INABISUHAN na ng liderato ng Kamara ang mga kongresista na huwag munang umuwi sa kani-kanilang distrito pagkatapos ng sesyon ngayong araw.
Ito’y dahil posibleng magpatawag ng sesyon anomang oras kung makapagsusumite si Pangulong Rodrigo Duterte ng report patungkol sa deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.
Sinabi ni House Majority Leader Rodolfo Farinas, sa sandaling matanggap ng Kongreso ang report sa loob ng 48 oras, personal man o written, mula sa pangulo ay saka lamang maisasagawa ng Kongreso ang mandato nito.
Ipinaliwanag ni Farinas na hindi na kailangang magsagawa ng joint session ang Senado at ang Malaking Kapulungan upang pagtibayin ang deklarasyon ng pangulo ng Martial Law.
Pinayuhan din nito ang publiko na maging kalmado kaalinsabay ng deklarasyon ng Martial Law bunsod ng pag-atake ng Maute Group sa isang ospital at paaralan sa Marawi City.
“All members are advised to stay put in Manila. Under the rules, our sessions are until Friday. The President will head back home and we may have session as soon as we receive his official report,” ayon sa advisory na ipinalabas.
Sa panig naman ni Surigao del Sur Rep. Ace Robert Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, inudyukan pa nito ang PNP at AFP na ibigay sa Maute group ang tila hinihingi nitong giyera.
Hindi na aniya dapat pang madagdagan ang nasasawi at lumaki pa ang pinsala dahil sa pananakot at pag-atake ng mga teroristang grupo sa bansa.
Agad namang sinuportahan ni Davao City Rep. Karlo Alexie Nograles ang deklarasyon ng martial law kasabay ng panawagan sa publiko na maging mapagmatyag dahil karaniwan aniya na ang mga terorista ay nakikihalubilo sa mamamayan.
Malaki aniya ang partisipasyon ng komunidad upang mapalakas ang kampanya ng gobyerno laban sa terorismo. MELIZA MALUNTAG