Quantcast
Channel: Breaking News – Remate
Viewing all 14412 articles
Browse latest View live

Sundalong dinukot ng Abu Sayyaf, pinugutan na

$
0
0

PINUGUTAN na ng Abu Sayyaf ang sundalong kanilang dinukot sa Patikul, Sulu.

Mag-a-alas-3:00 ng hapon nang marekober ang katawan ni Staff Sergeant Anni Siraji sa Brgy. Taglibi.

Ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, Jr., Commander ng Joint Task Force Sulu, ipinaalam nitong sa hindi kalayuan ay natagpuan naman ang ulo ng biktima.

Ayon kay Sobejana, posibleng ilang araw ng patay si Siraji dahil naaagnas na ang bangkay nito nang madiskubre kahapon.

Si Siraji na dinukot ng mga bandido sa Brgy. Igasan noong Huwebes, ay isang Tausug Muslim na taga-Sulu at dating combatant member ng Moro National Liberation Front (MNLF) na integree ng militar.

Samantala, kinondena ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman ang pamumugot ng Abu Sayyaf sa isa mga binihag nilang sundalo sa Sulu.

Ayon kay Hataman, ang pagpatay kay Staff Sergeant Anni Siraji ay hindi makatao at nananatiling balakid upang makamit ang kapayapaan.

Hindi aniya pinapahalagahan ng mga ASG member na pawang duwag at walang dangal ang ipinaglaban ng mga mujahideen o holy warrior.

Iginiit din ni Hataman na walang karapatan ang mga terorista sa itinuturo ng Islam maging ang katapangan at tinitingalang kasaysayan ng mga Muslim. JOHNNY ARASGA


3 gov’t official, miyembro ng NPA

$
0
0

INAKUSAHAN ni Sen. Antonio Trillanes IV ang ilang opisyal na nakatutok sa Housing at Urban Poor Program ng gobyerno bilang mga miyembro diumano ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Sinabi ni Trillanes, nakatanggap siya ng impormasyon na tumutukoy kina Cabinet Secretary at Housing and Urban Development Coordinating Council Chair Leoncio Evasco, National Housing Authority Gen. Mngr. Marcelino Escalada, Jr. at Presidential Commission for the Urban Poor Chairperson Terry Ridon bilang mga miyembro ng rebeldeng grupo.

Aniya, inihalal si Evasco bilang CPP central Commitee member noong ginanap ang ika-walong CPP Central Committee Plenum sa Bicol, naging miyembro naman ng central committee si Ridon sa ika-13 Central Committee Plenum sa Quezon City habang isang full member naman ng rebeldeng grupo si Escalada.

Kasabay nito ay tinukoy umano sa tinanggap na ulat ni Trillanes na ang grupong Kadamay ay front liner ng CPP-NPA.

Kung totoo aniya ang naturang report, posible ang ginawang pag-okupa ng mga miyembro ng Kadamay sa government housing units sa Pandi, Bulacan ay paraan para magkaroon sila ng kampo malapit sa Metro Manila. JOHNNY ARASGA

Obrero natulog sa duyang nilalanggam, patay

$
0
0

SA duyan na inabutan nang kamatayan ang isang obrero na ginagapangan na ng maraming langgam sa isang compound sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Osias Babat, 45, binata, tubong Bulacan at stay-in sa 1457 NGCB Cmpd. sa G. Tuazon St., Sampaloc.

Ayon kay SPO3 Jonathan Bautista, ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 10:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa duyan sa loob ng NGCB compound, kung saan siya stay-in construction worker.

Ayon sa pamangkin ng biktima na si Alejo Gumalar, 22, stay-in construction worker din sa lugar, lumilitaw na dakong 2:00 ng madaling-araw nang huli niyang makitang buhay ang tiyuhin nang pumasok sa kanilang barung-barong at matulog sa isang duyan upang hindi mabasa ng ulan.

Pagsapit ng 10:00 ng umaga ay hindi pa rin umano bumabangon ang biktima kaya’t pinuntahan na ito ng kanilang kasamahang si Mario Macsi, 34, at niyayang mag-almusal.

Dito na napansin ni Macsi ang biktima na wala nang buhay at nilalanggam na.

Bunsod nito, agad na ipinagbigay-alam ang insidente sa opisyal ng barangay na nakasasakop sa lugar gayundin sa pulisya.

Inaalam pa ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Birthday boy, tinarakan

$
0
0

BINIGYAN ng saksak sa kanyang kaarawan ang isang 15-anyos na birthday celebrator nang magalit sa kanya ang suspek na nabugahan umano ng una ng usok ng sigarilyo sa Tondo, Maynila kaninang madaling-araw.

Ginagamot ngayon sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Jazzy Lagroza, 15, ng 314 Simoun St., sa Tondo, matapos saksakin nang apat na ulit ng suspek na si Christian Banda, 18, ng Simoun Extn., Tondo.

Sa ulat mula kay SPO1 Ronaldo delos Arcos, ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 4:20 ng madaling-araw nang maganap ang pananaksak sa Lacson St. sa Tondo, na sakop ng Brgy. 109.

Sa pahayag ng saksing si Gerald Crisostomo, nabatid na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ang biktima at nagtungo sa naturang lugar upang imbitahin ang kanyang mga kaibigan sa kanyang selebrasyon.

Gayunman, habang nakikipag-usap sa kanyang mga kaibigan ay aksidente umano nitong nabugahan ng usok ng kanyang sigarilyo ang suspek na ikinairita nito.

Nauwi sa pagtatalo ang insidente hanggang sa bumunot ng patalim ang suspek at kaagad na pinagsasaksak ang biktima bago tumakas.

Isinugod naman ng kanyang kapatid ang biktima sa pagamutan upang malunasan. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Bagong grupo ng MTPB, sumalang sa retraining

$
0
0

ISINALANG muli sa matinding pagsasanay ang mahigit 150 dating miyembro ng Manila Traffic anfd Parking Bureau (MTPB) upang makabalik sa serbisyo.

Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, titiyaking nasalang mabuti ang bawat trainee upang masiguro na ang makapapasok lamang ang mga kuwalipikado na magserbisyo sa traffic unit.

“Isa sa mga requirement ay dapat college level kasi bumubuo tayo ng bagong traffic force na binubuo ng mga tapat at propesyonal na mga traffic enforcers,” pagdidiin ni Estrada.

Ang mga bagong aplikante ay pangalawang batch na ng mga dating MTPB enforcers na sasailalim sa retraining; ang unang batch na binubuo ng 82 enforcers ay nagtapos na nitong Enero.

Bahagi sila ng 690 traffic enforcers ng MTPB na sinibak ni Estrada noong Nobyembre dahil sa pagkakasangkot sa pangongotong at ilan pang iligal na aktibidad.

Marami sa mga ito ang hindi na pinayagang makabalik samantalang ang ilan naman ay sumailalim pa sa matinding pagsasala bago pinayagang makapag-appy muli.

Ayon kay MTPB chief Dennis Alcoreza, may 62 nang trainees ang napili nila ngayon, ilan sa mga ito ay baguhan.

“We’re targeting about 160 trainees for this second batch and they will start their training this month. Lahat sila college level,” ani Alcoreza.

Sa kautusan aniya ni Estrada, hindi na pinayagang mag-apply muli ‘yung may mga derogatory records.

Ang 15-araw na extensive retraining course ay pinangungunahan ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU) at nakatutok sa disiplina, proper decorum and posture, at physical fitness. May mga classroom lectures din tungkol sa basic road accident investigation, rescue and first aid, basic self-defense techniques at tamang pakikipag-usap mga motorista.

“We plan to form a lean but mean traffic unit, composed of only about 300 men, unlike in the previous years when we have over 600,” dagdag pa ni Alcoreza. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Bagong BI commissioner, itinalaga ni Duterte

$
0
0

MAY itinalaga nang bagong deputy commissioner ng Bureau of Immigration (BI).

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, uupuan ni Atty. Tobias Javier ang puwesto na pansamantalang inupuan ni Atty. Estanislao Canta, na career official ng bureau at itinalaga ng Department of Justice (DOJ) bilang OIC associate commissioner noong Nobyembre.

“We are honored to welcome A/C Javier to our BI family. Given his vast experience in the practice of law in both the government and private sectors, his competence and capability to perform and excel in his new job cannot be questioned,” ani Morente.

Ayon pa kay Morente, si Javier ay hindi na bago sa bureau dahil nagsilbi na itong hearing offiicers ng BI noong panahon ni Commissioner Andrea Domingo.

Nagtapos si Javier sa Ateneo law school na may doctorate degree noong 1994 at nakapasa ng bar exam ng nasabi ring taon.

Nagtrabaho din bilang corporate lawyer sa ilang firms at sumabak sa pribadong pagsasanay bago pumasok sa BI noong 2001.

Matapos magsilbi ng ilang taon sa BI ay bumalik si Javier sa corporate at private practice at pumasok sa pulitika noong 2007 kung saan tumakbo at nanalo bilang provincial board member sa kanilang probinsya sa Antique. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Miyembro ng Sputnik, todas sa parak

$
0
0

NASAWI matapos makasagupa ang mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation ang isang 23-anyos na miyembro ng Sputnik gang at tauhan umano ng “Bajar Group” sa Tondo, Maynila.

Ang operasyon ay isinagawa ng MPD-Station 1 kaugnay sa pagkamatay ng isang batang babae na tinamaan ng ligaw na bala.

Idineklarang patay sa Tondo Medical Center ang suspek na kinilalang si Rommel Antona alyas “Pinuno”, ng Aroma Cmpd., Brgy. 105, Tondo.

Sa ulat ni SPO2 Donald Panaligan ng MPD-Homicide Section, alas-12:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa Aroma Cmpd.

Sa imbestigasyon, nakatanggap ng tawag ang MPD Station 1 hinggil sa presensya ng Bajar Group na pinamumunuan umano ng isang Jericho Bajar alyas “Joshua” na pawang armado ng baril kaya agad na nagtungo sa lugar ang mga awtoridad upang arestuhin at itinuturong nagpaputok ng baril na nakapatay sa isang Rosemarie Lopez, 3-anyos, ng Building 30, noong Abril 15, 2017.

Ilang kalalakihan ang namataan ng mga operatiba na pinanguanahan ng Drug Enforcement Unit at Follow-up Team ng istasyon at nagkaroon ng habulan dahil sa pag-iwas ng mga suspek hanggang sa putukan ang mga pulis ng pakay na grupo.

Nakatakas umano ang target na si Joshua habang tinamaan at bumulagta naman si alyas Pinuno, habang hawak ang kalibre .38 baril. Isinugod pa siya sa nasabing pagamutan subalit hindi na umabot nang buhay. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

15-anyos nakaladkad ng tren, ligtas

$
0
0

HIMALANG nakaligtas sa rumaragasang tren ng Philippine National Railways (PNR) ang isang 15-anyos na babae matapos makaladkad sa may bahagi ng Yuseco at Tayuman St. sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Karen Joy Bogarin, ng Makulada St., Tayuman, Tondo.

Ayon kay PNR officer-in-charge Jo Geronimo, habang tinatahak ng tren ang northbound lane, naglalakad naman ang biktima malapit sa riles at hindi umano narinig ang busina ng paparating na tren dahil sa suot na earphones.

Dito na nahagip ang biktima at bahagyang tumilapon dahilan upang magtamo ng sugat sa ulo.

Muli namang nagpaalala ang pamunuan ng PNR sa publiko na huwag magsusuot ng earphones o anumang nilalagay sa tainga kapag naglalakad sa riles upang marinig ang hudyat ng paparating na tres sa lugar. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN


Hacienda Luisita, pinakukubkob pa rin

$
0
0

OKUPAHAN ang Hacienda Luisita.

Pagkalipas ng limang taon matapos ibaba ng Korte Suprema ang desisyon ay isinulong na kubkubin na rin ang Hacienda Luisita.

Abril 2012 nang ipag-utos ng SC sa Hacienda Luisita na ipamahagi na ang lupa sa mga magsasakang benepisyaryo ngunit hanggang ngayon ay kontrolado pa rin ito ng pamilya Cojuanco.

“Occupy Luisita,” ayon sa kay Anakpawis Rep. Ariel Casilao.

Tuwirang sinisi ng mambabatas ang nagdaang administrasyon na aniya’y nagpatupad ng “tambiolo land reform” sa ilalim ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon sa desisyon ng SC, 4,915 ektaryang lupain ang dapat ipam ahagi ngunit hindi pa aabot sa 4,000 ektarya ang naipamahagi.

“DAR under the new leadership of Secretary ‘Ka Paeng’ Mariano has already issued a notice of coverage for the Tadeco lands, and revoked the conversion order involving the RCBC lands, hence, there are no legal impediments for the farmers to occupy these lands, but only the outright opposition of the Cojuangco and its partner oligarchs,” ani Casilao.

Giit pa nito, binigo ng DAR ng administrasyong Aquino ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita na ang mga nagsisilbi pa aniyang guwardiya roon ay mga tauhan ng Philippine National Police (PNP). MELIZA MALUNTAG

P1.8M halaga ng shabu, nakumpiska sa drug den

$
0
0

UMABOT sa P1.8-milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad makaraang salakayin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang drug den sa isang buy-bust operation sa Cagayan de Oro City nitong nakalipas na Linggo.

Kinilala ni PDEA Dir. Gen. Isidro Lapeña ang nadakip na drug den maintainer na si Zubair Guro Pampa alyas Boborge, 27, ng Brgy. 27, Cagayan de Oro City.

Ayon sa PDEA, nitong nakalipas na April 19, 2017, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PDEA Regional Office 10 (PDEA RO10) sa pamumuno ni Dir. Adrian Alvariño at nadakip si Pampa sa Vines Inn, Yacapin St., Brgy. 27, Cagayan de Oro.

Kabilang sa nadakip sina Khaleem Pandapatan Macatangcop, Mohaimen Guro Pampa, Najola Capampangan Minalang, Jaffar Lazim Naga at Merafin Jun Sabado Libot.

Nakumpiska sa mga suspek ang walong piraso ng sachet ng shabu na may timbang na 300 gramo at nagkakahalaga ng P1,800,000, at mga drug paraphernalia.

Kasalukuyang nakapiit ang mga nadakip na suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 6 (Maintenance of Drug Den), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), Article II of Republic Act 9165, na mas kilala sa tawag na the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. SANTI CELARIO

Nobleza, nobyong ASG nasa Crame na

$
0
0

NASA Maynila na sina P/Supt. Maria Cristina Nobleza at ang Abu Sayyaf Group (ASG) member na nobyo nitong si Reenor Lou Dongon.

Dumating ang dalawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 mula sa Bohol lulan ng Cebu Pacific flight na escorted ni PNP Regional 7 Intel chief S/Supt. Jonathan Cabal.

Sinalubong ito ng Aviation police sa pamumuno ni Supt. Christian Melchor sa NAIA terminal 3 saka mabilis na inilipat sa nakaantabay na bus sa rampa para dalhin sa Camp Crame.

Sina Nobleza at Dongon ay inaresto ng mga awtoridad makaraang hindi ito tumigil sa isang checkpoint sa Brgy. Bacani, Clarin, Bohol kung saan tinutugis ng mga pulis at sundalo ang ilang natitirang ASG doon.

Kabilang sa mga pasaherong natagpuan sa loob ng sasakyan ay isang menor-de-edad at matanda na sinasabing biyenan ng napatay na bomb maker na si Zulkifli bin Hir alyas Marwan, Janjalani Khadafi, Abu Sulayman at Akhmad Santos na sinasabing ama ng bata. BENNY ANTIPORDA

Seguridad sa Asean Summit, tiniyak ng PNP

$
0
0

NAKATUTOK na ang mga awtoridad sa mga lugar sa Metro Manila upang matiyak ang seguridad nito mula sa mga terorista kasabay ng ASEAN Summit.

Ayon kay PNP Chief Dir. Gen. Ronald Bato dela Rosa, tinututukan na nila ang lahat ng posibleng daanan ng mga terorista mula sa kalupaan, dagat at maging sa himpapawid.

Ngunit sa kabila nito, tiniyak ni Bato na wala silang namo-monitor na anomang nakaambang banta sa seguridad ng pagdarausan ng mga pagtitipon.

Ginagawa rin ng pulisya ang lahat upang matiyak na maging ligtas ang mga pagpupulong at ipinagpapasa-Diyos na lang din ni Dela Rosa ang mga bagay na hindi inaasahan. JOHNNY ARASGA

Nalagas sa Maute group, 36 na – AFP

$
0
0

SUMIRIT na sa 36 na mga miyembro ng Maute terror group ang namamatay sa ikatlong araw ng opensiba ng militar laban sa grupo sa Sitio Pagalungan, Brgy. Gacap, Lanao del Sur.

Ayon kay Philippine Army 1st Infantry Division Spokesperson Lt. Col. Jo-ar Herrera, nagsimula ang opensiba laban sa Maute terror group noong Biyernes sa itinuturing na pangunahing kampo ng mga bandido.

Kabilang sa mga napatay ay dalawang banyaga, isa dito ay Indonesian base sa pasaporteng narekober, pero isinasailalim pa sa validation ng military.

Ayon kay Herrerra, marami rin umanong narekober na mga war material tulad ng IED at mga materyales sa paggawa nito kabilang ang mga granada.

Nagsasagawa pa ng clearing operations ang militar kung kaya di pa pinapayagan na makabalik ang mga residenteng lumikas mula sa kanilang mga tahanan. -30-

Abogado ni Robin Padilla, itinalagang government corporate counsel

$
0
0

ITINALAGA na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang abogado ng aktor na si Robin Padilla bilang corporate counsel ng pamahalaan.

Sa appointment letter na may petsang April 18, kanyang itinatalaga sa naturang posisyon si Atty. Rudolf Philip Jurado, isang trial lawyer.

Sa kanyang isinumiteng resume, isinasaad na ilan sa mga kasong hinawakan nito ay ang kontrobersyal na kaso ni Robin Padilla nang ito’y nahulihan ng mga baril noong 1993.

Si Jurado rin ang nagpanalo sa kaso ng komedyante at politikong si Joey Marquez nang maakasuhan ito habang alkalde pa ng Paranaque City.

Nagsisilbi ring legal adviser ng aktres na si Anne Curtis ang 53-anyos na abogado.

Si Jurado ay anak ng yumaong Court of Appeals Justice na si Desiderio Jurado. JOHNNY ARASGA

Ex-PBA star Bong Alvarez, timbog sa pananakit sa GF

$
0
0

INARESTO ng Baguio City Police ang retiradong basketball player na si Paul ‘Bong’ Alvarez matapos ireklamo ng pananakit ng kanyang girlfriend.

Personal na naghain ng reklamo ang biktimang si Mary Anne Dungca Ting, 38, laban sa 48-anyos na dating PBA cager matapos siyang saktan nito noong Linggo ng hapon.

Ayon sa pulisya, nauna nang nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa sa isang restaurant sa Burnham Park sa Baguio City.

Gayunman, pagsapit sa Brgy. Loakan, dito na sinaktan sa hindi pa malinaw na dahilan ni Alvarez ang kasintahan.

Ito ang dahilan kaya naghain na ng reklamo ang babaeng biktima sa mga awtoridad.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act ang dating basketball player.

Ilang taon na rin ang nakalilipas nang masangkot sa iba pang mga kaso ng panggugulo ang tinaguriang Mr. Excitement ng PBA.

Taong 2007 nang makaaway nito ang apo ni dating Presidente Ferdinand Marcos na si Borgy Manotoc makaraang mapagkamalan nitong na waitress ang girlfriend ng huli. JOHNNY ARASGA


Bagyo nasa na ng PAR

$
0
0

BINABANTAYAN ng PAGASA ang namuong bagyo sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Sa huling datos ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 1,460 kilometro sa silangan ng Visayas.

Taglay nito ang lakas ng hangin na may bilis na 55 kph at kumikilos patungong west northwest sa bilis na 18 kph.

Sakaling pumasok na sa teritoryo ng Pilipinas, tatawagin na itong bagyong ‘Dante’.

Hindi naman inaasahan na tatama sa lupa ang naturang bagyo dahil sa isang high pressure area.

Dahil sa malayo pa ang bagyo, hindi naman inaasahang maapektuhan nito ang lagay ng panahon ngayong araw.

Ngayong araw, asahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog na mararanasan sa Rehiyon ng Bikol, Hilagang Samar, Oriental Mindoro, Marinduque at Romblon.

Mahina hanggang sa katamtamang hangin mula sa Silangan hanggang Hilagang-silangan ang iiral na may banayad hanggang sa katamtamang pag-alon ng karagatan. JOHNNY ARASGA

Bagong simbahan sa BGC, naitayo sa limos

$
0
0

SA pamamagitan ng limos mula sa mga taong may mabubuting puso ay matagumpay na naipatayo ang bago, maganda, maluwag at magarang St. Michael the Archangel Church sa Bonifacio Global City (BGC).

Kamakalawa ng gabi ay binuksan na sa publiko ang naturang simbahan na pinasinayaan at binasbasan ng may pitong obispo at 100 pari, kasabay ng pagtatalaga kay Fr. Pedro Enrique Rabonza IV bilang kauna-unahang kura paroko nito.

Sa madamdaming ‘acceptance speech’ ni Fr. Rabonza matapos siyang italaga bilang parish priest ay naiyak ito noong isalaysay niya ang kanyang pamamalimos sa publiko para lamang maipagawa at matapos ang simbahan.

Kabilang aniya sa mga nagbigay ng limos upang maipatayo ang simbahan ang isang pitong-taong gulang na batang babae na buong-pusong ibinigay ang kanyang P300 naipon sa kanyang alkansya, na inipon niya para pambili ng handa sa kanyang kaarawan, ngunit minabuting itulong na lamang sa pagpapagawa ng simbahan.

“Ang hirap mamalimos, pero nagtiwala at naniwala ako sa Diyos, na magkakaroon ng himala na kaya kung ipagawa ang kanyang tahanan dito sa BGC at sa loob ng 17-buwang dusa, sakripisyo at kutya ng iba dahil sa panghihingi ko ng donasyon ay naitayo ang simbahan,” ani Fr. Rabonza.

Ayon kay Fr. Rabonza, ang simbahan ay biyaya ng dakilang lumikha, kaya siya’y nagtiwala at nangyari ang himala.

May nagbigay din aniya ng dalawang kaban na kamote na ani sa probinsiya na pinabebenta sa kanya o iluto para magsilbing tulong habang ginagawa ang simbahan.

Inihayag pa ni Fr. Rabonza, nagpakatatag siya sa maraming pagsubok at karanasan habang siya’y namamalimos alang-alang sa pagmamahal at paglilingkod sa Diyos hanggang matapos ang simbahan na bunga ng pag-ibig ng mga taong tumulong.

“We did it for love, mula sa puso ko, puso sa puso, maraming, maraming salamat po,” pagtatapos pa ni Fr. Rabonza. MACS BORJA

2 obrero binistay ng bala, todas

$
0
0

TIGBAK ang dalawang laborer matapos pagbabarilin ng apat na hindi kilalang salarin na hinihinalang miyembro ng “bonnet gang” sa Quezon City kagabi, Abril 24, Lunes.

Ayon kay PO3 Camacho ng Tactical Operation Center ng Quezon City Police station 6-Batasan, kinilala ang mga biktimang si Manuel Fajardo, 34, at Ramon Nisa, 35, kapwa ng Bayahihan St., Don Fabian Village, Brgy. Commonwealth, QC.

Hindi na umabot nang buhay ang dalawa sa East Avenue Medical Center (EAMC) dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Sa ulat ng QC police, naganap ang insidente dakong 10:00 ng gabi sa Lower Bayanihan St., Commonwealth.

Bago ito, naglalaba si Fajardo sa labas ng kanilang bahay habang kausap si Nisa at ilang saglit pa ay sumulpot ang apat na armadong lalaki na kapwa nakabonet.

Sa puntong ito, walang sabi–sabing pinagbabaril ang dalawa ng mga suspek na ikinasawi ng mga ito.

Iniimbestigahan na ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD ang krimen kung may kinalaman sa iligal na droga ang insidente. SANTI CELARIO

Ex-Rep. Mark Jimenez, pumanaw na

$
0
0

PUMANAW na ang dating kongresista at negosyanteng si Mark Jimenez sa edad na 70.

Kinumpirma ng pamilya ni Jimenez ang pagpanaw nito dakong alas-6:00 ng umaga ng Martes, bagama’t hindi binanggit ang dahilan ng pakamatay ng dating mambabatas at negosyante.

Naging matalik na magkaibigan sina Jimenez at dating Pangulong Joseph Estrada at hinirang pa ito noong ng dating pangulo bilang adviser sa Latin American Affairs.

Si Jimenez o Mario Batacan Crespo ay naging dating kinatawan ng District 6 ng Maynila noong 2001 ngunit napatalsik sa puwesto makaraang maakusahan ng vote-buying.

Una rito, naging matagumpay ang computer distribution company ni Jimenez na nakabase sa Miami, Florida, na umabot sa Latin America. Naulila nito ang kanyang 13 anak.

Nakaburol ang mga labi ni Jimenez sa Funeraria Rey sa Pandacan sa Manila bago ilipat sa Heritage Park, Taguig City. JOHNNY ARASGA

Bagyo, papasok sa PAR ngayong araw

$
0
0

INAASAHANG papasok ngayong araw sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong namataan ng PAGASA sa silangang bahagi ng bansa.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,285 kilometro ang layo sa silangang bahagi ng Southern Luzon.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na umaabot sa 55 kph at pagbugso na nasa 65 kph.

Tinatahak ng bagyo ang direksyong west northwest sa bilis na 13 kilometro kada oras.

Sa kabila ng pagpasok ng bagyo, hindi naman inaasahang tatama sa lupa ang naturang bagyo na tatawaging ‘Dante’.

Samantala, makararanas pa rin ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog ang Bicol region, Hilagang Samar, Oriental Mindoro, Marinduque at Romblon. JOHNNY ARASGA

Viewing all 14412 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>