Dahil sa pinaigting na pag-atake ng CPP-NPA, peace talk apektado
Torre de Manila tuloy ang konstruksyon – Supreme Court
PINAYAGAN na ng Supreme Court (SC) ang temporary restraining order laban sa kontrobersyal na Torre de Manila sa Taft Avenue, Maynila.
Sa desisyon ng SC na pinonente ni senior Associate Justice Antonio Carpio, walang nakitang paglabag ang mga mahistrado sa batas sa panig ng DMCI na developer ng 49-storey condominium.
Pinaboran ang pasya ng walo pang mahistrado sa pangunguna ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Associate Justices Presbitero Velasco Junior, Lucas Bersamin, Mariano del Castillo, Bienvenido Reyes, Estela Perlas-Bernabe, Marvic leonen at Noel Tijam.
Bumoto naman kontra sa konstruksyon ng Torre de Manila sina Associate Justices Francis Jardeleza, Samuel Martires, Teresita de Castro, Diosdado Peralta, Jose Mendoza at Alfredo Caguioa.
Wala ring nakitang pruweba ang Korte Suprema na may masamang epekto sa komunidad ang pagpapatayo ng nasabing gusali.
Ipinaliwanag ng high court na walang batas na nagsasabing bawal ang pagtatayo ng building sa labas ng boundaries ng isang historic site o facility na maka-aapekto ang gusali sa background o view ng makasaysayang lugar gaya ng bantayog ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Ipinunto pa ng kataas-taasang hukuman na hindi naman binabanggit sa Republic Act 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009 na maaaring maging “subject” sa cease-and-desist order ang isang gusali o property kung nakasasagabal ito sa view ng isang heritage site.
Mabagal tumagay nanaksak, 1 patay
BAUANG, LA UNION – Dahil sa biro, patay ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng kanyang kainuman sa Brgy. Bagbag, Bauang, La Union noong Sabado ng hapon, May 27.
Namatay ang biktima habang dinadala sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) na nakilalang si Wilfredo Balangue, ng Brgy. Sta. Lucia, Aringay, La Union.
Samantala, ang suspek na tumakas pagkatapos ng pananaksak ay nakilalang si Nestor Acosta, 42, may asawa, ng Brgy. Bagbag, Bauang, La Union.
Sa ulat, nag-iinuman ang biktima at suspek kasama ang ilan nilang kaibigan nang magbiro ang biktima na hindi naman nagustuhan ng suspek.
Dahil dito, nagalit si Acostal at nahantong sa pagsasagutan ng dalawa.
Dito na bumunot ng kutsilyo ang suspek at walang pakundangang pinagsasaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan sanhi sa kanyang pagkamatay.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng follow-up police manhunt ang Bauang police office laban kay Acosta. ALLAN BERGONIA
Mabilis na transaksyon sa BI, tiniyak
MAS pinabilis na ang transksyon lalo na ang aplikasyon ng visa ng mga dayuhan sa Bureau of Immigration (BI).
Ito ang pagtitiyak ni BI Commissioner Jaime Morente matapos makumpleto ang tatlong three-man board of commissioners (BOC) para pamunuan ang operasyon ng ahensya sa katauhan nina Immigration Commissioner Jaime Morente, associate commissioners J. Tobias Javier at Aimee Torrefranca-Neri.
Sa kalatas ng inilabas ng BI, sinabi ni Morente na magiging mabilis na ang transakyon at iba pa kung saan kada linggo ay tatalakayin ng mga ito ang lahat ng visa applications na nangangailangan ng pagsang-ayon ng mga ito.
Gayundin, mamadaliin din umano ang pagdinig sa kaso ng deportation cases laban sa mga dayuhang lumabag sa immigration laws ng bansa.
Dating nanungkulan bilang board member ng lalawigan ng Antique si Javier at pinalitan naman ni Neri na dating Department of Justice (DOJ) assistant secretary sina dating BI associate commissioners Al Argosino at Mike Robles, na sinibak dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa nabunyag na P50M extortion mula sa negosyanteng si Jack Lam.
Tiniyak din ni Morente na sa pamamagitan ng pagpapabilis ng pagdinig sa kaso ng mga dayuhang nakakulong sa BI warden facility sa Bicutan, Taguig ay mababawasan ang bilang ng mga ito at makatulong upang lumuwag ang mga piitan dito.
Inatasan na aniya nito sina Attys. Arvin Cesar Santos, hepe ng legal division at Estanislao Canta ng board of special inquiry, na madaliin ang pag-aaral sa lahat ng deportation cases ng mga illegal aliens upang agarang maisaayos ang mga ito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
Mekanikong nakikinood ng TV, inutas
NASAWI ang isang mekaniko matapos barilin ng hindi kilalang suspek sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kagabi, Mayo 28, Linggo.
Kinilala ang biktimang si Hygleen Lobitaña, 21, may live-in partner, ng Brgy. Commonwealth, QC na nasawi noon din dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) station 6-Batasan, naganap ang insidente sa Brgy. Commonwealth dakong 8:00 ng gabi.
Bago ito, nakikinood ng telebisyon ang biktima sa labas ng kanyang kapitbahay nang biglang dumating ang hindi kilalang suspek na nakasando at sumbrero saka walang sabi-sabing binaril ang biktima.
Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Lobitaña.
Ayon sa pahayag ng kaanak ng biktima, may nakaaway kamakailan ang biktima sa kanilang barangay na siyang tinitingnan dahilan ng pamamaslang sa biktima.
Sinisiyasat pa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QC police ang naturang kaso. SANTI CELARIO
Titser kulong sa child abuse
SINAMPAHAN ng dalawang kaso ng child abuse sa Quezon City Prosecutor’s office ang isang guro matapos umanong abusuhin ang isang 16-anyos na binatilyo sa comfort room ng isang ospital sa Quezon City nitong nakalipas na linggo.
Kinilala ang suspek na si George Bagtas, 45, ng No. 9 Road 10, GSIS Village 8, Brgy. Bahay Toro, QC.
Sa statement ng biktima sa himpilan ng Quezon City Police District (QCPD) station 3-Talipapa, una siyang ginawan ng kahalayan ng suspek nitong nakalipas na Mayo 10 sa banyo ng Quezon City General Hospital dakong 5:00 ng madaling-araw.
Pasyente noon sa nasabing ospital ang biktima at katatapos lamang sumailalim sa minor operation at nagtungo ng CR na tinulungan naman ng suspek.
Subalit pagdating sa banyo, hinimas ng suspek ang ari ng biktima na labag sa kanyang kagustuhan.
Idinagdag pa ng biktima na nasundan pa ang naturang insidente ng nasabing araw din matapos muli siyang mag-CR dakong 8:30 ng umaga kung saan matapos umihi ay isinubo ng suspek ang kanyang ari.
Nabisto lamang ang naturang pangyayari matapos dumating ang kapatid na babae ng biktima at isinumbong ang nakita sa kapatid na agad naman nilang idinulog sa himpilan ng pulisya.
Agad ipinagharap ng reklamo ang suspek at sinampahan ng kaso na kasalukuyan nang nakakulong. SANTI CELARIO
P6.4B shabu, nasabat sa Valenzuela
IPRINISINTA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tinatayang aabot sa P6.4-bilyong halaga ng high grade shabu na nasabat sa operasyon sa Valenzuela City.
Ayon kay NBI Director Dante Gierran, umaabot sa 505 kilos ang nasabat na shabu na sinuri ng Forensic Chemistry Division ng ahensya.
Ang Bureau of Customs (BoC) umano ang nakatanggap ng impormasyon mula sa Office of National Narcotics Control Commission ng China na may malaking shipment ng iligal na droga dahilan para hingin ang tulong ng NBI.
Bukod sa impormasyon mula China ay mayroon ding local informant na nag-tip sa BoC hinggil sa nasabing shipment na naka-consign kay Fidel Dee na isa ring Chinese.
Nabatid na naipasok na sa bansa nang malaman ng ONNCC ng China ang shipment kung saan naaresto naman ang shipper nito kaya inabangan na lamang sa Pilipinas ang kontrabando na nakasilid sa insolator cylinder.
Nakipag-ugnayan ang BoC sa NBI at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ang Valenzuela PNP at agad na ikinasa ang operasyon sa isang bodega sa 5510 Aster St., De Castro Subd., Paso de Blas, Valenzuela City.
Habang si Dee naman ay naaresto at kasalukuyang hawak ng PDEA. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
Aiza Seguerra, nakiusap kay Duterte na tigilan na ang “rape jokes”
NAKIUSAP si National Youth Commission (NYC) Chair Aiza Seguerra kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang “rape jokes” nito.
Sa kanyang post sa Facebook, ibinahagi ni Sueguerra ang saloobin nito kaugnay sa naging pahayag ng pangulo.
Kaugnay ito ng naging talumpati ni Duterte sa 2nd Mechanized Infantry (Magbalantay) Brigade of the Philippine Army sa Iligan City kung saan kayang siniguro na kanyang pananagutan ang mga consequences na pagdedeklara ng Martial Law sa Mindanao.
Agad na binatikos ito ng women rights group na Gabriela at maging nina Sen. Risa Hontiveros at Francis Pangilinan.
Matatandaang noong panahon ng kampanya ay binatikos din kasunod ng naging pahayag nito ukol sa pagpapatay at panggagahasa sa Australian missionary na si Jacqueline Hamill kasunod ng hostage-taking noong 1989 sa Davao City. -30-
Panibagong oil price hike, asahan next week
MAGKAKAROON ng pagtaas sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo ayon sa Department of Energy (DOE).
Ayon kay Energy Usec. Felix Fuentebella na maglalaro ang presyo ng gasolina ng P0.60 kada litro.
Habang ang diesel naman ay maglalaro sa P0.90 kada litro at ang kerosene sa P0.95 kada litro.
Binigyang-diin ni Fuentabella na maari pang magbago ang price adjustments kapag natapos na ang buong linggong trade assesment.
Base sa datos ng DOE ay nagpapakita na ang presyo ng diesel ay mula P26.70 – P31.91 kada litro at sa gasolina ay P37.65 – P49.80 kada litro. JOHNNY ARASGA
Marawi City siege, 100 na ang patay
UMABOT na sa 100 katao ang namatay sa bakbakan ng tropa ng pamahalaan at Maute rebels sa Marawi City, pagkukumpirma ng military kaninang Lunes ng umaga habang ang krisis ay pumasok na sa ikapitong araw.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Edgar Arevalo, kabilang sa mga kaswalidad ay 61 Maute extremists, 20 government troops at 19 civilians.
Ang kaswalidad sa mga sibilyan, walong kalalakihan ang natagpuang patay sa isang kanal sa lunsod nitong nakaraang Linggo. Sa tabi ng mga bangkay, may iniwan na isang cardboard sign na may nakasulat na “munafik,” na ang ibig-sabihin ay traydor.
Walo pang bangkay ng apat na kalalakihan, tatlong kababaihan at isang paslit ay narekober nitong Linggo ng hapon malapit sa isang unibersidad sa Marawi’s town center.
Sinabi ni Arevalo na karamihan sa kaswalidad na mga sibilyan ay nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.
“Karamihan po, binabaril, tadtad ng bala ang katawan. Mayroon po tayong mga nakikita sa mga larawan na karimarimarim, kalunos-lunos po ang kanilang itsura,” pahayag ni Arevalo.
Ang pagrekober naman sa mga labi ng mga biktima ay hindi prayoridad dahil mas naka-focus ang military sa pagsagip sa mga sibilyan at mapigil ang bata ng terorismo , dagdag ni Arevalo.
“Ang priority namin ay kung paano namin mase-secure ang Marawi City at maliligtas ang mga bihag na sibilyan,” paliwanag nito.
“Kailangan pong matapos na natin ito sa mas madaling panahon… Hindi po tayo pwedeng huminto. Kaya tayo po ay humihingi ng paumanhin at pang-unawa sa ating mga kapatid na Muslim.”
Nauna nang inanunsyo ng AFP ang pananatili ng surgical airstrikes para mapulbos ang rebel forces.
Sinabi rin ni Arevalo na inirekomenda rin ng military na putulin ang cellphone signals sa lugar, na maaring gamitin para magpasabog ng mga bomba.
Hinikayat muli ni Arevalo ang publiko na iwasan na magbigay ng online information hinggil sa lokasyon ng tropa ng pamahalaan at mga photos at videos na maaaring magamit ng Maute para makahikayat ng pagkilala sa international terror groups.
Sumiklab ang pandemonium sa Marawi nitong nakaraang Martes matapos ang isang botched mission para madakip si Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon. BOBBY TICZON
Narco-politicians pinopondohan ang Maute
PINOPONDOHAN umano ng mga politikong sangkot sa illegal drug trade ang Maute extremists, sa pakikibakbakan nito sa tropa ng pamahalaan sa Marawi City, pahayag kaninang Lunes ng umaga ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang inihayag ni Dir. Gen. Ronald dela Rosa bilang suporta nito sa naunang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y sabwatan sa pagitan ng extremists at politicians na sinasabing nagkabayaran.
“Even before yung July 1, pag-assume natin, inannounce natin na mag-surrender iyung drug lords, we received information na lahat ng, karamihan ng drug lords dito sa Metro Manila, Luzon and Visayas ay pumunta doon sa Marawi at nagkaroon sila ng drug summit and they were protected by the Maute Group,” pahayag ni PNP chief Dela Rosa sa isang press briefing.
“They protect each other, they support each other,” dagdag pa ni Dela Rosa pero hindi na masayadong nagbigay pa ng eksaktong detalye. BOBBY TICZON
Food poisoning incident sa NBP, posibleng sinadya
SINISILIP ngayon ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ang lahat ng posibleng dahilan sa likod ng nangyaring food poisoning na nagpatumba sa may 900 inmates sa New Bilibid Prison (NBP) nitong nakaraang linggo.
“I could not speculate. Mahirap mag-speculate pero…tinitingnan po natin ‘yan,” pahayag ni Aguirre sa isang television interview nang tanungin siya kung sinadya ang paglason sa mga preso.
Maliban sa pananabotahe, iniimbestigahan na rin ng Bureau of Corrections (BuCor), na nagsu-supervise sa NBP, kung ang isda na isinilbi sa loob ng kulungan o kontaminadong tubig ang naging sanhi ng food poisoning.
Sinabi ng BuCor na ang insidente ng food poisoning nitong nakaraang Biyernes ay naapektuhan ang bilang ng preso na nakakulong sa national penitentiary’s maximum, medium, at minimum security compounds.
“We have 69 admissions due to loose bowel movement at the NBP hospital and roughly 600 have been seen and attended to,” pahayag ni BuCor Dir. Gen. Benjamin delos Santos.
Isa aniyang matandang preso na nakapiit sa minimum security compound ang nasa kritikal na kondisyon.
Sinabi ni Aguirre na naglatag na ang Department of Health (DoH) ng eksaminasyon kaninang umaga para malaman ang sanhi ng outbreak. BOBBY TICZON
Tiger Woods, kanasuhan sa drunk driving
SINAMPAHAN ng mga awtoridad is golf legend Tiger Woods dahil sa pagmamaneho ng lasing sa Florida.
Ayon kay Jupiter Police spokeswoman Kristin Rightler, isinampa na nila ang kasong Driving Under Influence labans a 41-anyos na US golf player.
Naaresto ito sa Indian Creek Parkway habang lulan ng kanyang 2015 Mercedez na ayon sa mga umarestong pulis na amoy alcohol ang hininga nito.
Naging arogante pa ito at tumangging sumailalim sa breathanalyzer test kaya napilitan silang arestuhin ang 14-time major winner.
Agad namang nagtungo sa police station ang kasintahan nito na si Kristin Smith matapos na mabalitaan ang insidente.
Kasalukuyang hindi naglalaro ngayong si Woods habang ito ay nagrerekober sa kanyang operasyon sa likod. -30-
Retiradong pulis itinumba sa gym
PATAY ang isang retiradong pulis habang isa pa ang sugatan nang barilin ng dalawang hindi nakilalang lalaki sa loob ng gym sa Sta. Ana, Maynila.
Kinilala ang namatay na si Dennis Padpad, 47, may-asawa, retired PNP, ng 2117 Silahis St., Sta. Ana.
Ginagamot naman sa ospital ang dalawa pang nasugatan at nadamay sa insidente na naganap sa loob ng SMJB body fitness gym sa 1866 A. Francisco malapit sa kanto ng E. Lauriaga St., Sta. Ana.
Alas-6:20 Lunes ng hapon nang maganap ang insidente.
Sinasabing dalawang hindi nakilalang suspek ang pumasok sa gym na naka-black jacket at sumbrero ang bumaril sa biktima na tinuturing na high-value target at napag-alamang nagretiro noong nakaraang taon lamang.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpatay sa biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
Binungangaan ang misis ng kainuman, kelot kinatay
ISANG 27-anyos na lalaki ang pinagsasaksak ng kanyang kainuman matapos makipagtalo sa misis nito sa Sampaloc, Manila kamakalawa ng gabi.
Unang isinugod sa St. Jude Hospital ngunit inilipat rin sa Chinese General Hospital ang biktimang si John Philip Mallari, ng 1774 Simoun St., Sampaloc, bunsod ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, mabilis namang tumakas at tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na nakilala namang si Jester Roeldan Miranda, 29, residente rin ng naturang lugar.
Sa ulat ni P/Supt. Aquino Olivar, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 4, dakong 11:00 ng gabi nang maganap ang pananaksak sa harapan ng bahay ng biktima at suspek.
Nauna rito, masayang nag-iinuman ang dalawa nang dumating ang ‘di pinangalanang misis ni Miranda, at sa ‘di pa batid na dahilan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng babae at ni Mallari.
Ipinagtanggol naman ni Miranda ang misis at kaagad na pinagsasaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago mabilis na tumakas. MACS BORJA
Parking collector, pinatay sa QC
PATAY ang isang parking collector matapos pagbabarilin ng dalawang salarin habang natutulog sa palengke sa Quezon City kagabi, Mayo 29.
Kinilala ang biktimang si Noel Santos, 50, parking collector sa may terminal sa tapat ng Commonwealth Market, at residente ng 37 Bonanza Phase 1, Brgy. Fortune, Marikina City.
Hindi na umabot nang buhay sa East Avenue Medical Center (EAMC) dahil sa tinamong tama ng bala ng .45 kalibre ng baril sa ulo at katawan.
Ayon kay PO3 Roldan Cornejo ng Quezon City Police District -Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente dakong 11:30 ng gabi sa tabi ng Melba’s Store sa tapat ng Commonwealth Market.
Bago ito, natutulog ang biktima nang bigla na lamang sumulpot ang dalawang armadong lalaki at pinagbabaril ito.
Mabilis na tumakas ang dalawa na pawang naka-itim na jacket at sumbrero na ngayo’y tinutugis na. SANTI CELARIO
Kaanak ng Maute, nasa Maynila na
KINUMPIRMA ng Philippine National Police (PNP) na narito sa Metro Manila ang kaanak ng Maute group.
Ito ang kinumpirma ni NCRPO Director Oscar Albayalde sa isinagawang briefing ng House Committee on Metro Manila Development bagama’t batay aniya sa monitor nila ay hindi naman mga radikal ang nagtungo dito sa Maynila.
Aminado si Albayalde na walang makuhang impormasyon ang PNP kung may balak ang mga ito ng masama ngunit mahigpit na aniya ang pagbabantay sa mga ito sa komunidad na kanilang kinaroroonan sa gitna ng kasagsagan ng krisis sa Marawi City.
Sinabi ni Albayalde na ang Metro Manila sa kasalukuyan ay nasa kategorya ng moderate level threat, mas mababa na ito kumpara sa high level threat noong nakaraang taon.
Ngunit paglilinaw nito, wala namang direct threat sa Metro Manila ang mga terorista gaya ng Maute group, Abu Sayyaf (ASG) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Subalit handa aniya ang kapulisan sa ngayon at kahit ang pagli-leave ay pansamantalang kinansela dahil kailangan ang buong puwersa ay nakaalerto.
Binigyang-diin ni Albayalde na aktibo ang intelligence posture ng NCRPO ngayon at matindi aniya ang ugnayan nila sa lahat ng law enforcement agencies kasama na ang Nnational Intelligence Coordinating Agency.
Sa buong Metro Manila aniya ay nakalatag ang may 169 na checkpoints mula nang magsimula ang sagupaan sa Marawi City.
Samantala, nanawagan naman ang ilang kongresista sa PNP na higpitan ang monitoring sa Muslim area sa Quiapo.
Pakiusap ni Manila Rep. Manuel Luis Lopez sa NCRPO na mas higpitan pa ang pagbabantay sa Muslim community.
Aniya, ang mga ganitong lugar ang posibleng pagkutaan o pagtaguan ng ilang miyembro ng Maute group sa Quiapo na rin nagsilaki.
Mapanganib aniya ito lalo pa’t malapit ito sa Malakanyang at malapit din dito ang oil depot.
Tinugon naman ito ni Albayalde sa pagsasabing todo ang monitoring ng kapulisan sa Muslim community sa Quiapo at nitong pasimula aniya ng Ramadan ay nagdagdag na ng puwersa rito. MELIZA MALUNTAG
CHED sinisisi sa panibagong tuition fee hike
BINATIKOS ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago ang Commission on Higher Education (CHED) dahil sa pag-aapruba sa panibagong kahilingan ng 268 private universities na magtaas ng tuition sa susunod na academic year.
Tinukoy ng kongresista ang datos mula sa CHEd na ang inaprubahan na tuition increase ay 6.96 porsyento o P86.68 per unit, habang ang itinaas naman sa ibang school fees ay 6.9 porsyento o P243.
Giit ng mambabatas, masyado nang mataas ang edukasyon sa bansa at lalo itong naging pabigat dahil sa muling pagtataas ng matrikula na aniya’y hindi na kinakaya ng maraming pamilyang Pilipino.
Ani Elago, matagal nang naging stamp pad ang komisyon ng tuition hikes na nagresulta sa kasalukuyang sitwasyon na hindi na abot kaya ang matrikula ng karamihan sa mga higher education institutions.
Babala pa ng mambabatas na posibleng muling bumagsak ang bilang ng mga estudyanteng makapagpapatuloy ng pag-aaral dahil sa panibagosng taas ng matrikula.
Banggit pa ni Elago, ang national average tuition rate ay tumaas ng P115 per unit mula sa panahon ni dating pangulong Noynoy Aquino o P3,450 per semester para sa mga estudyanteng may 30 units. Nangangaulugan ito ng P6,900 – P10,350 na pagtataas kada taon.
Sa ngayon ay nagbabayad ang bawat Filipino college student ng P30,000-P50,000 kada semestre.
“We have time and again raised to CHED the illegality and questionability of these fees, but CHED has remained ‘inutile’ and ‘negligent’ in addressing these concerns. What has the CHED done to address these concerns? Nothing. It has given abusive school administrators and greedy owners a free hand in milking students and parents out of every peso that they have,” ani Elago. MELIZA MALUNTAG
35 Metro Manila barangay, walang tubig sa Miyerkules, Huwebes
ILANG lugar sa Pasig at Taguig City at municipalidad ng Pateros ang makararanas ng magdamagang water interruption mula Miyerkules hanggang Huwebes ngayong linggo.
Sinabi ng Manila Water na ang water interruption ay ilalatag para bigyang-daan ang pagpapapalit ng mga tubo at relocation works sa Parian Creek sa Brgy. Kapasigan sa Pasig City.
Mawawalan ng tubig mula alas-8 ng gabi, May 31, hanggang alas-6:00 ng umaga, Hunyo 1.
Ang lahat ng mga barangay sa Pateros ang maaapektuhan ng water interruption.
Ang mga barangay na maapektuhan sa Pasig City ay Kapasigan, San Jose, Sta. Rosa, Sumilang, San Jose, Sta. Rosa, Sta. Cruz, Sto. Tomas, Bambang, San Joaquin, Kalawaan, Buting.
Ang mga lugar na maaapektuhan sa Taguig City ay Ususan, Tuktukan, Sta. Ana, IbayoTipas, Ligid Tipas, Napindan, Palingon, Calzada, Wawa, San Miguel, Hagonoy, Bambang at bahagi ng New Lower Bicutan. BOBBY TICZON
PMA isasara muna sa military alert
ISASARA muna sa publiko at sa mga turista ang Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City kasunod pa rin ng blue alert declaration ng Northern Luzon Command.
Sinabi ni Lt. Col. Reynaldo Balido, Jr., tagapagsalita ng PMA, na isasara ang akademya sa loob ng pitong araw at magsisimula ito sa Miyerkules.
Aniya, ito’y dahil pa rin sa nangyayaring kaguluhan sa Marawi habang ang Mindanao naman ay isinailalim sa batas militar.
Hindi nila inaalis ang posibilidad na may mangyaring terror activities sa iba pang bahagi ng bansa.
Magugunitang ang PMA ay isa sa mga tourist destination sa City of Pines kung saan, may ilang bahagi ng akademya ang binubuksan para sa mga turista.
Una nang idineklara ang batas militar sa buong rehiyon Mindanao matapos umatake ang Maute terror group sa Marawi noong Mayo 23. BOBBY TICZON