PINASISILIP at ipinarerepaso na ng liderato ng Malaking Kapulungan ng Kongreso ang prangkisa ng Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific Airlines.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, tahasang nagbanta si House Majority Leader Rodolfo Fariñas na kapag nagpatuloy ang mga reklamo kaugnay sa pangit na serbisyo ng mga airlines sa publiko ay maaaring ipabawi ang prangkisa ng mga ito.
“Bawat linggo kliyente niyo kami, at ang downtime ko sa PAL siguro bawat linggo ay nasasayang mga dalawa hanggang limang oras. Tell your corporate bosses that I will review your franchise. We can amend your franchise anytime. You make a killing, and we are at your mercy. Pinagsasamantalahan ninyo ang riding public,” pagdiin ni Fariñas.
Giit pa ng kongresista, susuriin ng Kongreso ang prangkisa ng dalawang kumpanya dahil sa mga reklamo sa napakamahal na airline fares at sa mahabang delayed flights.
Nilinaw pa ng komite na pinamumunuan ni Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento na ang prangkisa ng mga ito’y hindi karapatan kundi isang pribilehiyo na ibinigay sa kanila ng sambayanan sa pamamagitan ng kanilang kinatawan sa Kamara.
“Kaya kayo naka-operate dahil pinayagan kayo ng mga boss namin, the sovereign Filipino people. Huwag niyo naman pagsamantalahan. Your enterprise is imbued with public interest. Wake up and shape up,” ayon kay Fariñas.
Ipinatawag ng Komite ang pagdinig base sa mga House Resolution 267 na inihain ni Rep. Ferjenel G. Biron, M. D. (4th District, Iloilo) at HR 723 ni Reps. Vicente S. E. Veloso (3rd District, Leyte) at Victoria Isabel G. Noel (Party-list, AN WARAY) sa labis na pananamantala sa pasahe ng PAL at Cebu Pacific.
Ayon naman kay Leyte Rep. Vicente Veloso, isa sa mga naghain ng House Resolution 723 na tila inabandona ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang tungkuling i-regulate ang presyo ng pamasahe sa eroplano bilang proteksyon ng taumbayan.
Nagbanta rin si Veloso kay CAB Executive Director Carmelo Arcilla na maaaring nilalabag na ito ang probisyon sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kapag ipinilit ang pananaw at itutuloy na baliwalain ang mandato sa ilalim ng Republic Act 776 na kumikilala sa CAB at sa Civil Aeronautics Administration. MELIZA MALUNTAG