasalukuyan nang nakalagak ang bangkay ng napatay sa Archangel Funeral para sa awtopsiya at safekeeping. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Mahabang oras ng biyahe isusulong ng LRT-1

$
0
0

MAGPAPATUPAD ng mas mahabang oras ng operasyon ang LRT-1 na may biyaheng Roosevelt – Baclaran at pabalik.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), mula sa kasalukuyang alas-5:00 ng umaga ay gagawin nang 4:30 ng umaga ang unang biyahe ng tren ng LRT-1 mula Baclaran.

Ang huling biyahe naman sa northbound o mula Baclaran patungong Roosevelt ay magiging alas-10:00 na ng gabi, habang alas-10:15 ng gabi ang last trip o huling biyahe ng tren galing sa Roosevelt.

Maliban dito, itataas din ang speed limit ng tren mula sa kasalukuyang 40 kph ay gagawing 60 kph.

Ang pagbabago sa oras ng biyahe at bilis ng tren ay inaasahang makababawas sa waiting time ng mga pasahero.

Dahil din sa bagong schedule, mula sa dating 512 na daily trips ng LRT-1 ay tataas ito sa 554 na biyahe ng mga tren araw-araw. JOHNNY ARASGA

Sekyu ng unibersidad, tigok sa pamamaril

$
0
0

VIGAN CITY, ILOCOS SUR – Patay kahapon (June 5) ang isang security guard ng isang unibersidad matapos pagbabarilin ng mga riding suspect habang papasok sa trabaho sa Vigan City sa nasabing lalawigan.

Nakilala ang biktimang si Vicente Mendoza, 58, ng Brgy. Fatima, Vigan City, 32-taon nang security guard ng University of Northern Philippines sa nasabing lalawigan.

Sa inisyal na imbestigasyon, papasok nood ang biktima sa trabaho sakay ng kanyang tricycle ngunit hindi niya alam na sinusundan na pala siya ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek na nakabonet.

Hindi pa nakalalayo si Mendoza sa kanyang bahay, bigla na lamang pinagbabaril ito sa harap ng Fatima Cooperative building na nagtamo ng tama sa tagiliran at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sinubukang itakbo si Mendoza sa pinakamalapit na ospital pero hindi na rin ito nabuhay pa.

Mabilis na tumakas ang mga suspek at nagsasagawa ang Vigan City police ng manhunt operation para sa agarang pagdakip ng mga salarin. ALLAN BERGONIA

1 sundalo lagas, 4 BIFF member patay sa Mamasapano

$
0
0

ISANG sundalo at apat na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang patay sa tatlong oras na sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao.

Ayon kay Capt. Arvin Encinas, Public Affairs Officer ng 6th Infantry Division, nagpapatrol ang militar sa Brgy. Tukanalipao nang sumalakay ang BIFF.

Nakatakas naman ang ilan pang bandido pero naiwan ng mga ito kanilang mga handgun at bala sa encounter site.

Dahil dito, pinaigting na ng militar ang kanilang community patrols sa barangay Tukanalipao upang maiwasang maglunsad muli ng pag-atake ang BIFF na sinasabing umanib na sa grupong Maute upang itatag ang ISIS sa Pilipinas. JOHNNY ARASGA


Ex-MRT general manager Vitangcol, lilitisin na

$
0
0

ITINAKDA na ang mga petsa kung kailan haharap sa paglilitis ang sinibak na general manager ng Metro Rail Transit (MRT) na si Al Vitangcol.

Ito’y matapos kanselahin ng Sandiganbayan Third Division ang kanilang pre-trial proceedings tungkol sa maanomalyang maintenance contract sa MRT.

Sa pre-trial kahapon, nalaman ni Presiding Judge Amparo Cabotaje Tang na hindi pa nagsusumite ng joint stipulation facts ang mga partido.

Sumang-ayon rin naman ang magkabilang partido na kanselahin ang pre-trial nang walang prejudice sa pagsusumite ng stipulation of facts.

Binigyan na lamang ng korte ang mga partido hanggang August 18 para magbigay ng kanilang joint stipulation of facts.

Sinabihan ng korte ang prosekusyon na mahigpit na sundin ang mga itinakdang petsa para sa pagpipresenta ng mga ebidensya.

Tumagal ito ng Sept. 11 – 14, 18 – 21, 25 – 28 at October 2 – 5, 1:30 ng hapon.

Ayon pa kay Tang, wala na silang tatanggaping anumang dahilan at hindi na rin nila hahayaang makansela pa ang setting nito. JOHNNY ARASGA

2 Japanese nat’l na nawala sa Coron, ipinapatay

$
0
0

TIGOK na ang dalawang Japanese national na unang napaulat na nawawala sa Coron, Palawan.

Isinalaysay ng dalawang bangkero kung paano pinatay ng mga suspek ang mga biktima na sina Itani Masaru at Arai Yoshihiro.

Ayon sa mga bangkero, inarkila sila ng mga suspek para dalhin sina Itani at Arai sa Isla Galoc noong May 30, kung saan sila binaril ng mga suspek na nakilalang sina Sonny Anicete, Jovis VIscarra, at dalawang kinilala lang sa mga alyas na “Jun” at “Baldo.”

Anila, matapos barilin ang mga biktima ay hindi pa nakuntento ang mga suspek at pinutol pa ang mga braso at kamay ng mga ito, saka muling isinakay sa isa sa mga bangka.

Nang sila umano ay muling pumalaot, tinaga ang katawan ng mga ito at saka itinapon sa dagat.

Itinuturong nasa likod ng pagpatay sa kanila ay isa pang Japanese na si Hiroyuki Nagahama at kasama nitong interpreter na si Reynante Labampa.

Base sa inisyal na imbestigasyon, gusto umano ng mga suspek na makuha ang insurance money ng mga biktima kaya nila pinatay.

Itinanggi ni Hiroyuki ang paratang, pero siya rin ang idiniin ni Labampa.

Dalawang counts ng murder ang isinampa sa dalawang suspek, habang hinahanap ng mga awtoridad ang apat na iba pang mga suspek. JOHNNY ARASGA

P79M cash at tseke, nadiskubre sa safehouse ng Maute Group

$
0
0

UMAABOT sa P79-milyong halaga ng pera at mga tseke ang nadiskubre sa isang bahay sa Marawi City na pinaniniwalaang pinagtaguan ng Maute fighters.

Ang mga tauhan ng Philippine Marines ang nakakita sa bahay sa bayan ng Mapandi, na aabot sa P52.2-milyong cash at tseke na nagkakahalaga ng P27-milyon.

Ang sinalakay na bahay ay pinaniniwalaan ng mga awtoridad na safehouse ng Maute group.

Wala pa namang ibinigay na impormasyon ang Philippine Marines kung mayroon silang naabutang miyembro ng teroristang grupo sa lugar.

Noong isang araw, mayroon ding nakuhang mga bala sa pinaniniwalaang kuta ng Maute.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na galing sa illegal drug money ang pondo na ginagamit ng mga miyembro ng Maute. -30-

Pulis patay sa sinubaybayang tulak

$
0
0

PATAY ang isang pulis makaraang barilin ng isa sa dalawang tulak ng ipinagbabawal na droga habang lulan ng motorsiklo sa Caloocan City kagabi.

Hindi na umabot nanbg buhay sa Tondo General Hospital sanhi ng isang tama ng bala ng hindi pa nabatid na kalibre ng baril sa bibig ang biktimang si PO2 Froilan Deocares, nakatalaga sa District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (NPD).

Ssa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong 7:45 ng gabi sa C3 Rd. malapit sa kanto ng Torsillo St., Brgy. 28 ng nasabing lungsod.

Lumalabas na nagsasagawa ng surveilance operation ang nasawi kasama si PO2 Rolando Tagay lulan ng motorsiklo hinggil sa iligal na aktibidad ng mga suspek na nakilala lamang sa alyas na Ngongo at Tisoy, kapwa ng Pamasawata, Brgy. 28 at umano’y mga sangkot sa iba’t ibang krimen kabilang ang pagbebenta ng shabu, panghoholdap at carnapping.

Nabatid na habang binabagtas ng dalawang pulis ang kahabaan ng C3 Rd. ay namataan ng mga ito ang mga suspek na magkaangkas din sa isang motorsiklo.

Sinundan ng dalawang pulis ang mga suspek na agad namang natunugan ng mga ito kung kaya’t isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at pinaputukan ang sumusunod na pulis.

Agad namang gumanti ng putok si PO2 Tagay subalit nang makita nitong nakalungayngay sa kanyang likuran si Deocares ay ipinasya nitong itakbo sa nasabing pagamutan ang biktima ngunit binawian na rin ng buhay. RENE MANAHAN

Deployment ban sa Qatar, ipinatupad

$
0
0

SINUSPINDE na kaninang Martes ng umaga ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapadala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Qatar.

Kasunod ito ng pagkalas sa pakikipag-ugnayan ng ibang mga bansa dahil sa hinalang sinusuportahan ng Qatar ang mga teroristang grupo.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, hindi muna sila magpapadala ng mga manggagawa habang pinag-aaralan ang sitwasyon doon.

Nangangamba ang ilang opisyal ng pamahalaan na maapektuhan ang kalagayan ng mga Pinoy dahil sa pag-atras ng alyansa ng malalaking bansa.

Sa kasalukuyan, may 141,000 documented Filipino workers sa Qatar, habang hindi pa matiyak kung ilan ang mga Pinoy na walang sapat na dokumento roon.

Hindi naman nagbigay ng time frame ang DOLE kung hanggang kailan iiral ang nasabing deployment ban.

Una rito, pinayuhan ni Philippine Ambassador to the State of Qatar Alan Timbayan ang mga OFW na maging kalmado sa kasalukuyang nagaganap na tensyon sa nasabing bansa.

Tiniyak ni Ambassador Timbayan na mahigpit nilang binabantayan ang kalagayan doon.

Samantala, nagkakaroon na rin ng mahabang pila sa ilang supermarkets sa Qatar kung saan tila nagpa-panic buying ang mga tao dahil sa pagsasara ng Saudi Arabia ng tanging land border nito.

Ayon sa CEO at Founder ng Washington-based Gulf State Analytics, isang malaking banta sa ekonomiya at seguridad ng Doha ang nasabing tensyon.

Sa panayam mula sa Qatar kay Jonathan Ritchie Gaela, iniulat nito na karamihan sa mga Pinoy doon ay nagtatrabaho sa mga construction companies.

Sa obserbasyon ni Gaela, iba umano ang istilo ng maraming mga Pinoy doon dahil kapag natanggap na ang sweldo ay saka maggo-groceries at nag-i-stock na ng kanilang mga pangangailangan kasama na ang suplay ng pagkain.

Ayon sa kanya, nagbigay na rin ng assurance ang Qatar government sa mamamayan ng kanilang bansa na ‘wag mabahala dahil sapat naman ang supply lalo na ng mga pagkain.

Sa tagal na rin ni Gaela sa Qatar, sinabi nitong nagpo-produce na rin ng meat at dairy products ang bansa para maging self-sufficient.

Marami rin aniyang mga farm products ang inaangkat ng Qatar mula sa mga bansa sa Asya.

Pagdating naman sa mga gadgets at iba pang mga appliances, kumukuha ang Qatar sa Japan, China at iba pang mga bansa sa Asya. BOBBY TICZON

Viewing all 14412 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>