Trump and Duterte muling nag-usap
Kelot sinaksak sa batok, suspek gulpi
Beautician, kinaladkad ng PNR todas
PATAY ang isang lalaking beautician nang mahagip ng tren ng Philippine National Railways (PNR) kagabi sa Samploc, Maynila.
Ayon kay PNR Officer-i- charge Jo Geronimo, ang biktima ay nahagip ng tren sa Maria Clara pasado alas-7 kagabi.
Tinatahak umano ng driver ng tren na si Arjon Catura, ang kahabaan ng daang bakal ng Maria Clara nang pagsapit sa may crossing ay biglang tumawid ang dipa nakikilalang biktima na namatay noon din.
Sinubukan pa umanong gamitin ni Catura ang emergency break ng tren ngunit hindi agad ito huminto.
Gayunman, sa kabila nang pagkakahagip sa biktima ay nagpatuloy pa ring bumiyahe ang tren dahil may mga sakay itong mga pasahero.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente at inaalam ang buong pagkakilanlan ng biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
DOH-Mimaropa wasar training nagpapatuloy
Arbitral ruling laban sa China, hindi tinalakay sa chairman’s statement
Presinto nilusob ng NPA, 1 pulis dedo, hepe tinangay
NALAGAS sa pag-atake ang isang pulis habang tinangay naman ang isang hepe ng pulisya matapos lusubin ng mahigit 100 na hinihinalang New People’s Army (NPA) ang kanilang presinto sa Quirino province nitong Sabado, alas-10:30 ng gabi.
Dead-on-arrival sa Maddela District Hospital sanhi ng tama ng bala sa iba’t ibang bahaging katawan ang biktimang si P02 Jerome Cardenas, miyembro ng Maddela town police station.
Tinangay naman ng mga rebelde na kasapi ng NPA’s Southern Front of the Kilusang Larangang Gerilya ang hepe ng naturang presinto na si C/Insp. Jhun-Jhun Balisi. Kabilang din sa dinukot ang mga on-duty police officers na sina SPO4 Antonio Sibiran at isang nagngangalang PO2 Albano.
Pero makalipas ang ilang oras ay natagpuan sina Sibiran at Albano na kapwa nasa ligtas na lagay habang si Balisi naman ay patuloy na nawawala.
Sinabi ni Lt. Gim Teano ng 86th Infantry Battallion, nilusob ng mga rebelde ang naturang presinto at agad na dinisarmahan ang mga pulis na dinatnan doon.
Lumaban naman ang ilan sa mga pulis kabilang si Cardenas pero napatay ito matapos ang 20-minutong bakbakan.
Tinangay ng mga rebelde ang ang ilan sa armas ng mga pulis, laptops at iba pang gamit sa presinto.
Narekober din naman agad ang dalawang mobile patrol at isang Elf Truck na tinangay ng mga rebelde matapos magsagawa ang mga sundalo ng follow-up operation.
Sa kanilang pagtakas, sinilaban din ng mga rebelde ang isang dump truck na pag-aari ng isang construction company na kinontrata sa kasalukuyang road project sa lugar, ayon pa sa ulat.
Natagpuan din naman agad ang mga mobile patrol na inabandona sa Brgy. San Pedro, pero tinangay ng mga NPA ang trak sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Manglad.
Inilagay na ang Quirino province sa red alert status at naglagay na ang pulisya ng checkpoints sa lahat ng sulok ng probinsya, at maging sa mga kalapit na probinsya sa Isabela at Nueva Vizcaya. BOBBY TICZON
Big-time oil price rollback sa Martes, asahan
PAPALO sa P1 ang rollback ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon sa mga energy source, maglalaro sa P0.90 – P1 ang bawas sa presyo ng kada litro ng gasolina at kerosene.
Ang gasolina ay may mas mababang rollback na aabot sa P0.70 – P0.80 kada litro.
Karaniwang ipinatutupad ang oil price adjustment sa araw ng Martes. BOBBY TICZON
Fil-British, Bb. Pilipinas-Universe winner
KINORONAHAN na Binibining Pilipinas-Universe 2017 ang pambato ng Camarines Sur na si Rachel Peters.
Ang 25-anyos na Filipina-British beauty queen ang magiging pambato ng Pilipinas sa 2017 Miss Universe pageant.
Umangat ang ganda at talino ni Peters sa 39 iba pang candidates ng Binibining Pilipinas, upang masungkit ang prestihiyosong korona.
Ang 5’9″ tall beauty ay lumaki sa Phuket, Thailand. Nakatira ngayon ang kanyang pamilya doon at nagtapos sa International Baccalaureate.
Graduate rin ito ng Bachelor of Business major in Tourism and Events sa La Trobe University sa Australia.
Sa question and answer portion, ang naging tanong kay Peters ay kung ano ang magiging mensahe niya sa mga ASEAN leaders kung isa siya sa mga naimbitahang maging speaker sa pagtitipon na katatapos i-host ng Pilipinas.
“I believe that one of the problems that our country face today is divisiveness in politics, in religion, and also in culture. And I believe that is something that is the same across the world. And so that is something that I want to address. I believe that when people can learn to tolerate each other’s differences and respect each other’s opinions, then we will just be a stonger nation and world,” sagot ni Peters.
Umani naman ito ng malakas na hiyawan sa mga manonood.
Hindi ito ang unang sabak ni Peters sa national pageant dahil itinanghal na itong 4th Princess sa Miss World Philippines noong 2014.
Si Peters ay ang nobyo ni Camarines Sur Governor Migz Villafuerte.
Samantala, ang dating top contender na si Maria Angelica de Leon ay kinoronahan namang Binibining Pilipinas-International.
Ang anak nina Christopher de Leon at Sandy Andolong ang magiging kinatawan ng bansa sa Miss International 2017 na inaasahan ang back-to-back na panalo ng Pilipinas matapos masungkit ni Kylie Verzosa ang nasabing korona noong 2016.
Nasungkit naman ni Chanel Olive Thomas na dating girlfriend ng aktor na si Jake Cuenca, ang Bb. Pilipinas-Supranational crown; Bb. Pilipinas-Grand International si Elizabeth Clenci; Bb. Pilipinas-Intercontinental si Katarina Rodriguez habang Bb. Pilipinas-Globe naman si Nelda Ibe.
First runner-up si Chairmaine Elima habang second runner-up naman si Kristel Guelos.
Ilan sa mga nagsilbing judges sa coronation night ay ang aktor na si Paulo Avelino, Brazil Ambassador to the Philippines Rodrigo Souza, broadcast journalist na si Ted Failon, TV host Gretchen Ho at European Union Ambassador to the Philippines France Jessen
Host naman ng coronation night na ginanap sa Araneta Coliseum ang aktor na si Xian Lim at 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach. BOBBY TICZON
DU30 pinabibisita ni US Pres. Trump
HINDI na kailangang magsintir ni President Rodrigo Duterte na hindi siya binigyan ng US visa dahil mismong si U.S. President Donald Trump ang nag-iimbita sa kanya upang bumisita sa White House.
Sa report, personal na tinawagan ni Trump ang pangulo sa telepono upang imbitahing magtungo sa White House.
Nais ni Trump na pag-usapan ang problema sa North Korea at marami pang iba.
Hindi pa ibinigay ng White House ang mga detalye ng imbitasyon at kung kalian nakatakdang magkita ang dalawang lider.
Hindi pa rin kumpirmado kung tinanggap ni Duterte ang imbitasyon.
Gayunman, inaasahang mapag-uusapan ng dalawang lider sa Washington ang pagkakasundo at pagkakampihan ng dalawang bansa.
Nakatakda ring bumisita si Trump sa Pilipinas sa Nobyembre. NENET VILLAFANIA
LRT, MRT may libreng sakay sa mga manggagawa
NAGBIGAY ng libreng sakay ang Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) sa lahat ng mangagagawa ngayong Mayo 1, Labor Day.
Ayon Light Rail Transit Authority at MRT-3 Management, epektibo ang libreng sakay ngayong araw mula alas-7:00 – alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon – alas-7:00 ng gabi.
Kailangan lamang na ipakita ang company ID para masakay ng libre. -30-
Sikat na mountaineer, tigok sa Mt. Everest
PATAY ang sikat na Swiss climber na si Ueli Steck sa isang mountaineering accident malapit sa Mount Everest sa Nepal.
Ayon kay Mingma Sherpa ng Seven Summit Treks, nasawi si Steck sa Camp 1 ng Mount Nuptse.
Narekober ang bangkay ni Steck sa nasabing lugar at dinala na sa Lukla, kung saan naroon ang natatanging paliparan sa Mt. Everest.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung paano nasawi si Steck, pero pinaplano nitong akyatin ang 8,850-meter na Mt. Everest, pati na ang Mt. Lhotse sa susunod na buwan.
Si Steck ang kauna-unahang casualty ngayong spring mountaineering season sa Nepal na nagsimula noong Marso at matatapos ngayong buwan ng Mayo.
Daan-daang climbers ang dumadayo at sumusubok na akyatin ang Himalayan peaks tuwing Mayo, kung kailan sandali lamang nararanasan ang maayos na panahon.
Isa si Steck sa mga kilalang mountaineers sa kaniyang henerasyon, at kilala siya sa kaniyang speed-climbing, kabilang na ang pagtatala ng ilang records sa pag-akyat sa north face ng Eiger na isang tanyag na mountaineering peak sa Bernese Alps. JOHNNY ARASGA
Nars, 3 iba pa, huli sa buy-bust ops
NASAKOTE ng mga awtoridad ang apat katao kabilang ang isang nurse matapos ang magkahiwalay na buy-bust operation na isinagawa sa lungsod ng Lucena.
Una umanong isinagawa ang naturang operasyon sa Brgy. Ibabang Iyam.
Nadakip dito ang mga suspek na sina Winston Ebreo, 24, at Karl Joshua Stracke, 22.
Narekober sa kanila ang apat na sachet ng shabu na aabot sa P100,000 halaga.
Samantala, isinagawa rin ang kaparehong operasyon sa Brgy. Ibabang Dupay.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa mga suspek na sina Romeo Quinto, 36, at isang nurse na si Donn Vickson Sotomayor, 28.
Nakumpiska sa kanilang pag-iingat ang anim na sachet ng shabu.
Nananatili na ngayon sa kustodiya ng mga awtoridad ang mga salarin habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito. JOHNNY ARASGA
Bilang ng Pinoy na walang trabaho, sumadsad – SWS
SUMADSAD ang bilang ng mga Filipino na walang trabaho sa first quarter ng 2017.
Ito ang resulta ng sa panibagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Batay sa survey, bumaba sa 22.9 percent, o katumbas ng 10.4-milyong Pinoy ang walang trabaho.
Sa resulta ng survey na isinagawa sa fourth quarter ng 2016, lumabas na nasa 25.1 percent o 11.2-milyon pa ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho.
Sa first quarter survey ng 2017, 11.2 percent o 5.1-milyong adult ang boluntaryong umalis sa kanilang trabaho, 8.6 percent o 3.9-milyon ang nawalan ng trabaho dahil sa personal na dahilan, at 3.1 percent o 1.4-milyon ang mga first time job seeker.
Ipinaliwanag ng SWS na magkaiba ang depinisyon nila sa “joblessness”, sa depinisyon ng gobyerno sa “unemployment”.
Ayon sa SWS, ang kahulugan ng “joblessness” ay mga taong walang trabaho sa ngayon at naghahanap pa lang ng mapapasukan.
Hindi aniya sakop nito ang mga hindi nagtatrabaho, at hindi naghahanap ng trabaho.
Samantala, bumaba rin ang bilang ng mga Pinoy na umaasang magkakaroon ng trabaho sa susunod na 12 buwan.
Bumaba sa 44 percent ang job optimism sa first quarter ng 2017, kumpara sa 48 percent noong 2016.
Mula 12 percent noong nakaraang taon, tumaas sa 15 percent ang mga naniniwalang kakaunti ang mga trabaho sa susunod na taon.
Isinagawa ng SWS first quarter jobs survey noong March 25 hanggang 28, sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,200 adult respondents sa buong bansa. -30-
Lalaki nalunod sa creek
ISANG lalaki na sinasabing lango sa alak at nag-collapse habang naglalakad ang nahulog sa creek ang nalunod Linggo ng gabi, April 30, sa Malabon City.
Kinilala ang biktimang si Alfredo Lazo, 36, maintenance sa Elcanea Design and Engineering Service, ng 1332 F. Muñoz, Paco Manila.
Sa salaysay ng mga nakasaksi, una nilang nakita ang biktima na pagewang-gewang habang naglalakad sa kahabaan ng Borromeo St., Brgy. Longos.
Subalit bigla na lamang nag-collapse ang biktima hanggang sa mahulog sa creek sa naturang lugar na naging dahilan upang agad na ipinaalam ng mga nakasaksi sa mga awtoridad.
Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng PCP-3, Fire department, Rescue Team ng Malabon DRRMO at mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) bago nagtulong-tulong ang mga ito sa retrieval operation.
Pasado alas-11:50 na ng gabi nang tuluyang maiahon ng mga ito ang bangkay ng biktima. ROGER PANIZAL
VP Robredo magbabayad ng P8M sa SC
MAGBABAYAD ngayong araw si Vice President Leni Robredo ng P8-milyon sa Korte Suprema para sa kanyang counter protest sa natalong si dating Senador Bongbong Marcos.
Bandang alas-8:00 ngayong umaga, sasamahan si Robredo ng kanyang mga supporter sa pangunguna ng ‘The Silent Majority’.
Ayon kay Jozy Acosta-Nisperos, pinuno ng ‘The Silent Majority’, magra-rally din sila bilang protesta sa historical revisionism o pagbabago sa kasaysayan ukol sa Martial Law.
Hinikayat ni Nisperos ang mga makikiisa sa ilulunsad nilang rally na magsuot ng itim. -30-
Canada-Alaska border inuga ng magnitude 6.2 quake
INUGA ng magnitude 6.2 na lindol ang remote border area sa pagitan ng Canada at southeastern Alaska.
Ayon sa US Geological Survey (USGS), naitala ang epicenter ng lindol sa teritoryo ng Canada sa layong 83 kilometro, hilagang-kanluran ng Skagway, Alaska at may lalim na 2.2 kilometro.
Agad itong nasundan ng mga aftershocks na may lakas na 5.2 magnitude.
Wala namang naitalang nasugatan o namatay sa insidente at wala ring nasirang ari-arian. -30-
Appointment ni Gina Lopez dedesisyunan na
MALAKI ang posibilidad na desisyunan na ng Commission on Appointments (CA) ang kapalaran ni Environment Sec. Gina Lopez ngayong araw.
Kasunod ito ng muling paggulong ng confirmation hearing ni Lopez sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso.
Matatandaang na-bypass ang appointment ni Lopez matapos ang dalawang hearing at muli itong ni-reappoint ng Pangulong Rodrigo
Duterte noong Abril 17.
Sa mga naunang confirmation hearing, dumalo ang iba’t ibang grupo na nanawagan ng pagkontra sa kumpirmasyon ni Lopez dahil sa pagiging incompetent nito para maging Environment Secretary.
Pinakatinutulan sa mga naging desisyon ni Lopez ay ang pagpapasara sa halos 30 minahan at pagkansela sa higit 70 mga mining contracts.
Matatandaang nakatakdang i-develop ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ilan sa mga ipinasarang mine sites bilang eco-tourism zone.
Ayon kay Sec. Gina Lopez, ito’y upang makatulong sa rehabilitasyon ng mga mining site at magbigay ng alternatibong pangkabuhayan sa mga apektadong komunidad.
Aniya, mayroon na silang natukoy na labing tatlong bayan sa Dinagat at Surigao para maging eco-tourism sites.
Siniguro ng ahensya na 95 percent o mas malaking bahagi ng kikitain ay mapupunta sa komunindad kumpara sa mining kung saan napupunta sa mga investor ang malaking bahag. JOHNNY ARASGA
Cabinet secretaries ‘di na pwedeng gumamit ng ‘special plates’ – Duterte
IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng miyembro ng kanyang gabinete na huwag nang gumamit ng espesyal na plaka sa sasakyan na number 6.
Sa Pilipinas, ang no. 1 na plaka ay para sa Presidente, no. 2 sa Vice President, no. 3 sa Senate President, no. 4 sa House Speaker, no. 5 sa Chief Justice ng Korte Suprema, no. 6 sa cabinet secretaries, no. 7 sa mga senador at no. 8 sa mga kongresista.
Ani Pangulong Duterte, ayaw niyang magkroon ng espesyal na pagtrato sa mga taong gobyerno.
Gayunman, aminado si Pangulong Duterte na hindi niya maaring pagbawalan ang ibang matataas na opisyal ng pamahalaan dahil hindi na ito saklaw ng sangay ng Ehekutibo.
Maliban sa paggamit ng espesyal na plaka, pinagbabawalan din ng pangulo ang kanyang gabineteng gumamit ng ‘wang-wang’ sa kalsada.
Paliwanag ng pangulo, siya mismo ay hindi gumagamit ng ‘wang-wang’ dahil nakaabala ito sa ibang motorista. JOHNNY ARASGA
BIR kinastigo sa pagsalungat sa pangulo
KINASTIGO ng ilang kongresista ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa lantarang pagkontra kay Pangulong Rodrigo Duterte na pumasok sa isang out of settlement sa mga kumpanyang may kinakaharap na tax evasion cases para makakalap ito ng pondo.
Sinabihan ni Cagayan Rep. Randolph Ting, chairman ng House Committee on Labor and Employment, si BIR Commissioner Caesar Dulay matapos nitong sabihin na kanyang ipasasara ang Mighty Corp., isang Filipino cigarette manufacturing company, ngayong buwan.
Ito’y sa kabila ng pagsang-ayon ng pangulo na magbayad na lamang ang nabanggit na kumpanya sa pagkakautang nito sa buwis sa gobyerno.
“I don’t think the BIR commissioner can ignore the order of President Duterte. I think he (Dulay) should follow the lead of the President, that should be the case here,” ayon kay Ting.
Sinabi ni Ting na kung ito’y ipasasara, may 6,000 direct at indirect employees ang mawawalan ng trabaho at hindi pa kasama rito ang 55,000 tobacco farmers at 300,000 Pinoy kasama pa ang kanilang pamilya na maapektuhan.
Dapat aniyang alamin ng mga opisyal ng gobyerno ang magiging negatibong bunga nang plano ng BIR gaya ng pagkawala ng pagkakakitaan.
Sinabi ni Ting na dapat ngang pagmultahin ang kumpanya kung may pagkakamali ito ngunit hindi kailangang ipatigil ang kanilang operasyon dahil marami ang mawawalan ng trabaho.
Nauna rito, inihayag ni Mario Cabasal, National President ng National Federation of Tobacco Farmers Association and Cooperatives (NAFTAC), na daang scholars at nasa 55,000 tobacco farmers sa bansa ang maapektuuhan ng pagsasara ng kumpanya.
Giit ni Cabasal, bumagsak din ang presyo ng kanilang tobacco products dahil sa pagsasara ng Mighty Corp., na siyang bumibili ng kanilang “low grade and reject” Virginia tobacco products.
Ang BIR ay naghain ng P9.5-billion tax evasion case laban sa Mighty Corp. sa Department of Justice (DoJ) noong Abril 20. MELIZA MALUNTAG
Gov. Imee Marcos, pinagpapaliwanag sa P66.4M halaga ng sasakyan
PINAGPAPALIWANAG ng House Committee on good Government si Ilocos Norte Governor Imee Marcos ukol sa P66.4-milyong pinambili ng sasakyan mula sa share nito sa excise tax sa lokal na sigarilyo.
Ito ang inihayag ni House Majority Floorleader Rodolfo Fariñas kasabay ng pagdinig ng House Good Government Committee ukol sa kwestyunableng paggamit ng Ilocos Norte government sa share nito sa excise tax mula sa sigarilyong Virginia na gawa sa nabanggit na lalawigan.
Kasong plunder ang naghihintay sa mga opisyales ng Ilocos Norte kapag napatunayang nagkaroon ng irigularidad sa pagbili ng mga sasakyan na nagkakahalaga ng P66.4-milyon.
“Kapag nakita namin ang mga dokumento at talagang may katiwalian ay talagang Commission on Audit na ang mag-file sa Ombudsman,” ani Fariñas.
Pinadadalo sa susunod na pagdinig si Ilocos Norte Governor Imee Marcos at lahat ng Sangguniang Panlalawigan samantalang ipinasusubpina naman ang anim na naunang inimbitahan ngunit inisnab ang pagdinig.
“Mula sa step 1 up to to the last step kasi siya (Imee) iyong pumirma, according to the documents na nabigay sa akin siya (Imee) ang pumirma sa purchase request, siya ang nag-approve sa disbursement voucher, siya rin nag-approve sa check.”
Tatlong transaksyon ayon kay Farinas ang isinagawa kung saan ang una’y P32-milyon na ipinadala lamang sa isang empleyada rito sa Manila, P18-milyon at P15-milyon.
Malinaw aniyang nakasaad sa Republic Act 7171 na ang share sa excise tax ay hindi dapat gamitin pambili ng sasakyan. MELIZA MALUNTAG