KINASUHAN ni dating Manila Councilor Greco Belgica sa Supreme Court (SC) si Ombudsman Conchita Carpio-Morales ng disbarment complaint.
Ito’y may kaugnayan sa umano’y pag-absuwelto ni Morales sa pangalan ni dating Pangulong Noynoy Aquino dahil sa isyu ng pagpapatupad ng kontrobersiyal na P142-billion Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklara ng SC na unconstitutional.
Hinimok ni Belgica ang high tribunal na tanggalan ng lisensiya bilang abogado si Morales dahil sa paglabag nito sa Lawyer’s Oath at ang Canon of Professional Responsibility nang aprubahan nito ang resolusyon na nag-aabsuwelto sa dating pangulo sa mga kasong technical malversation, usurpation of legislative powers at graft.
Inakusahan din ng complainant si Morales ng paglabag sa Rule 6.01 ng Canon of Professional Responsibility nang nabigo itong ipatupad ang kanyang tungkulin para magkaroon ng hustisya sa mga hinawakang kaso.
Maliban sa disbarment case, pinaplantsa na rin ng grupo ni Belgica ang impeachment complaint laban kay Morales.
Iginiit ni Belgica na kwestyunable ang pag-abswelto ni Morales sa dating Pangulong Aquino na siyang nagtalaga sa kanya sa Ombudsman.
Si Morales ay magreretiro sa serbisyo sa July 25, 2018. BOBBY TICZON