HINDI kuntento si House Speaker Pantaleon Alvarez sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) na hindi kagagawan ng terorista ang insidente sa Resorts World Hotel kundi ng isang kriminal at arsonista lamang.
“At this point, I disagree with the conclusion reached by law enforcement authorities that the Resorts World incident was not a terrorist act but rather a criminal case of armed robbery and arson.”
Kung susuriin aniyang mabuti ay isa itong “lone wolf” terrorist attack na ang inatake ay mga sibilyan kagaya ng mga nagaganap sa ibang bansa.
Payo ni Alvarez sa PNP, makabubuting tipunin muna ang lahat ng ebidensya at ilatag ang mga kailangang security measures upang hindi na ito maulit pa.
Kasabay nito, nakiramay din ang speaker sa lahat ng naulila ng may 37 biktima na ang mga ikinasawi ay paglanghap sa usok mula sa pagsusunog ng nag-iisang suspek.
Binanggit din ni Alvarez na napasama sa mga nasawi ay si Ginang Elizabeth Panlilio Gonzales, asawa ni Pampanga Rep. Aurelio Gonzales.
“We express our profound sorrow that innocent people, including Mrs. Gonzales, lost their lives in this unspeakable tragedy. But we should not let this instill fear among the citizenry.”
Maging si Makati City Rep. Luis Campos, Jr. ay nagsabing hindi katanggap-tanggap ang pagkasawi ng mga biktima.
Kinalampag din nito ang lahat ng mga establisyimento at mga casino na repasuhin ang mga security measures at emergency exits upang agad maisagawa ang paglilikas sakaling may mga sakuna naangangailangan ng agarang evacuation.
“We are undeniably living in dangerous times, so we are counting on all establishments to constantly review and upgrade their security plans and emergency preparedness, especially their procedures in safely evacuating patrons and staff to avoid a repeat of the tragedy,” ani Campos.
Dapat aniyang pakinggan ng mga security personnel ang panawagan ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na agad tumawag sa mga awtoridad at huwag nang pagtangkaang itago ang mga insidenteng katulad ng sa RWH. MELIZA MALUNTAG