NAKATAKDANG pauwiin sa bansa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang hindi bababa sa 5,000 overseas Filipino workers (OFWs) na kasalukuyang stranded sa iba’t-ibang lungsod ng Saudi Arabia.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na sinasamantala ng labor department ang 90-araw na amnesty period na ibinigay ng gobyerno ng Saudi para sa lahat ng mga undocumented na banyaga.
Isang grupo na binubuo aniya ng mga senior officials ng DOLE ang lumipad patungong Saudi ngayong Abril na siyang magdadala pauwi sa hindi bababa sa 5,000 undocumented at stranded na mga OFW .
Ito ang aming pangunahing priyoridad. Gagawin namin ang aming makakaya upang iproseso ang kanilang mga dokumento para makauwi sila sa lalong madaling panahon,” ani Bello.
Kasunod ng amnestiya na ibinigay ng Saudi Arabia, inatasan ni Bello si Undersecretary Dominador Say, na siya ring tumatayong OIC ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), na pangunahan ang repatriation mission team sa Saudi at iuwi nang ligtas ang mga stranded na OFW.
Sa isang panayam, sinabi ni Say na kapag dumating na sila sa Saudi, pangangasiwaan nila ang repatriation delegation, at kukuha sila ng mas maraming indibidwal na tutulong sa pagproseso ng mga dokumento at papeles ng mga stranded na OFW upang makauwi na ito ng bansa. Ang grupo ay magtatayo ng tatlong processing centers sa Riyadh, Al Khobar, at sa Jeddah.
“Kami ay mangangailangan ng maraming tao na hangga’t maaari ay may maraming kaalaman sa pagpoproseso ng mga dokumento para sa agarang pagpapauwi ng mga OFW.
Nandito kami upang samantalahin ang amnestiya at maiuwi sila nang ligtas pabalik ng bansa sa panahon na ibinigay ng Kingdom of Saudi Arabia,” paliwanag ni Say.
Ang 90-araw na amnestiya ay sasaklaw sa undocumented, at overstaying na foreign indibidwal ng Umrah, Hajj at ang mga may hawak ng visit visa; mga OFW na may nag-expire na iqamas (residence permit), o sa mga hindi pa ipinalabas ang iqama; mga kaso ng Huroob o mga taong tumakas sa kanilang mga employer; at OFW na inabandona ng kanilang mga amo, kabilang ang kanilang mga dependents.
Ang aplikasyon para sa amnestiya ng mga OFW na may mga kaso ay ipoproseso nang walang parusa, bibigyan ng exit permit, at exemption sa pagkuha certificate of no objection mula sa kanilang mga employer.
Matatanggal din ang mga “deportee fingerprint system” at magagawang makabalik ng legal sa kaharian. Gayunman, ang mga undocumented OFW na may mga kaso sa pulisya, mga paglabag sa trapiko at bank obligations ay hindi sakop ng amnestiya.
Idinagdag ni Say na bukod sa pagpoproseso ng kanilang mga dokumento sa pag-uwi at mga clearance, ang pamahalaan ang magbabayad sa mga tiket ng eroplano ng mga stranded na OFW pabalik ng Pilipinas.
“Naiintindihan namin na ang mga ito ay distressed. Pinapayagan namin ang mga gustong manatili dahil ang ilan sa kanila ay may natagpuan ng trabaho. Gayunpaman, mas maraming OFW ang nais na makauwi ng bansa, iyon ang misyon namin: upang samantalahin ang amnesty, at iuwi ang lahat ng stranded na OFW sa Saudi,” pag-uulit ni Say.
Samantala, ang DOLE senior opisyal din ang nagpasiguro na ang labor department, OWWA, at ang Bureau of Local Employment (BLE) ay handa upang makatulong sa mga nakabalik na OFW kapag sila ay dumating na sa Pilipinas.
Sila ay bibigyan ng tulong pangkabuhayan upang patuloy na magkaroon ng pagkakakitaan habang naghahanap ng isang regular na trabaho sa bansa. JOCELYN TABANGCURA