SINOPLA ni House Majority Leader Rodolfo Farinas ang kahilingan ni Magdalo Rep. Gary Alejano sa unang pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay sa impeachment complaint nito laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Farinas, “we do not have opening statement of complainants here. There Is a pending complaint here. The committee will dispose the complaint. You will answer questions made by the committee members. A complainant cannot make an opening statement. We are now determining the sufficiency of forms here,” ani Farinas.
Paglilinaw pa ni Farinas, ito’y kakaibang impeachment complaint dahil ang nagrereklamo at nag-endorso ay iisa tao lamang sa katauhan ni Alejano.
Ibinasura rin ni Mindoro Oriental Rep. Reynaldo Umali, chairman ng committee on Justice ang kahilingan ni Alejano na bigyan siya ng pagkakataon na makapagbigay ng opening statement.
Sa unang pagtatanong pa lamang ni Farinas kay Alejano tungkol sa dalawang beses niyang sinumpaan na “issue of verification” kung may personal itong nalalaman sa bintang na sangkot si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpatay sa may 8,000 katao dahil sa kampanya laban sa droga ay hindi ito direktang sinagot ni Alejano.
Hindi tuwirang sinagot ni Alejano ang personal knowledge nito sa pagsasabing, beripikado niya ang statement ng mga saksi.
Nagbanta rin si Farinas na posibleng makasuhan ng perjury si Alejano sa sandaling hindi nito mapatunayang authentic ang kanyang mga reklamo.
Banggit naman ni 1-SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta na batay sa nabasa niyang impeachment complaint ni Alejano, ito ay nakabase lamang sa mga ulat sa pahayagan at mula sa internet o website.
“Under the rules, these are inadmissible evidence,” binigyang diin pa ni Marcoleta.
Inamin din ni Aljano na ang kaniyang mga ebidensya sa alegasyon kaugnay sa bank deposits ng mga anak ni Pangulong Duterte ay nagmula kay Sen. Antonio Trillanes. MELIZA MALUNTAG