SINIBAK ngayon ni Manila Mayor Joseph Estrada ang limang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nagpositibo sa paggamit ng droga.
Sina Rommel Santos, 40; Randy Luangco, 28; Marcelo Tinao, 39; John Lennon Dalisay, 27; at Enrico Dalisay, 39, ay bahagi ng 240 MTPB enforcers na sumailalim sa surprise drug test nitong Abril 24.
Base sa drug test report na nilabas ng ACC Drug Testing Center sa Ermita na accredited ng Department of Health (DOH) at nagpositibo sa ipinagbabawal na droga.
Ang ACC ang nagsagawa ng confirmatory tests sa limang enforcers matapos inisyal na magpositibo sa paggamit ng pinagbabawal na droga.
Binalaan naman ni Estrada na patuloy niyang babantayan ang mga kilos nito dahil lahat aniya ng kanilang kilos ang inire-report sa kanya.
Ito aniya ay dahil ayaw na nitong maulit pa ang nakaraan kung saan nasibak noong Nobyembre ang lahat ng 690 traffic enforcers ng MTPB dahil sa tambak na reklamo ng pangongotong sa mga motorista.
Ayon naman kay MTPB director Dennis Alcoreza, ang limang sinibak ay pawang mga job order lamang at wala silang matatanggap na kahit ano mula sa pamahalaang lungsod.
“Wala na silang employment dito sa city hall,” ani Alcoreza. “This constitutes a violation of their work contracts.”
Para sa mga nagnegatibo naman, bawat isa sa kanila ay makakatanggap ng certificate na pirmado ni Estrada na nagpapatunay na sila’y ‘100 percent clean’, dagdag ni Alcoreza.
Sinabi pa ni Estrada na magpapatuloy pa rin ang kanilang random drug test kahit pa nag-negative na ang mga nabanggit na enforcers.
Mandatory na rin aniya ang drug test sa lahat ng aplikante sa MTPB.
Nitong Agosto 8 ay pinangunahan ni Estrada ang 36 miyembro ng Sangguniang Panlungsod, kabilang na si Vice Mayor Honey Lacuna, sa pagpapasailalim sa drug test. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN