UMALMA ang grupo ng mga negosyante at consumer sa panghihimasok ng Philippine Competition Commission (PCC) sa transaksyon sa pagitan ng Globe Telecom, Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) at San Miguel Corp. sa pagbili ng 700 mHz band para mapabilis ang internet connection sa bansa.
Aprubado ng National Telecommunications Commission (NTC) ang nasabing kasunduan na nagresulta ng malaking kapakinabangan hindi lamang sa milyon-milyong internet users kundi maging sa negosyo tulad ng Business Process Outsourcing.
Ang 700 mHz spectrum ay dating idle asset ng SMC kaya walang nakikitang masama ang mga negosyante at consumers group sa pinasok na deal ng dalawang kumpanya.
Naging mabilis ang pag-download ng data ng internet users dahil nakapag-deploy na ng LTE cellsites mula nang mabili ito at magamit ng dalawang telcos.
Lumilitaw rin sa international studies at surveys ang malaking pagbabago sa bilis ng internet na nadoble na matapos ang transaksyon.
Nagtataka ang mga negosyante at consumer’s group kung bakit kinukuwestyon pa ng PCC ang nasabing kasunduan sa kabila nang malinaw na pagbilis ng internet sa bansa at ng pag-apruba rito ng NTC.
Anila, ang ginagawang ito ng PCC ay malinaw na pang-aagaw sa tungkulin ng NTC, Department of Information and Communications (DICT) Technology at iba pang ahensya na nagre-regulate sa telcos.
“Kung mas mabilis ngayon ang internet at nasisiyahan naman ang mga cellphone subscriber sa serbisyo ng telcos, walang dahilan para makialam ang PCC sa aprubado nang transaksyon,” ayon sa mga negosyante.
Kaugnay nito, hiniling nila sa DICT na aksyunan ang panghihimasok na ginagawa ng PCC sa transaksyon sa pagitan ng SMC, Globe at PLDT upang hindi na bumalik ang mabagal na internet sa bansa. REMATE NEWS TEAM