Quantcast
Channel: Breaking News – Remate
Viewing all 14412 articles
Browse latest View live

Northern Samar, Ilocos Sur inuga ng 5.4 magnitude quake

$
0
0

INUGA ng 5.4 magnitude na lindol ang Northern Samar at Ilocos Sur kahapon ng umaga, Abril 10.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), unang naramdaman ang pagyanig sa kanluran bahagi ng Sinait, Ilocos Sur dakong 8:18 ng umaga.

Nabatid sa ahensya na naitala ang 3.7 magnitude na lindol at ang origin ng lindol ay tectonic habang ang lalim sa lupa ng pagyanig ay 022 kilometro.

Sinabi ng Phivolcs na naramdaman ang intensity 3 na lindol sa Vigan, Sinait at Bantay,Ilocos Sur.

Habang naitala naman ang intensity 1 na pagyanig sa Laoag at Pasuquin, Ilocos Norte, Vigan,Ilocos Sur.

Samantala, kaugnay nito, naramdaman naman ang 5.4 magnitude na lindol sa Silangan ng Mapanas, Northern Samar dakong 8:43 ng umaga.

Ang origin ng lindol ay tectonic at ang lalim sa lupa ng pagyanig ay 027 kilometro.

At naramdaman ang intensity 2 na pagyanig sa Catarman,Northern Samar, Cabid-an at Juban, Sorsogon.

Habang naitala naman ang intensity 1 na lindol sa Tacloban City,Palo, Leyte,Legaspi City, Masbate City, Borongan, Eastern Samar, Sorsogon City.

Wala namang iniulat na napinsala o inaasahang aftershock sa naturang lindol. SANTI CELARIO


Motor accident: Bebot natuhog sa steel bars, 2 kritikal

$
0
0

PASUQUIN, ILOCOS NORTE – Patay ang isang babae makaraang matuhog ng mga iron bar habang nasa kritikal na kondisyon ang dalawang menor-de-edad nang mahulog sila sa sinasakyang motorsiklo sa Brgy. Nalvo, Pasuquin sa nasabing lalawigan kahapon, April 9.

Kinilala ng Pasuquin police investigator SPO1 Joey Aninag, ang biktimang namatay na si Cilyn May Buliman, 18, tubong Claveria, Cagayan.

Habang agad namang isinugod sa pagamutan ang dalawang menor-de-edad na nagtamo ng malulubhang sugat sa katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon, tinatahak ng mga biktima ang kalye ng Brgy. Nalvo nang bigla itong mawalan ng kontrol sanhi upang mahulog ito sa kanal kung saan may road widening.

Dahil dito, natuhog si Buliman sa mga nakausling bakal na agad nitong ikinamatay.

Patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation ang Pasuquin police hinggil sa insidente. ALLAN BERGONIA

Rice importation, ‘hold’ muna – Piñol

$
0
0

HINDI muna itutuloy ang nakabiting rice importation ng National Food Authority (NFA) ngayong taong kasalukuyan.

Ayon kay Agriculture Sec. Manny Piñol, ito’y upang bigyang-daan ng NFA ang pagbili sa mga anihing palay ng mga magsasaka ngayong buwan.

Binigyang-diin ni Piñol na walang dahilan para payagan ang NFA council na makapag-import ng 250,000 metric tons ng bigas mula abroad para gamiting buffer stocks ng bansa.

Ayon sa kalihim, marami ang mabibili ng inaning palay ng NFA mula sa ating magsasaka dahil wala namang malalaking bagyong dumaan sa ating bansa sa nakalipas na ilang buwan lalo na sa Northern Luzon, Southern Luzon at Mindanao.

Nauna nang hiniling ni NFA administrator Jason Aquino sa NFA council na payagan na lamang magkaroon ng government to government procurement ng bigas sa hail rice importation para magkaroon ng buffer stock ang ahensiya na magagamit sa panahon ng emergency o mga kalamidad. SANTI CELARIO

1 timbuwang, 6 sugatan sa pamamaril sa Makati

$
0
0

TUMIMBUWANG ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa kahabaan ng Lopez Jaena St., Brgy. Rizal, Makati City.

Kinilala ang biktimang si Christopher Esguerra, 35, isang negosyante.

Ayon sa ka-live-in ng biktima, nagse-celebrate sila ng kanilang anniversary at lumabas lamang sandali sa kanilang bahay ang biktima nang ilang sandali ay nakarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril.

Kwento ng ilang nakasaksi, tatlong lalaking nakasumbrero ang nakita nilang bumaril sa biktima.

Matapos ang pamamaril, tumakbo lamang ang mga suspek paakyat sa footbridge habang idineklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Makati ang biktima.

Samantala, anim na katao ang naitalang sugatan sa insidente, kabilang ang apat na bata at dalawang matandang nadaplisan ng bala habang nakatambay sa lugar.

Kinailangan pang operahan sina Veronika Carlos, 28, at Derrick Roxas, 18, matapos tamaan ng ligaw na bala.

Mahigit 20 bala ng ‘di pa malamang kalibre ng baril ang narekober ng pulisya sa crime scene.

Ayon sa barangay, dati nang nasangkot sa bentahan ng iligal na droga ang napatay na biktima.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Makati City Police sa naturang pagpatay. JOHNNY ARASGA

‘War on drugs’ tuloy sa Semana Santa – PNP

$
0
0

HINDI ititigil ng PNP ang pagsasagawa ng kanilang anti-illegal drugs operations kahit na ginugunita na ang Semana Santa.

Ayon kay Chief PNP Ronald dela Rosa, magtutuloy-tuloy ang ‘Oplan Tokhang Reloaded’ at hindi nila papopormahin ang mga drug personalites kahit na bakasyon.

Kaugnay nito, sinabi ni Chief PNP na ‘less bloody’ ang isinasagawa ngayong Oplan Double Barrel Reloaded kumpara sa mga nauna nilang operasyon.

Batay sa datos ng PNP, simula noong March 1 hanggang ngayong araw, umaabot na sa 107 drug personalities ang napatay sa operasyon.

Mababa umano ito kumpara sa mga nakalipas na anti-illegal drugs operation nang pumasok ang Duterte administration. JOHNNY ARASGA

Military-police team vs ASG, 2 sundalo dedo

$
0
0

NAGKASAGUPA ang government security forces at mga armadong kalalakihang pinaniniwalaang mga Abu Sayyaf fighters sa the town of Inabanga, Bohol, pagkukumpirma ng awtoridad kaninang Martes ng umaga.

Naganap ang bakbakan dakong 7 a.m. nang rumesponde ang tropa ng Army’s 47th Infantry Battalion na pinangungunahan ni 2nd Lt. Estelito Saldua, kasama ang pulisya sa isang intelligence information na may presensya ng armadong kalalakihan na namataan sa ilos sa Sitio Ilaya, Brgy. Napo, pagkukumpirma ni Armed Forces chief-of-staff Gen. Eduardo Año.

Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) chief Ronald dela Rosa, may isa hanggang dalawang sundalo ang nalagas habang isang pulis naman ang nasugatan sa bakbakan.

Kinukumpirma pa kung may katotohanan na mahigit sa limang bandido ang napatay sa engkwentro.

Naganap ang naturang bakbakan isang araw matapos kumpirmahin ni Dela Rosa ang presensya ng ASG sa Central Visayas na nakatakdang maghasik ng lagim..

“The security operation was launched in relation to the monitored presence of 10 armed men with three pumpboats” sighted by residents in Ilaya, pahayag ni Año.

Sa ulat ng 3rd Military Intelligence Battalion nitong nakaraang Lunes, may tatlong speedboats ang naispatan malapit sa bahay ng isang Normal Millorya sa Ilaya, na pinaniniwalaang tatargetin bihagin ng mga bandido.

Isa pang pinaghihinalaang Abu Sayyaf member ang nakita rin sa Siquijor province.

Inilarawan ang mnga nakasagupa ng awtoridad na “well armed with heavy caliber weapons” pero ayon sa ulat, ang mga suspect ay nakorner na ngayon sa isang isolated section ng sitio.”

Nagpadala pa ng ilang tropa ng sundalo para makatulong na magapi ang kanilang kalaban. BOBBY TICZON

3 lindol naitala sa Davao Oriental

$
0
0

KUNG nito lamang nakaraang Lunes ay nilindol ang Northern Samar, tatlong magkakasunod na mahinang lindol naman ang naitala sa Davao Oriental kaninang Martes ng umaga.

Ang unang naitalang lindol na may lakas na magnitude 4.4 ay naramdaman ng bandang alas-10:44 ng umaga at nasundan ito ng magnitude 4.8 ng alas-10:50 at ang ikatlo naman ay magnitude 4.5, at naramdaman ng 1:03 a.m..

Naitala ang epicenter nito sa layong mahigit 100 kilometro sa timog-silangan ng Gov. Generoso, Davao Oriental.

Pawang tectonic ang pinagmulan ng tatlong pagyanig ngunit wala namang inaasahang pinsala. BOBBY TICZON

Apela ni Pemberton sa kasong homicide, ibinasura

$
0
0

IBINASURA na ng Court of Appeals (CA) ang apela ni US Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton na baliktarin ang kanyang homicide conviction sa pagpatay ng Filipino transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude noong 2014.

Sa desisyon na may petsang April 3, kinatigan ng CA Special 16th Division ang naunang desisyon ng mababang korte dahil na rin sa kakulangan ng merito ng inihain ng dayuhang sundalo na motion-for-reconsideration.

Iniutos na rin ng appellate court kay Pemberton na magbayad ng P4.32-million sa pamilya Laude dahil sa nawalang kita ng biktima na P30,000 para sa exemplary damage at P155,250 para sa actual damages.

Dagdag pa ng CA, kailangan ding magbayad ni Pemberton ng anim na porsyentong interes kada taon para sa lahat ng civil liability mula noong pinagtibay ang desisyon hanggang sa mabayaran niya ito ng buo.

Maaalalang noong December 2015 nang hatulan ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74 si Pemberton ng anim hanggang sa 12 taong pagkakakulong matapos umanong patayin at ilublob pa ng sundalo si Laude sa toilet bowl ng Celzone Lodge room sa Olongapo City noong October 11, 2014.

Inamin naman ni Pemberton na labis nitong ikinainis noong nalaman niyang lalaki pala ang kanyang kasama sa lodge kaya niya ito sinakal.

Una rito, nagtungo raw ang sundalo sa ilang bars sa Angeles para mag-relax na bahagi ng kanyang “liberty time” hanggang sa makita niya sa Ambyanz Resto Bar si Luade at ang kaibigan nitong si Mark Clarence “Barbie” Gelviro.

Pumasok umano sila sa lodge kasama ang isa pang babae na nagsagawa ng oral sex kay Pemberton saka umalis.

Kasunod nito ay isinagawa rin ni Laude ang oral sex sa sundalo at dito niya nadiskubre na lalaki pala ang kanyang kasama.

Dahil dito, nagalit si Pemberton dahil naloko siya ng biktima. BOBBY TICZON


10-anyos nagbigti sa Facebook post

$
0
0

NAGPATIWAKAL sa pamamagitan ng pagbigti ang isang 10-taong gulang na lalaki dahil sa pag-aakalang ipapaskil ng kanyang tiyahin sa Facebook ang kanyang naka-make-up na larawan.

Idineklarang patay sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Jorge Miano, 10, estudyante, taga-Bldg. 5, NHA, Dagupan Extn., Tondo, Maynila.

Sa ulat ng tanggapan ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, nabatid na dakong 1:20 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.

Bago ito, nasa sala umano ang biktima kasama ang kanyang ina na si Charie, 36, at tiyahing si Eva, na nakatuwaang lagyan ng make-up ang paslit saka kinunan ng picture.

Nadismaya ang biktima at inakalang ipo-post ni Eva sa Facebook ang naturang larawan kaya’t nagkulong ito sa kanyang kuwarto.

Matapos ang ilang sandali ay inamo ito ng kanyang ina at kinatok sa loob ng kuwarto at sinabihang hindi naman ipapaskil ang kanyang larawan sa FB, ngunit hindi ito sumasagot kaya’t pwersahan na nilang binuksan ang pintuan.

Dito na nadiskubre ni Charie ang anak na nakaluhod habang nakabigti gamit ang isang tela na nakadugtong sa duyan.

Kaagad na pinutol ng ginang ang tela at sinubukang i-revive ang anak bago isinugod sa pagamutan ngunit patay na rin ito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Mula ME: OFWs iuuwi ni Digong

$
0
0

KASAMANG uuwi ni President Rodrigo Duterte sa April 16 ang mga stranded na overseas Filipino workers (OFWs) galing sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA), Bahrain at State of Qatar.

Anang pangulo, kailangang matulungan ang napakaraming OFWs na walang tamang dokumento.

Sa Jeddah pa lamang, abot sa 5,000 ang nangangailangan ng tulong.

Ayon sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), may 760,000 OFWs ang nasa KSA, kung saan 15,000 ang undocumented.

Sasamantalahin ni Duterte ang 90-day amnesty na ibinigay ng Saudi Arabian government sa mga foreigners upang mahakot ang nasabing undocumented OFWs.

Layon ng gobyerno sa pagbisita ni Duterte sa Saudi Arabia na makuha ang kooperasyon ng gobyerno upang maprotektahan ang karapatan at kalagayan ng mga OFWs sa Saudi Arabia.

Liban sa ilang kaso ng pag-abuso, 31 Filipino ang nakasalang ngayon sa death row sa KSA.

Gayunman, hindi nilinaw ni Duterte kung ano ang target niyang kasunduan na papipirmahan sa KSA upang maiwasan ang mga kaso ng pag-abuso sa mga OFWs. NENET VILLAFANIA

10 lagas sa sagupaan sa Bohol

$
0
0

SUMIRIT na sa 10 ang bilang ng nalagas sa bakbakan ng militar at Abu Sayyaf sa Bohol.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, kabilang dito ang anim na kalaban, isang opisyal, dalawang sundalo at isang pulis.

Isa rin aniya ang sugatan sa pagpapatuloy ng clearing operations sa lugar at nasa mabuting kalagayan na ito.

“Sa panig ng ating operasyon ay maayos naman, ang isinasagawa po nating clearing operations ay hindi pa tapos, maganda ang naging tulong ng ating mga kababayan diyan sa may Inabanga, ‘yung kanilang impormasyon sa ating mga tauhan at naaksyunan natin agad at na-prevent,” ani Padilla.

Samantala, aminado man na makaaapekto sa turismo ang nasabing bakbakan ay agad na kinalma ni Padilla ang mga turista na magbabakasyon sa lugar, aniya walang dapat ikabahala dahil nakatutok naman ang gobyerno sa sitwasyon.

“Huwag po kayong mag-alala ginagawa natin ang lahat ng makakaya, makikita niyo naman po na very pro-active ang ating puwersa, ang Kapulisan sa pagtugon sa lahat ng klaseng banta sa paligid natin. Kontrolado naman po natin ang lugar, at maganda ang contingency plan ng local government para makalikas ang mga residente, na-implement nila agad so walang naging kumplikasyon. Ang lugar ng Inabanga ay medyo malayo sa mga famous attractions natin.” Dagdag ni Padilla.

Pinasinungalingan din ni Padilla ang mga lumalabas na ulat na aabot sa 70 armadong lalaki ang lumusob sa Inabanga.

“Batay sa impormasyong hawak natin ang hinaharap pa po natin dito ay nasa bilang po ng 10 – 11 katao na armado lahat, ito pong hinaharap natin ngayon dito ay hindi ganun karami,” pahayag ni Padilla.

Tinatayang 700 residente ng bayan ng Inabanga, Bohol ang lumikas sa takot na maipit sa bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf.

Ayon kay Inabanga Mayor Josephine Socorro Jumamoy, nananatili sa tatlong magkakahiwalay na evacuation centers ang mga residenteng naapektuhan ng sagupaan.

Tiniyak naman ni Bohol Gov. Edgardo Chatto na sa loob lamang ng barangay Napo, Inabanga nagaganap ang bakbakan at nananatiling ligtas ang malaking bahagi lalawigan kaya’t walang dapat ikabahala ang mga turista maging ang mga Boholano. JOHNNY ARASGA

P50M halaga ng shabu, iniwan sa Matnog port

$
0
0

UMAABOT sa higit P50-milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Coast Guard (PCG) sa isang abandonadong sasakyan sa Matnog port sa Sorsogon.

Ang naturang droga na tinatayang aabot sa 10 kilo ay natagpuan sa loob ng isang green Toyota Revo na nakaparada sa naturang daungan.

Ayon kay Vidal Bacolod, hepe ng PDEA-Sorsogon, una nang inakala ng mga awtoridad na naglalaman ng bomba ang naturang sasakyan kaya’t kinailangan pang rumesponde ng mga tauhan ng Explosives and Ordinance Division ng PNP.

Nang mabuksan ang naturang sasakyan, tumambad ang nasa 20 pakete na naglalaman ng high-grade shabu.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng may-ari ng sasakyan. JOHNNY ARASGA

LPA magiging bagyo, papasok sa Huwebes

$
0
0

ISANG low pressure area (LPA) ang namataan ng PAGASA sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Ayon sa weather bureau, malaki ang tiyansang maging bagyo ang naturang LPA na unang namataan bilang mga cloud clusters sa labas ng PAR.

Tinatayang papasok ang LPA sa PAR bukas, Huwebes Santo.

Kung magpapatuloy sa kanyang direksyon, maaapektuhan nito ang Mindanao at Eastern Visayas at tatama sa lupa sa Eastern Visayas o Bicol sa Sabado o Linggo.

Posible namang maramdaman din ng mga taga-Metro Manila ang epekto ng LPA sa Linggo o Lunes.

Samantala, bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog ang mararanasan sa Kabikulan, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Hilagang Samar sa susunod na 24-oras. JOHNNY ARASGA

Top 10 highest paid job, inilabas ng DOLE

$
0
0

PILOTO, navigator at flight engineer ang tatlo sa 10 nangungunang trabaho sa bansa kung suweldo ang pag-uusapan.

Batay sa top 10 high paying jobs ng Department of Labor and Employment (DOLE), mayroong average na buwanang suweldo ang tatlong nabanggit na P156,000.

Sinundan naman ito ng engineering geologist na siyang nagsasagawa ng risk assessment sa mga Earth materials at geological hazards na tumatanggap ng mahigit P101,000.

Sumunod naman dito ang mga graphic designers, art director, machinery technicians, fitters, statistician para sa insurance at pension funding, crushing grinding at chemical mixing machinery operator na sumuweldo mula P50,000 – P80,000.

Habang nasa panghuling puwesto ang mga communications service supervisors, production supervisor at general foreman na sumusuweldo mula P47,000 – P48,000. JOHNNY ARASGA

Canada, UK may travel warning na sa Central Visayas

$
0
0

NAGLABAS na rin ng travel advisory ang United Kingdom (UK) at Canada para sa kanilang mga mamamayan sa Pilipinas lalo sa Central Visayas.

Ito’y sa gitna ng naganap na bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf sa Inabanga, Bohol.

Inabisuhan ng British Foreign and Commonwealth Office at Canadian Government ang kanilang mga mamamayan na maging maingat at mapagmatyag sa pagbiyahe partikular sa Bohol at Cebu.

Ang UK at Canada ang ikatlo’t ikaapat na bansang naglabas ng travel warning sa Pilipinas matapos ang naganap na sagupaan sa Bohol.

Una nang naglabas ng kahalintulad na advisory ang US at Australia. JOHNNY ARASGA


Lanao del Sur, nilindol ng magnitude 6

$
0
0

INUGA ng magnitude 6 na lindol ang bahagi ng Wao, Lanao del Sur, mag-aala-5:30 kaninang umaga.

Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang epicenter ng pagyanig, anim na kilometro sa timog-kanluran ng Wao.

Tectonic ang pinagmulan ng pagyanig na may lalim lamang na isang kilometro.

Naramdaman ang intensity 4 sa Davao City; Cagayan de Oro City; Cotabato City; at Gingoog City, Misamis Oriental.

Samantala, niyanig din ng magnitude 5 na lindol ang Governor Generoso sa Davao Oriental, mag-aalas-2:00 kaninang madaling-araw.

Naitala ng Phivolcs ang sentro ng pagyanig, 230 kilometro sa timog-silangan ng Governor Generoso.

Tectonic ang pinagmulan ng pagyanig na may lalim na 18 kilometro.

Naramdaman ang intensity 1 sa Sarangani, Davao Occidental.

Niyanig din ng magnitude 2.3 na lindol ang bahagi ng Itogon, Benguet, mag-aala-1:00 kaninang umaga.

Naitala ang sentro ng pagyanig 16 na kilometro sa timog-silangan ng Itogon at ito’y may lalim na 15 kilometro.

Kahapon ay tinamaan din ng magnitude 3.3 na lindol ang Baguilin, La Union, dahilan para masuspinde ang panghapong klase sa University of Baguio. JOHNNY ARASGA

Kaso ng HIV sa bansa, sumirit

$
0
0

BAHAGYANG sumirit ang bilang ng kaso ng human immuno-deficiency virus (HIV) sa bansa.

Sa tala ng HIV/AIDS & Art Registry of the Philippines (HARP) nitong Pebrero, umakyat sa 849 ang panibagong kaso ng HIV kumpara sa 751 sa kaparehong panahon noong isang taon.

Ayon sa Department of Health (DOH), sa unang dalawang buwan ng taon, kabuuang 171 HIV cases ay sanhi ng transactional sex.

Simula naman noong Enero ay halos 1,700 kaso na ng HIV ang naitala o kabuuang 41,315 total cases simula Enero 1984.

Karamihan o 95 percent ng mga nagkakasakit ay lalaki habang naitala ang pinakamataas na kaso sa National Capital Region (NCR) na aabot sa 310; Region 4-A na may 129 at Region 3 na may 102. JOHNNY ARASGA

US President Trump, nasa Pilipinas sa Nobyembre

$
0
0

NAKAAMBANG dumalaw sa Pilipinas si US President Donald Trump sa Nobyembre.

Kabilang si Trump sa 14 na heads of state na inaasahang dadalo sa 50th anniversary celebration ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa November 13 – 14.

Ayon kay Tourism Director for Central Luzon Ronnie Tiotuico, makakasama ng pangulo ng Amerika ang mga kapwa leader mula sa 10 ASEAN member-countries maging sina Russian President Vladimir Putin at Japanese Prime Minister Shinzo Abe.

Gayunman, hindi naman aniya nila matiyak kung dadalo si Chinese President Xi Jinping.

Nasa 4,000 katao ang inaasahang dadalo sa event na gaganapin sa Clark Freeport Zone sa Pampanga. JOHNNY ARASGA

Doctorate degree, inalok ng UP kay Digong

$
0
0

INALOK ng doctorate degree ng University of the Philippines (UP) si Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng mga kuwestyon hinggil sa kampanya nito kontra-droga.

Bilang bahagi ng tradisyon, nais bigyan ng UP Board of Regents si Pangulong Duterte ng Doctor of Laws degree.

Ang UP ay nagbibigay ng honorary doctors degree sa pangulo ng Pilipinas at kalimitan itong ibinibigay sa unang taon ng panunungkulan ng presidente.

Ayon kay CHED Chairperson at UP Board of Regents co-chair Patricia Licuanan, kanilang hinihintay na lamang ang pormal na pagtanggap ni Pangulong Duterte sa kanilang alok.

Gayunman, sinalubong ng protesta ng ilang mga netizens at mga dating estudyante ng UP ang alok na doctorate degree sa pangulo.

Ayon kay Cleve Arguelles, dating student regent ng unibersidad, dapat ay ‘Doctorate of Crime Against Humanity’ ang ibigay sa pangulo sa halip na bigyan ng honorary doctorate law degree.

Ito’y dahil sa dami ng mga namatay sa ilalim ng pinaigting na kampanya ng pangulo laban sa mga adik at hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot. JOHNNY ARASGA

2 inambus sa Maynila

$
0
0

TINAMBANGAN at napatay ng riding-in-tandem ang isang babae at lalaking sakay ng isang pick-up sa Road 10, Tondo, Maynila kaninang madaling-araw.

Kinilala ang biktimang sina April Ocampo Hicban habang inaalam pa ng pulisya ang kasama nitong lalaki na siyang nagmamaneho ng pick-up na may plakang TRO 633 at umano ng nakarehistro sa Gokongwei at pag-aari naman ng Universal Robina Corp.

Ayon kay S/Insp. Dave Abarra ng Smokey Mountain Police Community Precinct, nakahinto sa may stoplight ang sasakyan ng mga biktima sa kahabaan ng R10 nang dinikitan ng riding-in-tandem.

Bumaba umano ang gunman at pinaulanan ng bala ang sasakyan ng mga biktima.

Tinangka pa umanong yakapin ng biktimang lalaki si Hicban para koberan mula sa mga putok ng baril subalit tinamaan din ito dibdib at braso habang ang una’y tinamaan naman sa ulo.

Narekober sa lugar ang 14 basyo ng bala na indikasyon matindi ang galit ng suspek.

Nabatid na posible umanong company car ang pick-up batay sa resibong nakuha sa sasakyan.

Patuloy namang inaalam ng Manila Police District-Homicide Section ang motibo sa pananambang sa mga biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMEDEN

Viewing all 14412 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>