Pag-decriminalize sa droga: Digong tinawanan si Robredo
Hepe ng MPD-PS 1, tinanggal muna sa ‘secret detention cell’
INI-RELIEVE sa puwesto ang isang hepe ng Manila Police District habang isinasagawa ang imbestigasyon kaugnay sa umano’y “secret detention cell” ng MPD-PS 1 sa Raxabago, Tondo.
Si MPD Station 1 commander Supt. Roberto Domingo ay ni-relieve upang bigyang-daan ang imbestigasyon ng Internal Affairs Service (IAS) sa pagkakatuklas sa lihim na kulungan ng nasabing istasyon.
Papalitan si Domingo ni Supt. Albert Barot.
Ni-relieve din ang 12 miyembro ng Raxabago Station Drug Enforcement Unit (DEU) kasama ang hepe nito na si Sr./Insp.Edwin Fuggan.
Sinabi naman ni IAS Inspector General Alfegar Triambulo na ang mga opisyal na sangkot ay kakasuhan ng grave misconduct o serious irregularity.
Nabatid na ang imbestigasyon ay isinagawa ng IAS makaraang matuklasan ng Commission on Human Rights ang nasabing “secret detention cell” sa isinagawang surprise visit kung saan may nakakulong na 8 lalaki at dalawang babae.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang CHR sa isang informant hinggil sa sekretong kulungan kaya agad silang nagtungo sa lugar.
Ang mga ito ay inaresto at ikinulong umano dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 / Comprehensive Dangerous Drugs Act at sila ay isinalang sa inquest proceedings ayon na rin sa blotter report ng istasyon.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon na syang basehan sa pagrerekomenda ng kaukulang aksyon laban sa mga sangkot na pulis.
Nalaman din na hinihingan din ng halagang P40,000 – P200,000 ang mga preso kapalit ng kanilang kalayaan.
Bukod dito, inakusahan din ng mga bilanggo na tino-torture sila ng mga pulis at pinapaamin sa krimeng hindi naman nila ginawa.
Kaugnay nito, itinanggi naman ni Domingo ang akusasyon.
Congested o overcrowd na aniya ang kanilang kulungan kaya doon muna aniya inilagay ang nasabing mga preso. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
Lalaking nambugbog ng GRO pumalag sa parak, patay
PATAY sa mga pulis ang isang lalaking nambugbog sa isang GRO sa isang motel sa Pasay City.
Kinilala ang napatay na si alyas ‘Mark’, at batay sa sumbong ng biktimang si Jenny Opril, sinuntok siya at sinaksak sa likod ng napatay na suspek.
Kahit pa nasugatan, nagawa pang makahingi ng tulong ng biktima sa kapwa GRO na nasa kalapit lamang na kwarto.
Tumakbo naman palabas ng motel ang babae saka humingi ng tulong sa mga rumorondang pulis na si PO2 Jay Ar Orada ng Pasay Police.
Nanlaban ang suspek at nasaksak pa sa tiyan si Orada dahilan para paputukan ito at mapatay.
Nang kapkapan ng SOCO ang suspek, nakuha pa sa bulsa nito ang mga drug paraphernalia.
Dinala sa San Juan De Dios Hospital ang sugatang GRO at pulis. JOHNNY ARASGA
3 timbog sa pot session sa Taguig
TIMBOG ang tatlong katao sa ikinasang Oplan Galugad sa Brgy. Upper Bicutan, Taguig City.
Kinilala ang mga suspek na sina Salongbai Utto, Zainab Palacala, at Marlo Renutar.
Nahuli sa akto ng mga operatiba ng Taguig Police Community Precinct 2 ang mga suspek na nagpa-‘pot session’ sa loob ng isang bahay sa Legazpi St.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang sachet ng shabu na hindi bababa sa tatlong gramo, isang digital weighing scale, at mga drug paraphernalia.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. -30-
Sabungerong nanalo nang malaki, dinukot sa Mandaluyong
KINIDNAP ng apat na kalalakihan ang isang sabungero at manager sa isang kumpanya ng pagawaan ng plastik sa Mandaluyong City, matapos siyang manalo ng malaking halaga sa sabong.
Ayon sa biktimang si Warlie Tan, nakabonet at armado ng matataas na kalibre ng baril ang mga kalalakihang dumukot sa kaniya.
Sa kabutihang-palad, pinakawalan din siya ng mga ito matapos malaman ng mga suspek na hindi pala niya bitbit ang napanalunang P200,000.
Gayunman, kinuha pa rin ng mga ito ang kanyang ATM card, pati na ang P7,000 cash niya.
Ayon kay Tan, pasado alas-8:30 na ng gabi nang umalis siya sa sabungan sa San Juan, at napansin niyang sinusundan siya ng isang puting Toyota Vios.
Dahil dito, naisip ni Tan na itago na sa loob ng kanyang sasakyan ang napanalunang pera.
Isa pa sa mga ito aniya ay nagpakilalang pulis, at binantaang kilala siya ng mga ito at kung saan siya namamalagi.
Ilang beses aniya siyang sinaktan ng mga ito nang magmatigas siya, habang nagpaputok ng baril ang isa sa mga kanila ngunit tinutok ito sa lupa.
Dito na siya kinaladkad patungo sa nasabing Vios, at muling hinanap sa kanya ang napanalunang P200,000 na premyo.
Tinangka pa aniya ng isa sa mga suspek na maglagay ng shabu sa kanyang bulsa.
Binantaan pa siya ng mga suspek na pupuntiryahin ang kanyang pamilya kung magsusumbong ito sa mga pulis. JOHNNY ARASGA
9-anyos nakasungkit ng ginto sa Palaro
MASAYANG-MASAYA ang isa sa mga atleta ng Cordillera na nakasungkit ng gold medal sa Taekwondo Poomsae – Elementary Division sa Palarong Pambansa 2017.
Ayon kay Kayla Guinto, sinabi niya na ito ang pinakaunang pagkakataon na lumahok ito sa Palarong Pambansa.
Kuwento ni Kayla, anim na taong gulang lamang siya nang magsimulang magsanay ng Taekwondo at bago pa man ang Palaro ay dumaan ito sa mahigpit na pagsasanay.
Aniya, nagamit niya ang mga itinuro ng kanyang coach sa ginanap na laban niya sa Taekwondo poomsae.
Napag-alamang kasama nito ang kanyang ina sa Antique at nanood ito sa kanyang laban.
Nagpasalamat naman si Kayla sa suporta ng kanyang pamilya, kaibigan at mga kamag-aral.
Si Kayla ay siyam na taong gulang na ngayon at nag-aaral sa H.O.P.E. Christian Academy sa La Trinidad, Benguet.
Piso humina kontra dolyar
NAGSARA ang palitan ng piso kontra dolyar sa 49.95 pesos, mas mataas ng labing pitong (17) sentimo kumpara sa 49.78 pesos.
Samantala, ang isang Canadian dollar naman ay may halagang 36.49 pesos; ang Japanese yen naman ay katumbas ng .447 centavos; habang ang isang Australian dollar naman ay katumbas ng 37.14 pesos.
Ang isang Hong Kong dollar naman ay katumbas ng 6.33 pesos, ang isang Saudi riyal naman ay katumbas ng 13.25 pesos.
Ang isang Taiwan new dollar naman ay katumbas ng 1.65 pesos, habang ang isang Qatari riyal naman ay katumbas ng 13.73 pesos. JOHNNY ARASGA
Granada inihagis sa perya, 1 gutay-gutay, 10 pa sugatan
GANG war ang tinitingnang anggulo ng mga awtoridad sa nangyaring pagsabong sa Quiapo area sa Maynila kani-kanina, Biyernes.
Sa ulat, isang improvised pipe bomb ang inihagis sa isang peryahan sa Quiapo Blvd. cor. Soler St. Extn. na nakapinsala ng 11 katao.
Makikita pa sa litrato ang tatlong lalaking pawang malubha ang lagay na ang isa’y nahati pa ang katawan sa lakas ng pagkakasabog.
Sinasabing hindi ito kaugnay sa nagaganap na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) meeting.
Samantala, agad namang nagtungo sa pinagyarihan ng pagsabog sina PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa at NCRPO chief Dir. Oscar Albayalde at kanila nang pinaiimbestagahan at pinare-review ang CCTV footage sa lugar upang makilala ang may gawa ng pagsabog.
Ayon sa ilang nakasaksi, dinala na ang ilang nasugatan sa Jose Reyes Memorial Medical Center upang agad na magamot. GILBERT MENDIOLA
Bebot, inutas sa bahay sa Caloocan
PATAY ang isang babae matapos pasukin loob ng bahay at pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa Caloocan City, kahapon.
Agad binawian ng buhay sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang nakilala lang sa pangalang “Veki”, edad 25-30, 5’4 ang taas at nakaputing sleveless shirt at maong shorts.
Sa ulat, dakong 2:15 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay sa 1038 A. Mabini St., Maypajo, Brgy. 33 ng nasabing lungsod.
Nabatid na nasa loob ng naturang bahay ang biktima nang pasukin ng hindi kilalang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril sa katawan.
Matapos ang pagpatay, mabilis na tumakas ang suspek habang narekober naman ng mga tauhan ng SOCO at police investigators sa pinangyarihan ang tatlong basyo ng bala mula sa kalibre .45 baril.
Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang pagkakilanlan ng suspek at ang motibo nito sa pagpatay sa biktima. RENE MANAHAN
Contractor todas sa riding-in-tandem
TODAS ang isang contractor matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Caloocan City kagabi, Abril 28.
Dead-on-arrival sa Bernardino General Hospital sa Novaliches, Quezon City sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Jayson Mamangon, 34, ng Esperanza Heights, Brgy. 168, Deparo.
Ayon kay Caloocan Police Community Precinct (PCP) 6 investigator PO2 Cris Robert Castro, dakong 8:00 ng gabi, naglalakad ang biktima sa Leo St. nang walang sabi-sabing pagbabarilin ng riding-in-tandem na kapwa naka-helmet at itim na jacket.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman ng kanyang mga kaanak ang biktima sa naturang pagamutan.
Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek at motibo ng mga ito sa pagpatay sa biktima. RENE MANAHAN
Planta ng pagkain, sinunog ng NPA
SINILABAN ng may 80 miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang packing plant sa Davao City kaninang Sabado ng madaling-araw, Abril 29.
Sa ulat ng regional police office, umatake ang NPA rebels at sinunog ang packing plant ng Lapanday Foods Corp. sa Brgy. Mandug dakong 3:30 kaninang madaling-araw.
Sa isang pahayag, sinabi ng NPA na inatake ng kanilang miyembro ng 1st Pulang Bagani Battalion at tinawag itong “tactical offensives” laban sa Lorenzo-owned companies at isang ranch sa lunsod na nagsimula dakong 2 a.m.
“The PBB’s coordinated offensives served as punitive action against the Lorenzos for their numerous crimes against agricultural workers, peasants and Lumad,” pahayag ng NPA.
Dinisarmahan umano ng mga ito ang mga security guard saka isinagawa ang masamang balak.
Sinabi naman ni city Mayor Inday Sara Duterte, ang pag-atake ng NPA ay “a personal insult especially because the local government of Davao City has been supportive of the peace negotiations between the national government and the National Democratic Front of the Philippines, ang political umbrella na may sakop ng armed guerrilla movement.”
“And because I have repeatedly offered to talk peace with the members of the NPA within Davao City,” dagdag pa ng anak ni President Rodrigo Duterte.
Naganap ang pag-atake sa kasagsagan ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng communist rebels. BOBBY TICZON
10 pulis nag-alta-presyon sa ASEAN Summit
NAKAPAGTALA na ang Department of Health (DoH) ng 10 pulis na tumaas ang blood pressure habang nagbibigay-seguridad sa ASEAN Summit.
Partikular na tinukoy ng DoH ang mga pulis na nagsisilbing bantay sa mga posibleng rally at route security.
Ayon kay Dr. Gloria Balboa, sumama ang pakiramdam ng mga biktima dahil sa sobrang init ng panahon.
Sinabi ni Balboa na may isa silang dinala sa ospital ngunit matapos ang pagsusuri sa kanya ay pinauwi rin ito at hindi na kinailangan pang i-confine.
May dalawang mobile clinic mula sa Jose Reyes Memorial Medical Center at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang nag-iikot upang tingnan ang kalagayan ng mga pulis na naka-deploy.
Bukod sa mga tauhan ng PNP, mino-monitor din ng mga mobile clinics ang mga delegates ng ASEAN. BOBBY TICZON
Sen. Koko Pimentel, idinipensa si PDu30 sa isyu ng arbitrary ruling
IPINAGTANGGOL ni Senate President Koko Pimentel si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa hindi nito pagbubukas sa ASEAN Summit ng naipanalong kaso ng Pilipinas laban sa China kaugnay sa territorial dispute sa West Philippine Sea.
Ayon kay Pimentel, hindi masisisi ang Pangulo lalo’t layunin ng ASEAN Summit ang mga usapin na pinagkakaisahan ng mga bansang miyembro nito.
Pinag-usapan na aniya ang mga usaping tatalakayin sa ASEAN Summit bago pa man umarangkada ang mga aktibidad kaugnay nito.
May mga nagsasabing iniwasan ng Pilipinas ang usapin lalo’t hindi lamang ang China ang siyang claimant sa mga pinagtatalunang teritoryo kundi ang iba pang mga bansa na kapitbahay ng Pilipinas at miyembro rin ng ASEAN. JOHNNY ARASGA
Mindanao quake, 2 sugatan, ilang gusali nasira
INUGA ng 6.8-magnitude earthquake ang Mindanao kaninang Sabado ng madaling-araw.
Sa ulat, dalawang katao ang nasaktan at ilang gusali naman ang nasira habang nagpanik naman ang mga residente na nasa tabi ng karagatan kasunod ng tsunami warning.
Nagbabala ang US authorities ng potential hazardous waves sa southern region ng Mindanao at Indonesia matapos tumama ang lindol dakong 4:23 a.m., magkagayunpaman, inalis na rin agad ng awtoridad ang tsunami alert matapos ang dalawang otras.
Inugoy ang mga higaan ng mga residente na nagsilabas ng kani-kanilang bahay habang inuuga ng lindol ang kanilang lugar na nag-iwan ng bitak sa isang ospital, 2 government buildings at isang port, nagbuwal ng isang bahay at pansamantalang nagkaroon ng power outage.
“The floor appeared to rise first before swaying violently from side to side. Then the lights went out,” kwento ni Adrian Morallas, na empleyado ng civil defense office sa General Santos city.
“I ducked and took cover under my desk in line with our disaster training, though it was very difficult to do that in the dark with the ground shaking.”
Sinabi ni Morallas na sinabihan ang mga coastal communities malapit sa General Santos na magsilikas para sa kanilang kaligtasan pero hindi matiyak ng awtoridad kung ilan ang bilang ng mgna nagsilikas sa kanilang kabahayan.
Tumama ang lindol sa lalim na 41 kilometers (25 miles) off Mindanao island, ayon sa US Geological Service.
Mas mataas naman ang ibinigay na sukat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na umabot ng magnitude 7.2 at ang epicenter ay nasa 53 kilometers off Mindanao south coast.
Sinabi ni Morallas na nabagsakan ang isa sa mga biktima ng bato habang nasaktan naman ang isang buntis nang matumba ito sa lakas ng pag-uga. BOBBY TICZON/PHOTO: KRIS JOSE
4 isla sa Pinas pasok sa 2016 world’s Friendliest Island
PASOK ang apat na isla ng bansa sa 2016 World’s Friendliest Island ng isang magazine na nakabase sa New York.
Ayon sa Department of Tourism (DOT) pinakamaraming boto ng readers ng Travel Plus Leisure Magazine ang nakuha ng Palawan, Cebu, Luzon at Boracay.
Binigyang-diin ni Jess Mc Hugh sa kanyang artikulo sa website ng magazine na nanguna ang mga nasabing isla sa Pilipinas dahil bukod sa pagiging palakaibigan ng mga Pinoy sa mga turista, magaling din ang mga Pinoy sa pagsasalita ng wikang Ingles.
Itinanghal din bilang friendliest island sa buong mundo ang Waiheke ng New Zealand, Ischia sa Italy, Tasmania sa Australia, Fiji Islands, Bali sa Indonesia, Great Barrier Reef Islands, Moorea, Paros, Greece, Bora-Bora, Exhumas, Bahamas at Caye Culker, Belize. JOHNNY ARASGA
Pang. Digong, itinutulak ang drug-free ASEAN community
MARIING itinutulak ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang isang drug-free Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) community matapos nitong pormal na buksan ang 30th ASEAN Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Lungsod ng Pasay.
Sa kanyang opening statement, sinabi nitong kailangan na hindi matinag ang ASEAN sa pagkakaroon ng drug-free ASEAN.
“The scourge of illegal drugs threatens our gains in community-building. I have seen how illegal drugs have ended the hopes, dreams, future and even lives of countless people, especially the youth. he illegal drug trade apparatus is massive. But it is not impregnable. With political will and cooperation, it can be dismantled, it can be destroyed before it destroys our societies,” aniya pa rin.
Sinabi pa rin niya na hindi dapat na sumalungat o umiwas ang mga miyembro ng ASEAN sa pagsisikap ng mga ito na maalis ang security threats.
“Piracy and armed robbery against ships disrupt the stability of regional and global commerce. Terrorism and violent extremism have brought the reality of attacks right on our shores and at our doorsteps. Eternal vigilance is the price that we must pay to keep our citizens safe. We can only achieve this through advancing cooperation at the bilateral, regional, and multilateral levels,” lahad nito.
Ang Pangulo, bilang chairman ng ASEAN ngayong taon ay hinikayat ang kanyang ASEAN leaders na patatagin ang ugnayan nito sa business community.
“We can advance cooperation in our region by staying true, steadfast, and resolute to our processes of integration, innovation, inclusivity, and connectivity,” ani Pangulong Duterte sabay sabing ang kapasidad ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ay dapat na palakasin bilang MSMEs na nagsisilbing “engines of growth.”
Pinasalamatan naman ni Pangulong Duterte ang mga kapalit-bansa nito na miyembro ng ASEAN para sa malaking tulong sa Pilipinas partikular na sa usapin ng kalamidad.
“During our time of greatest need, you were there. We are eternally grateful. Today, I say the Philippines will do its own part to help those who are in need in our region and beyond,” aniya pa rin.
Ngayong taon ay ipinagdiriwang ng ASEAN ang kanilang ika-50 taon.
Habang ginugunita naman ng ASEAN ang ika-40 taong anibersaryo ng dialogue relations sa mga bansang katulad ng Canada, European Union (EU), at Estados Unidos at pagdiriwang ng ika-25 taong anibersaryo ng relasyon sa bansang India.
“These are relations that are valued. But they can be much more valuable and stronger if we learn to respect each other’s independence and treat each other as sovereign equals.Our engagement with Dialogue Partners allowed us to set the table for meaningful discussions on maintaining peace and stability, the pursuit of development goals, the peaceful resolution of disputes, and the promotion of our peoples’ welfare. In this milestone year, the time is ripe – and indeed it is right – to make our decisions count. It is time for ASEAN to finally assert, with conviction, its position in the international arena,” litanya ng Pangulo. KRIS JOSE
P2M natupok sa Maynila
UMABOT sa P2-milyong halaga ari-arian ang natupok ng apoy nang masunog ang isang residential area sa San Andres, Maynila kaninang umaga.
Ayon kay SFO2 Eldilberto Cruz ng Manila Fire Department, nagsimula ang sunog alas-10:00 ng umaga sa isang bahay sa Chromium St. at umabot sa ikatlong alarma.
Nadamay din ang ilang mga bahay sa likuran na nasa Raymundo St.
Isang lalaki naman ang iniulat na nasaktan sunog matapos malapnos ang tuhod sa kasagsagan ng sunog.
Naapula ang sunog makalipas ang mahigit isang oras.
Inaalam pa ng pulisya ang pinagmulan ng sunog. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
UPDATE: Sugatan sa Quiapo blast, kilala na
UMABOT na sa 12 katao ang sugatan kabilang ang isang malubha na naputulan pa ng binti sa naganap na pagsabog nitong Biyernes ng gabi sa peryahan sa Quezon Blvd. sa Quiapo, Maynila.
Ang biktimang sina Ramon Carious, 46, may-asawa, tailoring checker, ng 1904 CM Recto Ave., Quiapo, at Rolando Gubat, 45, ng Castillejos, Quiapo ay kapwa dinala sa Philippine General Hospital (PGH).
Habang sa Mary Chiles Hospital naman isinugod si Pepito Enriquez, 44, taga-Obando, Bulacan.
Ayon pa sa ulat, siyam pa ang dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) na kinilalang sina Migine Lopez, 24, ng Tanza, Cavite; Mayvelyn Olipas, 19, ng Brgy. Tayog, Carriedo, Pangasinan; Alvin Michael Vallila, 20, ng 1802 CM Recto Ave., Quiapo; Clarissa Macaspac, 24, ng San Pedro Saog, Lubao, Pampanga; Amado Flores, 37, ng Sta. Cruz, Laguna; Patrick Bagnes, 26, ng 11 Lopez St., Villas Espanya Subd., Araneta Ave., Quezon City; Reynaldo Cabanilla, 28, ng Bautista, Pangasinan; Ruiz Convicto, Jr., 32, ng 599 Ayala Blvd., Ermita, Maynila; at Wilfredo Tomagan, 22, ng no. 724 Quezon Blvd., Quiapo.
Pasado alas 10 ng gabi nang maganap ang pagsabog kung saan posible umanong iniwan sa ilalim ng lamesa ng isang vendor ang pampasabog.
Nabatid na bago ang insidente, isang lalaki ang nagbanta na pasasabuhin niya ang lugar.
Lumilitaw sa blotter ng Brgy. 391 Zone 40 na naghain ng reklamo noong Abril 26, Miyerkules, ang isang alyas “Johary”, menor-de-edad, laban sa magkapatid na may apelyidong “Kahulugan” na tauhan sa perya ng isang alyas “Marissa” kung saan napagtulungan umanong bugbugin ang binatilyo.
Kinabukasan (Abril 27) ay lumutang sa barangay hall ang ama na complainant at hinahanap ang magkapatid na Kahulugan subalit hindi umano sumipot. Sa galit ng ama ng complainant ay nagbanta ito na pasasabugin niya ang lugar kung saan nagtatrabaho diumano ang magkapatid.
Gayunman, patuloy pang iniimbestigahan kung may kaugnayan ang pagsabog sa nasabing insidente.
6
Nabatid na agad nagtungo sa blast site sina MPD director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, National Capital Region Police Office director C/Supt. Oscar Albayalde at Philippine National Police (PNP) chief, Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sinabi ni Albayalde na isang pipe bomb o improvised explosive device ang ginamit na pampasabog na inilagay umano sa ilalim ng mesa ng isang vendor kaya naputulan ng binti.
Sa kuha naman ng closed circuit television (CCTV), isang motorsiklo lulan ng dalawang lalaki ang dumaan sa lugar bago ang pagsabog.
Ayon kay Albayalde hindi maituturing na terorismo ang insidente dahil sa uri ng pampasabog o pinsala na makikita sa bangketa.
Hindi rin umano nila ito ikinokonsiderang may kaugnayan sa bantang panggugulo sa nagaganap na ASEAN Summit sa Pasay City. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
Ama ng ex-Ms. World PH, nag-suicide sa selda
NAGPAKAMATAY ang ama ni 2015 Miss World Philippines Hillarie Parungao sa loob ng police station matapos itong mahuli sa droga.
Nagbaril sa sarili si Edmundo Parungao sa loob mismo ng presinto sa Solano, northern Philippines matapos maaresto.
Sa report, inagaw ni Parungao ang baril sa isang pulis at nagbaril sa sarili.
Hindi pa malinaw kung inamin niya ang ibinibintang na kasalanan.
Hindi naman makausap ang anak nitong si Hilarie.
Gayunman, nagpahayag ito sa Facebook na nalulungkot siya sa pangyayari. NENET VILLAFANIA
Kelot pinagsasaksak habang tulog
MUNTIKAN nang hindi magising sa mahimbing na pagtulog ang isang mister matapos saksakin ng ‘di nakilalang suspek sa loob ng kanyang barong-barong sa loob ng sementeryo, Biyernes ng tanghali, April 28, sa Malabon City.
Nakaratay at inoobserabahan sa Caloocan Medical Center sanhi ng dalawang malalim na saksak sa dibdib ang biktimang si JR Palermo, 22, pansamantalang naninirahan sa loob ng Tugatog Cemetery ng nasabing lungsod.
Isang manhunt operation naman ang ikinasa ng Malabon police laban sa suspek na nakilalang si Melvin Reyes, 20, ng 5516 P. Concepcion St., Tugatog, Malabon na mabilis tumakas matapos ang krimen.
Sa imbestigasyon, pasado alas-12:00 ng tanghali nang maganap ang insidente sa loob ng nasabing libingan sa Brgy. Tugatog ng nasabing lungsod.
Nauna rito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nina Palermo at Reyes hanggang sa biglang umalis ang suspek.
Lingid sa kaalaman ng biktima, hindi na siya babalikan ng suspek kaya nagpasya na itong umidlip na siya ngunit pagbalik nito ay may dala nang icepick kaya malaya nitong nasaksak nang dalawang beses sa dibdib saka mabilis na tumakbo.
Unang dinala ang biktima sa Pagamutan Bayan ng Malabon dahil sa kulang ng kagamitan ang ospital kaya agad itong ilinipat sa Caloocan Medical Center.
Patuloy ang follow-up investigation ng mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo sa insidente. ROGER PANIZAL