Quantcast
Channel: Breaking News – Remate
Viewing all 14412 articles
Browse latest View live

Rider sumalpok sa kotse, tigok

$
0
0

ISANG motorcycle rider ang binawian ng buhay nang banggain ng kotse sa Tondo, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Ariel Cano, ng 815 Coral St., Tondo, Maynila.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang suspek na si Francis Sherwyn Jan Lao, 19, estudyante, ng 712 Madrid St., Binondo.

Sa imbestigasyon ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang insidente dakong 1:45 ng hapon sa kato ng Jose Abad Santos at La Torre St., Tondo.

Nabatid na binabagtas ng biktima sakay ng kanyang motorsiklo (7885 OE) ang kahabaan ng nabanggit na lugar nang salpukin ng Toyota Wigo na may conduction sticker na YV 0184 at minamaneho ni Lao.

Pagsalpok ng kotse, tumilapon ang biktima at tumama ang ulo sa sementado na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Kaagad naman sumuko sa awtoridad ang suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN


Number coding scheme, suspendido sa Biyernes

$
0
0

AALISIN muna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang number coding scheme sa Biyernes, Abril 28, sa Metro Manila maliban sa Makati at Las Piñas cities.

Ito’y bilang preparasyon para sa 30th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Inabisuhan din ng MMDA ang mga motorista at commuter na asahan na ang matinding traffic congestion sa Maynila, Pasay at Makati simula ngayong araw hanggang Sabado partikular sa Philippine International Convention Center (PICC).

Samantala, kabilang naman sa mga kalsadang itinalaga bilang ASEAN lanes o daraanan ng mga delegado ang Senador Diokno Blvd., Jalandoni St., V. Sotto St. at Bukaneg St. JOHNNY ARASGA

Piso tumaas kontra dolyar

$
0
0

TUMAAS nang P0.11 ang halaga ng piso kontra dolyar, matapos ang unang round ng French Presidential Elections.

Nagsara ito kahapon sa halagang 49.675, mas mataas sa 49.785 noong Lunes.

Samantala, ang isang Canadian dollar naman ay may halagang P36.89; ang Japanese yen naman ay katumbas ng P0.4538; habang ang isang Australian dollar naman ay katumbas ng P37.68.

Ang isang Hong Kong dollar naman ay katumbas ng P6.40, ang isang Saudi riyal naman ay katumbas ng P13.28.

Ang isang Taiwan new dollar naman ay katumbas ng P1.64, habang ang isang Qatari riyal naman ay katumbas ng P13.64. JOHNNY ARASGA

19-anyos na ina, kalaboso sa droga

$
0
0

BAGUIO CITY – Isang 19-anyos na ina ang kalaboso kahapon (April 25) matapos mahuli sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Ferguson Rd., sa nasabing siyudad.

Kinilala ni Baguio City Police Office (BCPO) Station 1 commander Eddie Bagto ang suspek na si Norlyn Abdulmadil Demmatang, tubong Marawi City at nanunuluyan sa Baguio.

Sa imbestigasyon, nakipag-coordinate ang PDEA-Baguio City sa BCPO station 1 para magsagawa ng buy-bust operation laban sa suspek na umano’y matagal nang nagtutulak ng shabu sa kanilang lugar.

Agad na ikinasa ang anti-drug operation laban sa suspek na inaresto matapos pagbentahan ng shabu ang isa poseur buyer.

Nakumpiska mula kay Demmatang ang tatlong sachet ng shabu na may timbang na 17 grams at nagkakahalaga ng P102,000.

Dinala ang suspek sa BCPO at nahaharap sa kasong anti-illegal drug act na kasalukuyan nang nakakulong. ALLAN BERGONIA

Ariel Rivera, hinoldap

$
0
0

NATANGAYAN ng cellphone at pera ang isang lalaking kapangalan ni Ariel Rivera matapos holdapin ng dalawang lalaki sa Proj. 6, Quezon City kahapon ng madaling-araw, Abril 25.

Nagharap ng reklamo sa barangay hall ng Brgy. Proj. 6 ang biktimang si Ariel Rivera, 18, construction flagman, taga-Quezon City.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) station 2-Masambong, naganap ang insidente sa Proj. 6, QC dakong 3:00 ng madaling-araw.

Agad namang nadakip sa follow-up operation ng mga tauhan ng Masambong police ang mga suspek na sina Arnel Matabalan, 25, ng Agham Rd., Project 6, at Gary Advincula, 26, ng Brgy. San Isidro, Montalban, Rizal.

Sinabi na habang naglalakad ang biktima pauwi sa naturang lugar ay tinutukan siya ng mga suspek at sapilitang kinuha ang pera at cellphone. SANTI CELARIO

Operasyon ng Maynila sa ASEAN Summit, 7 patay, 169 arestado

$
0
0

LALO pang pinaigting ng Manila Police District (MPD) ang seguridad para sa gaganaping Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Kaugnany nito, nasa pito katao ang napatay habang 169 naman ang naaresto sa isinagawang One-time Big-time operations ng MPD.

Iprinisinta kaninang umaga ni MPD Director C/Supt. Joel Napoleon Coronel kay C/Supt. Oscar Albayalde, director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nasa 169 kataong dinampot.

Ani Coronel, 61 police operation ang isinagawa bilang bahagi ng ASEAN Summit security.

Ayon pa kay Coronel, sa gitna ng operasyon, pitong suspek ang nanlaban at napatay sa magkakahiwalay na araw ng operasyon.

Pawang may paglabag naman sa Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act of 2002), RA 1059 (Comprehensive Fire and Ammunition Regulation Act), Presidential Decree 1601 (illegal gambling), Theft, Robbery, Omnibus Election Code at City Ordinances kaugnay sa pag-inom ng alak sa kalye, resisting arrest, breach of peace, half naked ang mga binitbit sa presinto.

Sa nasabing bilang ay lima ang naaresto na nasa talaan ng most-wanted person ng Pandacan Police na kinabibilang ng top 2 most-wanted na si Arvin Joe Real alyas Arvin Joe Gumban at alyas “Balong” na may kasong murder.

Nakumpiska sa mga operasyon ang mga shabu, marijuana, video-karera machines, mga baril at mga patalim.

Ayon naman kay Albayalde, hindi lamang dahil sa ginaganap na ASEAN Summit ang pinaigting na operasyon, kundi tuloy-tuloy ito para sa mas mabisang pagbibigay-proteksyon sa publiko at mapanatili ang peace and order. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

2 kelot pinagbabaril sa toll fee, 1 patay, 1 kritikal

$
0
0

DEDBOL ang isang lalaki habang kritikal naman ang kasama nito matapos pagbabarilin ng hindi kilalang truck driver makaraang magtalo nang tumanggi ang suspek na magbayad ng tool fee sa Caloocan City, kahapon.

Dead-on-the-spot sanhi ng tama ng bala sa ulo si Claro Galvo, Jr., 25, ng 303 Diamond Rd., Brgy. 166, habang si Robert Esteban, 21, ng 6104 NPC Road ay isinugod sa Lourdes College Hospital bago inilipat sa Valenzuela General Hospital kung saan ito patuloy na inoobserbahan sanhi ng tama ng bala sa tiyan at kaliwang pigi.

Sa imbestigasyon ni Caloocan Police North Extension Office (NEO) homicide investigator SPO2 Emilio Boyoten, tagasingil ang mga biktima ng toll fee sa mga pumapasok na truck sa CIC Cmpd., Kaybiga, Brgy. 166 nang dumaan ang trak na walang plaka at may body markings na Algira Trucking na hindi nagbayad ng P10.

Hinabol at sinigawan ng mga biktima ang truck driver na bigla na lamang huminto ilang metro ang layo sa toll gate hanggang sa magtalo ang mga ito at bumaba ang driver saka sinapak si Galvo.

Bago pa man makaganti ang mga biktima, hinablot ng suspek ang dalang baril sa driver seat saka pinutukan sa ulo si Galvo habang si Esteban na tinangka pang tumakbo ay pinagbabaril din bago mabilis na tumakas sakay ng kanyang trak patungong Kaybiga.

Ayon sa pulisya, ang CIC Cmpd. ay pampublikong daanan ng mga saksakyan kung saan sinisingil ng P10 ang bawat trak na dumaraan sa utos umano ng kanilang barangay officials para tulong na mabawi ang gastos sa maintenance ng kalsada. RENE MANAHAN

Malakanyang, rumesbak sa editoryal ng The New York Times

$
0
0

BINUWELTAHAN ng Malakanyang ang lumabas sa opinion page ng The New York Times na hinihikayat ang buong mundo na kondenahin si Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil sa usapin ng extrajudicial killings sa bansa.

Partikular na hindi nagustuhan ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang nakasaad sa Opinion page na “This is a man who must be stopped” na ang tinutukoy ay si Pangulong Duterte sa kanyang diumano’y EJK sa Pilipinas.

Para kay Sec. Panelo, ang The New York Editorial Times ang dapat na tumigil sa walang ingat, ireponsable at walang basehang editorial laban kay Pangulong Duterte.

Wala aniyang naitala o natuklasan ang kahit na anumang investigating body ukol sa kontroberyal na extrajudicial killings.

Sa katunayan nga aniya ay mayroong findings ang Senado na ang EJK ay hindi state sponsored o state initiated.

Kaya nga aniya walang basehan maging ito man ay batay sa paglalahad o batas ang inilabas na editorial ng The New York Times laban kay Pangulong Duterte.

Samantala, naniniwala naman si sec. Panelo na bahagi ito ng demolition job laban kay Pangulong Duterte at itinaon pa sa pagdaraos sa bansa ng ASEAN summit.

At kung sinoman ang nag-finance ng kasiraan na ito laban kay Pangulong Duterte ay sinabi ni Sec. Panelo na posibleng taga-ibang bansa. KRIS JOSE


200,000 trabaho, bubuksan ng DOLE sa labor day

$
0
0

NASA mahigit 200,000 trabaho ang alok ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa kanilang gagawing Labor Day job fairs.

Sa mahigit 200,000 trabaho, 128,445 sa mga ito ang sa ibang bansa, 69,944 naman ang sa pribadong kumpanya at mahigit 3,000 ang sa mga ahensya ng pamahalaan.

Target ng job fairs ang mga bagong graduate, mga dating overseas Filipino workers (OFW) at maging ang mga estudyanteng naghahanap ng trabaho ngayong bakasyon.

Sinabi ni Labor Usec. Joel Maglunsod na aabot din sa 1,138 employers ang makikibahagi sa Labor job fair na isasagawa sa 17 rehiyon sa bansa na karamihan ay sa National Capital Region (NCR). JOHNNY ARASGA

Developer ng Philippine Arena, kakasuhan ng smuggling, tax evasion

$
0
0

MASASAMPAHAN ng kasong smuggling at tax evasion ang developer ng Philippine Arena sa Malolos, Bulacan na pag-aari ng Iglesia ni Cristo (INC).

Ayon sa Bureau of Customs (BOC), hinahabol nila ngayon ang New San Jose Builders, Inc. matapos itong mabigo sa pagbabayad ng buwis sa mga construction materials na ginamit sa pagpapatayo ng higanteng gusali.

Ipinaliwanag ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon na nabigo ang New San Jose Builders, Inc. na magbayad ng tinatayang P1-bilyong halaga ng buwis dahil sa pag-import ng mga construction material na ginamit sa Philipipine Arena.

Kahit aniya tax free ang importasyon ng naturang kumpanya ng materyales sa ilalim ng Republic Act No. 9593, o Tourism Act of 2009, hindi naman aniya inaprubahan ang importasyon ng Department of Finance (DOF).

Bagama’t makailang ulit na nilang pinadalhan ng liham ang naturang kumpanya ay bigo silang makatanggap ng sagot mula sa mga ito hinggil sa usapin. JOHNNY ARASGA

Bagyong ‘Dante’ lalabas ng PAR bukas

$
0
0

MALAKAS pa rin ang bagyong ‘Dante’ habang tinatahak ang north northwest direction.

Sa pinakahuling datos ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,095 kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na nasa 65 kilometro kada oras.

Tinatahak nito ang direksyong north-northwest sa bilis na 13 kph.

Inaasahang lalabas na ito ng Philippine area of responsibility sa Biyernes ng gabi.

Asahan naman ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog Kamaynilaan at sa nalalabing bahagi ng bansa ngayong araw, ayon sa PAGASA.

Mahina hanggang sa katamtaman na hangin mula sa silangan hanggang sa timog-silangan ang iiral sa Hilaga at Gitnang Luzon at mula naman sa hilagang-silangan hanggang sa silangan sa natitirang bahagi ng bansa. -30-

Planong pag-atake ng ASG, nadiskubre ng awtoridad

$
0
0

NADISKUBRE ng mga awtoridad ang mas malalim na balak ng Abu Sayyaf matapos ang pagsalakay ng mga pulis sa bahay ni Supt. Maria Cristina Nobleza sa Malaybalay City, Bukidnon.

Ayon sa mga pulis, nakasaad ang planong terror attack ng isang ASG member o leader na si al Mohammar Bayani na naaresto kasama ang dalawang menor-de-edad at sumasailalim na sa interogasyon.

Nakasaad sa dokumento ang plano ng grupo na magtayo ng base o kampo sa Bohol na kalauna’y naunsyami matapos mapatay ang walo sa 11 bandidong dumating sa bayan ng Inabanga noong Mahal na Araw.

Gayunman, hindi pa mabatid ng pulisya kung may iba pang kasabwat na police officer si Nobleza sa pagtulong sa teroristang grupo. -30-

Backride inatake sa puso, tigok

$
0
0

SAN FERNANDO, LA UNION – Patay ang isang 38-anyos na lalaki matapos atakihin sa puso habang nakasakay sa isang motorsiklo sa San Fernando City sa nasabing lalawigan kahapon, April 26.

Nakilala ang biktimang si Manuel Casuga, ng Brgy. Narra Oeste, sa nasabing siyudad.

Sa report ng San Fernando police, nakasakay ang biktima sa isang motorsiklo na minamaneho ng isang Ruben Carino, 61, ng Brgy. Sagayad, San Fernando.

Bigla umanong nahulog ang biktima sa likod ng motorsiklo na agad namang isinugod sa ospital ngunit hindi na umabot nang buhay.

Ayon sa mga doktor, positibong inatake sa puso ang biktima habang nakasakay sa motorsiklo.

Pauwi na umano ang biktima at nagpahatid ito nang mangyari ang insidente. ALLAN BERGONIA

Magsasaka tigbak sa bubuyog

$
0
0

SOLSONA, ILOCOS NORTE – Dahil sa pag-iwas sa mga bubuyog, namatay ang isang magsasaka matapos malunod sa isang sapa na nasasakupan ng Mt. Mabilag sa bayan ng Solsona sa nasabing lalawigan kahapon, April 26.

Kinilala ng Solsona police office ang biktimang si Orlando Tejada, ng Brgy. Manalpac ng nasabing bayan.

Sa imbestigasyon, kumukuha ng mga kahoy na panggatong ang biktima sa gilid ng nasabing sapa nang bigla itong atakihin ng mga bubuyog.

Dahil sa takot, napatalon ang biktima sa sapa ngunit hindi ito marunong lumangoy.

Nakita na lamang ng mga kasamahan ng biktima na lumulutang na ang bangkay nito.

Nagsasagawa ng follow-up investigation ang Solsona police hinggil sa insidente. ALLAN BERGONIA

ASEAN statement ni Digong, hindi pro-China

$
0
0

HINDI pro-China ang ilalabas na ASEAN statement ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte hinggil sa South China Sea dispute.

Hayagang itinatwa ni Ambassador Marciano Paynor, ASEAN 2017 Director-General For Operations, na bias ang magiging posisyon ni Pangulong Duterte sa nasabing usapin.

Hindi aniya kasi ‘confrontational’ o palaban ang estilo ni Pangulong Duterte kundi paghahanap ng pinakamainam na solusyon sa problema.
“Hindi naman. Ang sa akin ang presidente sinabi na niya noon na open firm policy tayo. So, dapat lahat kausapin natin.. ang approach talaga niya hindi confrontational,” ani Paynor.

Sa darating na Sabado, Abril 29 ay ilalabas ang Chairman’s Statement pagkatapos ng ASEAN Leaders’ Summit.

Matatandaang una nang umani ng negatibong komento ang lumabas na draft ng Chairman’s Statement na walang pagbanggit sa arbitral ruling laban sa China.

Sa ulat, sinabi naman ni DFA spokesman Robiespierre Bolivar, pinag-uusapan pa ang nilalaman ng Statement at nakatakdang ilalabas ang final version nito pagkatapos na ng Summit proper.

“Yung final version ng Chairman’s Statement will be issued after the Summit. Pinag-uusapan pa ang mga nilalaman ng Statement,” wika pa ni Bolivar.

Giit naman ni Amb. Paynor, maituturing na ‘work in progress’ pa lamang ang Chairman’s Statement at posibleng marami pang mababago habang tinatalakay lalo ng mga leader.

Ang Chairman Statement ay manggagaling kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang chairman ng ASEAN ngayong taon.

Batay sa lumabas na draft statement, bibigyang-diin lamang nito ang kahalagahan ng kapayapaan, katatagan, seguridad at freedom of navigation sa South China Sea at hinihikayat nito ang mga sea claimants na resolbahin ang mga territorial disputes sa mapayapang paraan.

Magugunitang hinihiling ng mga maritime experts na dapat maisama sa ASEAN Statement ang tribunal ruling lalo pa’t Pilipinas ang chairman at host ng ASEAN Summit ngayong taon.

Nagkataon namang chairman ng ASEAN ang Pilipinas kung kailan pinapalakas ni Pangulong Duterte ang ugnayan at relasyon ng bansa sa China. KRIS JOSE


Trike driver patay, 3 sugatan sa tandem sa Maynila

$
0
0

ISA ang patay habang tatlo pa ang sugatan nang pagababarilin ng dalawang lalaking magkaangkas sa isang motorsiklo sa Tondo, Maynila kaninang madaling-araw.

Idineklarang patay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMC) ang biktimang si Miguel Perez, 31, ng 362 Velasquez St. habang patuloy pa ring ginagamot sa naturang ospital ang tatlo pang biktima na sina Marlon Clemente, 29, tricycle driver, ng 1910 Malvar St., Crisanto Francisco, 21, tricycle driver, ng 753 Int. 57 Raxabago St. at Joshua Carbonel, 28, ng Int. 57 Raxabago St., Tondo.

Nakatakas naman ang mga suspek na sakay ng isang ‘di natukoy na uri ng motorsiklo, at kapwa ‘di nakilala dahil sa suot na helmet.

Sa report ng Manila Police District (MPD)-homicide section, nabatid na dakong 12:05 ng madaling-araw nang maganap ang krimen sa tapat ng Kevin Roasted Chickens sa Capulong St., kanto ng Velasquez St. sa Tondo.

Nabatid na nag-aabang ng pasahero at nagkukwentuhan ang mga biktimang sina Perez at Clemente habang sakay ng kanilang tricycle na nakaparada sa lugar nang bigla na lang silang lapitan ng mga suspek at kaagad na pinagbabaril.

Nadamay naman sa pamamaril sina Francisco na nagbababa ng pasahero sa lugar, gayundin si Carbonel, na nakatayo lamang malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Si Perez ay nasawi dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang si Clemente naman ay nagtamo ng mga tama ng bala sa kanang kamay, kanang hita at mga sugat sa mukha.

Habang malubhang nasugatan si Francisco na tinamaan ng bala sa dibdib, at si Carbonel ay tinamaan ng bala sa kanang sentido.

Nang makita ng mga suspek na bumagsak na ang kanilang target ay mabilis na ring tumakas ang mga ito, habang isinugod naman ng ilang saksi sa pagamutan ang mga biktima.

Hindi pa naman matukoy ng mga awtoridad ang motibo ng krimen kaya’t iniimbestigahan pa nila ito sa ngayon. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Ex-La Union vice mayor, 1 pa dedo sa ambush

$
0
0

INAMBUS ng kilabot na motorcycle riding-in-tandem ang isang dating town vice mayor ng La Union at kasama nitong Miyerkules ng gabi.

Dead-on-arrival sina dating Sto. Tomas, La Union, Vice Mayor Vincent Rafanan, 42, ng Brgy. Casilagan; at Beatriz Sacamoto, 31, taga-Basista, Pangasinan.

Wala pang ideya ang pulisya kung sino ang nasa likod ng pamamaslang at kung ano ang motibo sa krimen.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 110:55 p.m. sa may Aspiras Highway, Brgy. Tabora East, Pugo.

Sinabi ni P/S Insp. Julius Basallo, hepe ng Pugo Police Station, na nakarinig na lamang sila ng magkakasunod na putok ng baril at sa kanilang pagresponde sa lugar ay nadatnan na lamang ang nakahandusay na katawan ng dalawa na may ng tama ng bala.

Naitakbo pa sa La Union Medical Center sa Agoo ang mga biktima ngunit binawian din ng buhay.

Nabatid naman sa ulat ng Sto. Tomas Police Station na no. 5 sa drug watchlist si Rafanan.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng cal. 45 at cal. 5.56 na baril habang patuloy na inaalam ang kaugnayan ng dalawa sa isa’t isa. BOBBY TICZON

Doktor dedo, 15 pa sugatan sa medical mission

$
0
0

NALAGAS sa aksidente ang isang doktora habang tatlo pang doktor at 12 nurses ang nasugatan nang magdisgrasya ang kanilang sinasakyang van sa Tagum City, Davao del Norte kaninang Huwebes ng umaga.

Namatay habang ginagamot Medical Mission Group Hospital sa Tagum City ang biktimang si Dra. Brigida Claro, head ng internal medicine ng Baguio General Hospital and Medical Center at residente ng Nangalisan, Tuba, Benguet.

Nakaratay naman ngayon sa iba’t ibang ospital sanhi ng mga pinsala sa ulo at katawan ang tatlo pang doktor at 12 nurses na pawang hindi nakuha ang mga pangalan.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 7:45 a.m. sa national highway ng Brgy. Conocotan, Tagum City.

Ayon kay Rocky Aliping, director ng Benguet Electric Cooperative, papuntang Davao Regional Hospitl ang nasabing medical team upang magsagawa ng medical mission nang mag-overshoot ang nasabing van matapos mag-overtake sa iba pang mga sasakyan. BOBBY TICZON

11.5M pamilyang Pinoy nagsabing sila ay mahirap—SWS

$
0
0

NASA limampung 50% ng mga Pilipino o tinatayang labing isa punto limang (11.5) milyong pamilya ang nagsabing sila ay mahirap, mas mataas sa apatnapu’t apat (44) na porsyento sa huling quarter ng 2016.

 Batay ito sa resulta ng survey ng SWS o Social Weather Stations na ginawa sa pagitan ng Marso 25 at 28.

 Natuklasan  sa survey na para matugunan ang pangangailangan ng isang pamilya, kailangang mayroong hindi bababa sa dalawampung libong pisong (P20,000) buwanang budget ang mga nakatira sa Metro Manila at sampung libong piso (P10,000) naman sa nalalabing bahagi ng bansa.

Samantala, 8.1 milyong pamilya naman ang nagsabing sila ay food-poor at ito ay mas mataas sa 7.7 milyong pamilya noong huling quarter ng 2016.

 Natuklasan din sa survey na para matugunan ang pangangailangan sa pagkain, ang isang pamilya na nakatira sa Metro Manila ay kailangang mayroong siyam na libong pisong (P9,000) budget para sa pagkain at limang libong pisong (P5,000) budget naman para sa nalalabing bahagi ng bansa.

2 miyembro ng ASG balik-loob sa gobyerno

$
0
0

ALANG-ALANG sa kapayapaan, sumuko  ang dalawang miyembro sa miyembro ng Abu Sayyaf Group

Kilala ang mga bandidong sina Husain Nasirin, 22-anyos, mula sa Brgy. Buhanginan, at Hasir Asara na 25-taong gulang na, at mula sa Brgy. Danag.

 Sina Nasirin at Asara ay pawang mga miyembro ng grupo ni Abu Sayyaf sub-leader na si Hairulla Asbang sa Patikul, Sulu.

 Sumuko ang dalawang Abu Sayyaf members sa pamunuan ng 501st Brigade, habang nakatuwang naman sa tulong ang 11 Military Intelligence Company.

 Isinuko rin ng dalawa ang isang M16 rifle, isang 1-Grind rifle.

 Ito anila ay bilang malinaw na hakbang mula kina Nasirin at Asara na magpapatunay na sila ay seryoso sa pagkamit ng kapayapaan, at pagbabalik-loob sa batas.

Isinailalim sila sa mga kaukulang documentation, bago ipinasa ang kustodiya sa kanila sa headquarters ng Joint Task Force Sulu.

Viewing all 14412 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>