INATASAN ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) na paigtingin pa ang pagsagip sa mga taong-lansangan, lalo na ng mga bata, upang maproteksyunan sila.
Diin ni Estrada, hindi niya tinuturing na “eyesores” ang mga taong-lansangan bagkus ay nais niyang mabigyan pa ang mga ito ng magandang buhay.
“Sa halip na namamalimos sila sa kalsada, at kung saan maaari pa silang maaksidente o maging biktima ng krimen, mas kailangan nila ng maayos na pangangalaga at proteksyon,” ani Erap.
Nitong Pebrero lang ay nilabas ni Erap ang Executive Order No. 10 na nag-aatas sa MDSW at iba pang departamento ng city hall na magsagawa ng malawakang rescue operation sa mga taong-lansangan upang makamit ng pamahalaang lungsod ang hangarin nitong “zero street dweller in the City of Manila.”
Binuo ng MDSW ang Task Force Reach- Out upang magsagawa ng rescue operation sa lungsod; ang pinakahuli ay isinagawa sa Binondo noong isang linggo, kung saan 121 taong-lansangan ang nakuha.
Sa 121 katao, 86 ang adults, 26 naman ang mga menor-de-edad, at walo ang senior citizens. Isang sanggol din ang na-‘rescue’, ayon sa hepe ng task force na si Laure Clemente, pinuno ng Reception and Action Center (RAC) ng MDSW.
Marami sa mga ito ang pinauwi na sa kani-kanilang pamilya, ayon kay Clemente.
“Many of the minors we rescued were solvent users while others, especially the adults, were those so-called vagrants, mga wala talagang bahay. We have to take them out of the streets because it’s dangerous for them,” paliwanag ni Clemente.
Tinurn-over na aniya ang mga natitira sa Manila Boystown Complex sa Marikina City na pinamamahalaanan ng lungsod kung saan ang mga bata ay pag-aaralin sa Fugoso Integrated School na nagbibigay ng Alternative Learning System (ALS).
Ang mga nasa hustong edad naman ay sasailalim sa iba’t ibang development activities tulad ng skills and livelihood trainings at basic business management courses.
Sa kanilang paglabas ay maaari rin silang i-refer sa Public Employment Service Office (PESO) upang magkaroon sila ng hanapbuhay.
“We want them to be productive citizens, kahit papaano may matutunan sila habang nasa Boystown sila,” ani Clemente. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN