SUMIKLAB ang mainit na bakbakan sa pagitan ng miitary at teroristang Maute Group sa Lanao del Sur kaninang Linggo ng madaling-araw.
Sinabi ni Brig. Gen. Rolando Joselito Bautista, commanding General ng 1st Infantry Division, kinukumpirma pa nila ang impormasyong natanggap na may 15 miyembro ng lokal na terorista ang nalagas sa bakbakan.
Habang isinusulat ang balitang ito, wala pa aniyang iniulat na nasaktan o naging kaswalidad naman sa panig ng militar.
Sa ulat, nag-umpisa ang skirmishes dakong 5:30 a.m. sa may Piagapo town complex sa Lanao del sur.
Ayon kay Bautista, nakatanggap sila ng impormasyon na mula sa Butig town, ay nakahanap ng lugar sa Piagapo town ang naturang grupo nitong nakaraang Biyernes.
Dahil na rin aniya ito sa walang-tigil na pagtugis ng awtoridad sa kanilang grupo.
Sa tulong pa aniya ng mga residente, madaling natunton ng mga sundalo ang bagong hideout ng mga teroristang grupo na humantong agad sa bakbakan.
Sinabi ni Bautista na ang naturang kampanya laban sa Maute Group ay sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pulbusin ang terorismo sa southern Philippines.
Ayon naman kay Piagapo town Mayor Ali Sumdar, may 300 pamilya ang nagsilikas sa kani-kanilang kabahayan habang ang bakbakan ay umiinit.
Samantala, inilagay na ang pulisya at military forces sa Lanao del Norte at Iligan City sa heightened alert.
Naglatag na rin ng mga checkpoints sa mga vital area at entry at exit points ng vital areas.
Sinabi naman ni P/S Supt. Leony Roy Ga, Iligan City police director, na inatasan na niya ang police force na maghigpit ng seguridad sa Iligan City, sa pakikipag-koordinasyon sa 4th Mechanized Infantry Battalion para mapigilan ang grupo ng paghahasik ng lagim sa probinsya. BOBBY TICZON