Quantcast
Channel: Breaking News – Remate
Viewing all 14412 articles
Browse latest View live

Pagtanggap ng mga taga-MM sa drug war, ikinatuwa ng Palasyo

$
0
0

IKINATUWA ng Malacañang ang naging resulta ng Pulse Asia survey na lumalabas na karamihan sa mga residente ang nakakaramdam na mas ligtas na ang Metro Manila dahil sa drug war ng pamahalaan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, nalulugod sila na 8 – 10 residente ng Metro Manila ang naniniwalang mas ligtas na ngayon ang mga kalsada dahil sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Sinabi kamakailan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na 82 percent ng mga residente ang naniniwalang mas ligtas na ang kanilang paligid ngayon, base sa survey na isinagawa ng Pulse Asia noong December 2016.

Ani Abella, nangangahulugan lang itong “well-received” sa mga tao ang kampanya laban sa iligal na droga, taliwas sa ipinapakita ng mga kritiko ng administrasyon.

Dahil aniya dito, mas palalakasin pa ng pamahalaan ang kampanya laban sa iligal na droga.

Umaasa rin si Abella na mas susuportahan ng ibang mga komunidad ang drug war ng pamahalaan dahil sa nasabing survey. JOHNNY ARASGA


Kaltas-presyo sa langis, nakakasa na naman

$
0
0

MAGPAPATUPAD na naman ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis bukas, Marso 28.

Ayon sa source sa industriya ng langis, maglalaro sa P0.20 – P0.30 ang rollback sa presyo ng kada litro ng diesel.

Nasa P0.10 – P0.20 naman ang posibleng i-rollback sa presyo ng kada litro ng kerosene.

Habang posibleng P0.15 kada litro o hindi na magpatupad ng rollback sa presyo ng gasolina.

Ito na ang ika-apat na sunod na linggong nagpatupad ng tapyas presyo ang mga kumpanya ng langis sa kanilang mga produkto. -30-

Daan-daang NPA, nag-rally sa Cubao

$
0
0

BIGLANG sumulpot na parang kabute ang mga nagpakilalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Cubao, Quezon City kaninang Lunes ng umaga para mag-aklas at ihayag ang kanilang sama ng loob sa pamahalaan.

Ayon sa nasa 300 – 500 miyembro ng NPA, layunin ng kanilang pag-aaklas ang maipabatid sa publiko ang kanilang mga saloobin.

Bandang alas-8:00 ng umaga nang okupahin ng mga rebelde ang kanto ng EDSA at Aurora Blvd. sa Cubao, Q.C. na tumagal nang halos 20 minuto kabilang ang pagkanta nila ng NPA national anthem.

Nakasuot ang mga nag-rally ng pula at berdeng Camisa Chino, Mao cap at may takip ang kalahati ng mukha ng panyo na may logo ng NPA.

Makalipas ang nasabing aktibidad na nagpabigat sa daloy ng trapiko sa lugar ay nagpulasan din ang mga ito patungo sa iba’t-ibang direksyon.

Ikinasa ang pagtitipon, ilang araw bago ang 48th anniversary ng NPA sa Marso 29, 2017. BOBBY TICZON

Rido clash, 6 dedo, 3 sugatan

$
0
0

TIG-TATLO ang nalagas sa dalawang nagbabangayang angkan ng pamilya sanhi ng rido sa Cotabato, ayon sa ulat kaninang Lunes ng umaga ng militar.

Sinabi ni 602nd brigade Philippine Army spokesman Major Calvin Macatangay, nakilala ang mga napatay na sina Ustadz Odin Bala, Mesi Bala at King Kabambalan, pawang mga tauhan ni Kumander Kusain Akmad at Kumander Kalawan.

Habang patay din sina Zukarno Maguid, Lawan Lakman at Makungan Lakman, mga tauhan naman ni Arlyn Matalam.

Sugatan naman ang tatlo at dinala sa isang pagamutan sa Kidapawan City. Ligtas na ang tatlo sa kapahamakan.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 7:45 a.m. sa Brgy. General Lune Carmen, Cotabato.

Ayon kay Macatangay, muling nagpang-abot ang pamilyang Matalam at Cua sa nasabing barangay na may matagal nang iringan dahil sa lupa na kanilang sinasaka.

Tumagal aniya nang tatlong oras ang palitan ng putok ng magkabilang panig gamit ang matataas na uri ng armas.

May ilang mga residente ang lumikas patungo sa ligtas na lugar sa takot na maipit sa gulo.

Humingi na rin ng tulong ang pamilyang Cua sa grupo nina Kumander Kalawan at Kumander Kusain Akmad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) habang nagpasaklolo naman si Arlyn Matalam sa kanyang ama na si dating Maguindanao 2nd District Rep. Jimmy Matalam kasama ang puwersa ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Humupa lamang ang putukan nang dumating ang peacekeeping force ng 602nd brigade sa pangunguna ni Col. Nolly Samarita, pulisya, GPH MILF Ceasefire Committee at LGU-Carmen.

Nakatakdang ipatawag ni Carmen Mayor Roger Talino ang dalawang pamilya para lutasin ang alitan sa mapayapang negosasyon. BOBBY TICZON

Magka-live–in na tulak, arestado

$
0
0

SWAK sa kulungan ang magka-live–in na umano’y tulak ng shabu matapos madakip ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Quezon City kagabi, Marso 27.

Kinilala ni Supt. Pedro Sanchez, hepe ng Quezon City Police District Kamuning Police Station 10, ang nadakip na si Sandy Ganancial, 31, alyas “Pandong”, supplier ng shabu sa karatig-lungsod, at kinakasamang si Jasmin Martinez, 29, alyas ‘Espi’, dalawang-buwang buntis at kapwa ng Brgy. Central, QC.

Sa ulat ng QC Police, dakong 10:00 ng gabi nang ikasa ng mga pulis ang isang buy–bust operation matapos salakayin ng mga operatiba ng QC police station 10-Kamuning ang hinihinalang shabu tiangge sa isang bahay sa kanto ng Mapagbigay St., Brgy. Central.

Nabatid na bumili ng shabu ang poseur buyer ng task force anti–illegal drugs at nang babayaran na si alyas Pandong ng P2,000 kapalit ng isang gramo ng shabu, bigla na lamang nagsulputan sa bahay ng suspek ang mga pulis at dinakip ito.

Nakumpiska sa magka-live-in ang P2,000 buy-bust money, dalawang bulto at 10 sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.

Nakapiit ngayon ang dalawa sa detention cell ng QCPD Station 10 at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o comprehensive dangerous drugs act of 2002. SANTI CELARIO

Pagpapaliban ng barangay, SK elections inihain sa Kamara

$
0
0

INIHAIN na ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang panukalang batas na pipigil sa pagdaraos ng barangay at Sangguniang Kabataan elections sa October ng taong ito.

Sa pamamagitan ng House Bill 5359, binigyang-diin ni Barbers na gaya ng ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte, ito ay upang tuluyang maalis sa puwesto ng mga barangay official na isinasangkot sa iligal na droga.

“There is a need to postpone the 2017 Barangay Elections to rid barangays of officials linked to illegal drug operations. The barangay election was postponed last year for the very same reason, and obviously, we have yet to consider our communities drug-free. The drug problem begins at the grassroots level, therefore, this is where we should start cleansing,” ani Barbers.

Batay sa HB 5359, ipagpapaliban ang eleksyong pambarangay ng hanggang sa May 2020.

Bago ang eleksyon ay kailangang tanggalin ang lahat ng nakaupong barangay officials upang bigyang-daan ang mga bagong uupo na iluluklok bilang mga officers-in-charge na walang ni-katiting na bahid ng pagkakasangkot sa problema sa droga na ang magtatalaga ay si Pangulong Duterte.

Dismayado rin sa Barbers na sa tuwing naipagpapaliban ang barangay at SK elections ay napapahaba ang termino ng mga incumbent nang walang ginagawa upang masugpo ang iligal na droga sa kani-kanilang nasasakupan.

“We have given them another year, but the question is, have they proven themselves worthy to be called ‘leaders’ of a country that is dying to be freed from the shackles of illegal drugs? I don’t think so. That is why, I personally think that the smartest move would be to delay the elections once again and to appoint incorruptible officers-in-charge who will help us traverse the road to recovery—the road to a drug-free Philippines,” giit pa ni Barbers. MELIZA MALUNTAG

Redevelopment ng Rizal Memorial Stadium tuloy – Erap

$
0
0

GAGAMITIN umano sa paraang mas mapapakinabangan ang lupaing kinatitirikan ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC).

Ito ang inihayag ni Manila Mayor Joseph Estrada at sinabing tuloy na tuloy na ang pagsasaayos sa lumang sports complex para pagtayuan ng commercial center sa kabila ng pagtutol ng ilang heritage advocates at mga sports enthusiasts.

“It is still owned by the City of Manila. May usufruct (rights) lang ang PSC (Philippine Sports Commission),” dagdag pa ni Estrada kung saan tinutukoy nito ang 8.4-ektaryang lupa ng RMSC na pag-aari ng lungsod.

Bahagi aniya ito ng “urban development program” ng kanyang administrasyon.

“E, wala nang gumagamit. Wala nang kinikita. Luma na lahat. Paano pa mapapakinabangan ng city? Wala na, antiquated na Rizal Memorial Sports Complex,” ani Estrada.

Aniya pa, kailangan na ng PSC ng bagong sports center na may mga makabagong pasilidad tulad ng binabalak na itayo sa 100-ektaryang lupain sa Clark, Pampanga na ibibigay ng Bases Conversion Development Authority (BCDA).

Sa halip na maging “white elephant”, gagamitin na lang aniya ito ng lungsod upang pagkakitaan ng kinakailangang pondo para sa pagpapatupad ng mga programa para sa mahihirap.

Napag-alamang nakikipag-ugnayan na ang pamahalaang lungsod sa Razon Group na pag-aari ng tycoon na si Enrique Razon, na siyang bibili ng lupain at gagawa ng makabagong urban complex na may mga commercial building, shopping mall, at sports museum.

Tinatayang kikita rito ang PSC ng P2-bilyon na maaari nitong gamitin sa pagtatayo ng bagong training facility sa Clark.

Tinayo ang RMSC noong 1934 at dito ginanap ang ilang international sports events tulad ng Far Eastern Games, 1954 Asian Games at Southeast Asian Games (SEA) noong 1981, 1991 at 2005. Nag-concert din dito ang Beatles noong 1966. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Convoy ng vice mayor pinasabugan, 2 sugatan

$
0
0

SUGATAN ang dalawang katao nang pasabuguan ang convoy ng isang incumbent vice mayor sa Sitio Crossing Katuli, Brgy. Marang, Sumisip sa lalawigan ng Basilan kaninang Lunes ng umaga.

Nagtamo ng tama ng shrapnel sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang sina Dasid Karim at si Turmi Asikin na mga kasamahan ni Sumipsip Municipal vice mayor Jul Hataman.

Ligtas naman si Hataman na pinaniniwalaang tunay na target ng pag-atake ng mga bandido.

Sa ulat ng Joint Task Force Basilan, nangyari ang pagsabog ng improvised explosive device (IED) alas-8:00 ng umaga kanina habang dumadaan ang convoy ni Sumisip Municipal Vice-Mayor Jul Hataman.

Bago ito, papunta ang grupo ni Hataman sa munisipyo ng Albarka para sa malaking selebrasyon na nagaganap ngayong araw sa lugar kasunod ng pagdiriwang ng People’s Day bilang paggunita sa araw na nabawi ng militar ang lugar mula sa mga teroristang Abu Sayyaf matapos ang mahabang labanan.

Pagsapit ng convoy sa naturang lugar, biglang sumabog ang itinanim na improvised explosive device (IED).

Grupo pa rin ng Abu Sayyaf ang itinuturong responsable ng militar sa nasabing pagsabog.

Nagpapatuloy pa ngayon ang pursuit operation laban sa grupo na responsable sa pagsabog. BOBBY TICZON


AWOL na parak, huli sa shabu

$
0
0

ISANG AWOL na pulis (absent without leave) at may mga naka-pending na warrant of arrest sa iba’t ibang kaso ang natimbog ng mga tauhan ng Navotas police sa isinagawang buy-bust operation kaninang madaling-araw, March 28, sa Navotas City.

Kinilala ni Navotas police Chief S/Supt. Dante Novicio ang suspek na PO2 Ferdinand Ragin, 50, ng Market 3, Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) na naaresto ng mga tauhan ng Drug Enforcement Team makaraang magbenta ng isang sachet ng shabu kay PO1 June Flores na umaktong poseur buyer.

Ayon pa kay Novicio, si Ragin, kasama ang tatlong kaibigan na sina Renato Alido, 40, Michael Lecciones, 28, at RJ Cruz, 28, ay naaresto pasado alas-2:45 kahapon ng madaling-araw sa Market 3, Navotas Fish Port Complex, Brgy. NBBN.

Nang kapkapan si Ragin, nakuha pa ang tatlong sachet ng shabu at narekober ang P200 marked money at ang PNP badge habang ang karagdagang tatlong sachet ng shabu ay nakuha sa tatlong kasamahan ng nasabing pulis.

Sinabi naman ni Navotas deputy police C/Supt. Bernabe Embile, na-AWOL si PO2 Ragin mula pa noong 2003 habang naka-assign sa Navotas police kaya kinonsidera na isa siyang high-value target mula nang harapin nito ang mga kasong kriminal, kasama ang malversation, illegal possession of firearm at illegal drug trade.

Sinamphan si Ragin ng kasong malversation matapos na mabigong isauli ang kanyang kalibre 9mm. pistol at M16 rifle bago siya matanggal sa pagkapulis.

Ayon pa sa kay Embile, nahaharap din ang suspek sa section 5 (sale) at section 11 (possession) ng illega drugs ng R.A. 9165, si Ragin ay mahaharap din sa kasong Usurpation of Authority matapos na ipakilala ang sarili na isa pang pulis sa mga operatibang umareto sa kanya. ROGER PANIZAL

Trak vs kuliglig 2 dedo, 8 sugatan

$
0
0

LAGAS ang dalawa habang walo naman ang nasugatan nang magsuwagan ang isang trak at kuliglig sa bahagi ng Balug, Tumauini, Isabela kagabi, Lunes.

Dead-on-arrival sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang mga biktimang sina Viernerson Nabor, 21, at Lorita Ganado, 58, kapwa ng Delfin Albano, Isabela.

Nasa malubhang kalagayan naman ngayon sa ospital sina Carlito Torres, 31; Kristel Ann Ganado, 16; Joy Dumo, 34; at Jenny Madriaga, 38.

Apat na kabataan naman ang bahagyang nasugatan lamang na kinilalang sina Sunshine Dumo, 1; Scarlet Joyce Dumo, 6; Francis Dave Madriaga, 2, at Stephanie Dumo, 9.

Sinabi ni P/S Insp. Allen Alcido, hepe ng Tumauini Police Station, patungo ang kuliglig sa isang kasalan sa timog nang mabangga sa likurang bahagi ng paparating na trak kaya tumilapon ang mga biktima.

Mabilis na tumakas ang hindi pa nakikilang truck driver matapos ang aksidente.

Nilalapatan ng lunas sa magkakahiwalay na pagamutan sa Tuguegarao City at Tumauini, Isabela, ang iba pang sugatan. BOBBY TICZON

Disbarment case vs Morales, ibinasura na

$
0
0

IBINASURA na agad ng Supreme Court (SC) ang disbarment case na isinampa laban kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Sa en banc nitong Martes ng umaga, nagdesisyon ang SC na idismis ang disbarment complaint dahil sa kakulangan ng merito.

Ang reklamo ay isinampa ng talunang senatorial candidate na si Greco Belgica.

Sa isang 12-pahinang reklamo, sinabi ni Belgica, dating Manila City councilor, na nilabag ni Morales ang Lawyer’s Oath at ang Canon of Professional Responsibility matapos idismis ang graft at technical malversation case laban kay dating Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa Disbursement Acceleration Program (DAP). BOBBY TICZON

Monster storm, tumama sa Queensland, Australia

$
0
0

NAG-LANDFALL na ang monster storm Debbie sa estado ng Queensland, Australia na may taglay na hangin na aabot sa 263 kilometers per hour (kph).

Ang tinaguriang monster storm ay inilagay na sa category four na nag-iwan na ng 45,000 kabahayan na walang kuryente at pinsala sa mga gusali kabilang na ang mga lumilipad na debris.

Kasunod nito, inutusan na ni Australian Prime Minister Malcolm Turnbull na i-activate ang kanilang disaster response plan.

Nasa 25,000 katao ang inabisuhan ng lumikas sa kani-kanilang mga bahay kasunod ng pagtataya na maaaring ang bagyong ito ang pinakamalala na tumama sa Queensland simula noong 2011.

Sa kabila ng mapaminsalang epekto ng bagyo ay maraming mga residente ang tumangging lumikas.

Ayon sa mga awtoridad ng Queensland, nasa 181 na mga paaralan ang pansamantalanbg isinara at 232 na mga childhood education centers.

Kanselado na rin ang lahat ng flight sa Townsville at Mackay Airport.

Sa ngayon ay hindi pa matiyak ng mga kumpanya kung kailan maibabalik ang suplay ng kuryente gayong nagpapatuloy ang pananalasa ng malakas na bagyo.

Todo-paalala rin si Premier Annastacia Palaszczuk sa mga residente na manatili na lamang sa kanilang mga kabahayan upang hindi na mapahamak pa sa labas.

Kasunod ito ng isang insidente kung saan nabagsakan ng puno ang isang lalaking ngayon ay sugatan. BOBBY TICZON

Vigilante umatake sa Caloocan, Navotas, 3 utas

$
0
0

TATLONG hinihinalang sangkot sa iligal na droga ang pinagbabaril at napatay ng mga sinasabing miyembro ng vigilante group sa magkahiwalay na lugar Lunes ng gabi sa Navotas at Caloocan city.

Si Armando Cedro, alyas “Tatoy”, 46, ng 357 Everlasting St., Brgy. NBBS, ay pinagbabaril sa ulo ng dalawang suspek habang naghihintay ng pasahero pasado alas-11:50 ng gabi sa harap ng Agora Market sa M. Naval St.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Sonny Cedro, minsan na niyang pinagsabihan ang kanyang kapatid na tigilan na ang paggamit ng illegal drugs.

Samantala, sa Caloocan city, isang tricycle driver din na si Vergilio Alapag, 40, ng Brgy. 176, Bagong Silang, ang pinagbabaril habang nakatayo sa Phase 9 ng riding-in-tandem pasado alas-9:55 ng gabi na nagresulta ng agaran nitong pagkamatay.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek na kapwa naka-helmet.

Dalawang empty shells ng caliber .45 pistol ang narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan.

Ayon kay Purok leader Florentino Gaffud ng Brgy. 176, sangkot si Alapag sa illegal drug activities.

Bago ito, pasado ala-1:30 ng hapon, isang Bernardino Doloiras, 45, ng 164 F. Acab St., Brgy. 17, ang walang sabi-sabing pinagbabaril habang naglalakad sa F. Acob St. ng dalawang lalaking kapwa nakasumbrero at jacket, na agad nitong ikinamatay.

Sinabi ng saksi sa pulis na tila naglalakad lang na umalis ang ‘di pa nakikilalang salarin habang iniwanang duguan sa ang wala nang buhay na biktima.

Apat na empty shells at dalawang fired bullets ng caliber .45 ang narekober sa pinangyarihan na isinumite sa PNP-Crime Laboratory para sa ballistic examination. ROGER PANIZAL

Family portrait, birthday gift ni Jianhua kay Digong

$
0
0

ISANG painting na family portrait ang irinegalo ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagdiriwang kahapon ng kanyang ika-72 kaarawan.

Personal na iniabot ni Zhao ang kanyang regalo nang mag-courtesy call ito sa Pangulo sa Panacan, Davao City.

Nakaguhit sa naturang portrait ang mukha ng pangulo kasama ang kanyang common-law wife na si Cielito “Honeylet” Salvador Avanceña at anak na si Veronica “Kitty” Duterte.

Iniabot naman ng Chinese official ang liham na nag-iimbita kay Pangulong Duterte na muling bumisita sa China para dumalo sa ‘One Belt, One Road’ summit sa buwan ng Mayo. KRIS JOSE

Ina iginanti ng anak, bebot todas

$
0
0

ISANG 44-anyos na babaeng hinihinalang drug pusher ang binaril ng isang notoryus na holdaper bilang pagganti sa kanyang ina na ipinahuli ng una sa Singalong, Maynila.

Hindi na umabot nang buhay sa Philippine General Hospital (PGH) dahil sa tama ng bala sa ulo ang biktimang si Elna Raga, ng 2377 Arellano Ave., Singalong, Maynila.

Tinutigis naman ng pulisya ang suspek na si Ronron Orbeta, 26, kilalang holdaper sa Singalong na tumakas matapos ang insidente.

Sa report ni PO3 Jorlan Taluban ng Manila Police District (MPD)-homicide section, pasado alas-11:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa Dama De Noche at Cadena De Amor Sts., Singalong.

Ayon sa saksi, bago maganap ang pagpaslang ay ilang araw na umanong nakikitang paikot-ikot sa lugar ang suspek.

Pinaghihinalaan ng suspek ang biktima na siyang nagpahuli sa kanyang ina na drug pusher rin at nakakulong ngayon sa Manila City Jail.

Si Raga, umano’y asawa ng kapatid ng Barangay Chairman sa lugar, ay binaril ni Orbeta habang naglalakad sa nasabing lugar kung saan nakita pa sa CCTV camera na may dala itong shabu nang bumagsak sa kalsada.

Mabilis na tumakas si Orbeta kung saan iniwan nito ang suot na jacket, maskara at sumbrero sa likurang bahagi ng barangay hall.

Inamin naman ng asawa ng biktima na si Arman, 49, na sangkot ang kanyang asawa sa pagbebenta ng iligal na droga sa loob ng mahigit 10 taon. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN


Matobato muling pinadadampot

$
0
0

NAGPALABAS ang isang Regional Trial Court (RTC) ng arrest warrant laban kay self-confessed Davao Death Squad (DDS) member Edgar Matobato at isang nagngangalang Sonny Custodio sa kasong kidnapping.

Bukod dito, inirekomenda rin ni presiding Judge Dorothy Montejo-Gonzaga ng Panabo City RTC Branch 4 ang no bail para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Ang kaso ay isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI)-11 kaugnay sa pagkidnap kay Sali Makdum, isang Turkish National sa Samal, na inamin ni Matobato na kanyang pinatay noong 2002.

Inamin ni Matobato sa isang Senate inquiry na kabilang siya sa pagdukot at pagpatay kay Makdum, na sinabi niyang isang terorista.

Binigyan ng korte ang awtoridad ng 10 araw para maaresto sina Matobato at Custodio. BOBBY TICZON

Rehab, hanapbuhay sa susukong adik

$
0
0

REHABILITASYON at hanapbuhay ang alok ng isang Barangay Chairman sa kanyang mga kabarangay na sangkot sa droga sa Caloocan City.

Ayon kay P/B Edgar Galgana, ng Brgy. 28, kanyang isasailalim sa rehabilitasyon ang sinomang sangkot sa droga na susunod sa kanyang panawagang sumuko upang makapagbagong-buhay.

“Sisikapin ko pang mabigyan sila ng hanapbuhay matapos ang kanilang rehabilitasyon ng sa ganung paraan ay tuluyang makapagbagong-buhay ang mga ito,” ani Galagana.

Kaugnay nito, sinimulan na ni Galgana ang pagpapagawa ng mga stalls sa isang lugar sa kanyang nasasakupan kung saan kanyang bibigyan ng puwesto ang sinomang sumukong dating adik na nais magbagong-buhay kung saan ang mga ito’y maaring makapagnegosyo sa pamamagitan ng pagtitinda.

Nangako rin si Galagana na kanya ring tutulungang magkaroon ng puhunan sa pagtitinda ang mga susukong adik na walang sapat na puhunan at ang iba’y kanyang ipapakiusap sa kanyang mga kaibigang negosyante na mabigyan ng trabaho.

Nagbabala rin ang punong-barangay sa mga matigas ang ulo na ayaw sumunod at patuloy sa kanilang iligal na gawain na patuloy ang kanilang gagawing pagpapakulong at pagsasampa ng kaso sa mga mahuhuling nagtutulak o gumagamit ng droga.

Nag-alok din si Galgana ng pabuya sa kanyang mga kabarangay sa sinomang makakapagturo o makakakuha ng litrato o video ng sinomang gumagawa ng iligal na gawain.

Sa kasalukuyan, humigit-kumulang sa 50 katao na ang kanilang naaresto at naipakulong sa tulong ng lokal na pulisya. RENE MANAHAN

Speaker Alvarez, naghain ng graft sa kapwa kongresista

$
0
0

NAGHAIN ng kasong graft sa Ombudsman si House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez laban kay Davao del Norte Rep. Antonio “Tonyboy” Floirendo, Jr.

Sa siyam na pahinang reklamo, binigyang-diin ni Alvarez na nilabag umano ni Floirendo ang Section 3 ng Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Nag-ugat ang reklamo sa pagpasok ng Tagum Agricultural Development Company, Inc. (TADECO) sa isang kasunduan ng pagtatanim ng saging sa lupang pag-aari ng Davao Penal Colony (DAPECOL) na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Corrections (BuCor) noong 1969.

Ayon sa kasunduan, ang TADECO na pag-aari ng pamilya Floirendo sa Davao ay magtatanim ng saging sa may 3,000-ektaryang lupa ng DAPECOL sa loob ng 25 taon kung saan kikita ang BuCor ng P26.54-milyon na tataas nang 10% tuwing ikalimang taon.

Nauna nang pinaimbestigahan ni Alvarez sa Kamara ang ukol sa maanomalyang transaksyon na ito.

Inihain ng speaker ang House Resolution no. 867 na nag-aatas sa House committee on Good Government and Accountability na imbestigahan ang isyung minamaltrato ang mga trabahador ng TADECO banana plantation bukod pa sa hindi pagtupad sa mga naunang kasunduan. MELIZA MALUNTAG

GRO patay sa 27 saksak

$
0
0

INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Manila Police District (MPD) ang pagkamatay ng isang Guest Relation Officer (GRO) matapos matagpuang patay sa loob ng kanyang inuupahan unit sa Malate, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Eunice Espinosa Nadale, 27, walang asawa, GRO ng Blue Angel KTV, at taga-1132 Unit 6, P. Arellano St., Malate.

Sa imbestigasyon ng MPD-Homicide Section, dakong 4:45 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang bahay.

Bago ang insidente, nakarinig umano ng sigaw ang kapitbahay ng biktima na tila nanghihingi ito ng tulong ngunit hindi nila ito pinansin.

Kasunod nito, pumanhik naman si Virgie Recalde, 50, cook, upang puntahan ang silid ng biktima kung saan dito na ito nadiskubreng duguan at wala nang buhay.

Agad naman nitong ipinagbigay-alam sa kanilang barangay sa Zone 84 ang insidente at itinawag sa pulisya.

Sa CCTV ng nasabing barangay, kitang-kita naman ang isang lalaki na nakaputing damit at short na tumatakbo palayo sa bahay ng biktima.

Posibleng pagnanakaw ang motibo sa pagpatay sa biktima at may indikasyon ding nanlaban ito sa suspek.

Dalawang lalaking hindi muna pinangalanan ng pulisya ang inimbitahan upang kuhanan ng finger print at ibase sa mga nadiskubreng bakas sa crime scene.

Gayunman, patuloy na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa nasabing insidente. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Militar nakaalerto sa ika-48 anibersaryo ng NPA

$
0
0

NAKAALERTO ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng pagdiriwang ng ika-48 anibersaryo ng New People’s Army (NPA) ngayong araw.

Ayon kay AFP Chief-of-Staff Gen. Eduardo Año, nananatili pa rin at hindi pa binabawi ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusang tugisin ang naturang rebeldeng grupo.

Matatandaang nagsagawa ng lightning rally ang mga nagpakilalang miyembro ng NPA sa Quezon City bilang bahagi ng kanilang anibersaryo na nagdulot naman ng matinding pagbigat sa trapiko sa lugar.

Samantala, hinikayat naman ni Año ang liderato ng National Democratic Front (NDF) na kontrolin ang kanilang armadong tauhan bilang patunay na sinsero sila sa usapang-pangkapayapaan sa gobyerno.

Nakatakdang gumulong ang ika-apat na pag-uusap ng gobyerno at NDF sa Abril sa The Netherlands. JOHNNY ARASGA

Viewing all 14412 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>