INILAGAY sa half mast ang watawat ng Pilipinas sa Senado kasunod ng pagpanaw ni dating Senador Eva Estrada-Kalaw sa edad na 96.
Agad din namang bumuhos ang pakikiramay sa mga naiwan ng dating mambabatas.
Nagbigay-pugay din ang ilang mga kababayan at inalala ang naiambag ni Kalaw sa bansa lalo na ang krusada nito para sa demokrasya.
Tinawag ni Sen. JV Ejercito si Kalaw bilang “fierce freedom fighter.”
Noong panahon ng rehimeng Marcos dalawang beses na nakulong si Kalaw.
Habang aktibo pa ito sa lehislatura, kanyang isinulong ang mga adbokasiya sa socio-cultural issues, edukasyon at pagkakapantay-pantay ng babae at lalaki.
Siya ang founder at chairperson ng Jayceerettes Organization, ang female counterpart ng junior Chamber of Commerce, gayundin ang organisasyon na Samahang Filipina.
Kinilala rin si Kalaw sa kanyang walang-pagod na pagganap bilang isang social service leader.
Dahil dito, binigyan siya noon ng parangal bilang “Outstanding Volunteer Social Worker of the Year” ng Women and Gender Institute of Miriam College at ng Senate of the Philippines.
Kung maaalala, nahalal si Estrada-Kalaw bilang senadora noong December 30, 1965.
Noong August 21, 1971, kabilang siya sa mga nasugatan nang pasabugan ng bomba ang Liberal Party rally sa Plaza Miranda.
Naging assemblywoman siya sa Batasang Pambansa na kumatawan sa lungsod ng Maynila.
Matapos ang People Power Revolution, kumandidato siya pero natalo sa senatorial elections sa ilalim ng Grand Alliance for Democracy.
Taong 1992 nang tumakbo siya sa pagka-bise presidente ng Pilipinas bilang running mate ni dating Vice President Salvador Laurel na tumakbo naman sa pagka-presidente pero natalo silang dalawa kay Joseph Estrada at Fidel Ramos. JOHNNY ARASGA