TATLONG hinihinalang mga sangkot sa iligal na droga ang patay habang isa naman ang sugatan sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril ng hindi kilalang mga salarin sa Caloocan City.
Ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa katawan si Jaime Lumibao, 54, construction worker, matapos barilin ng hindi kilalang suspek habang naglalakad sa David St. dakong 2 kahapon ng madaling-araw. Inaalam na ng pulisya ang pagkakilanlan ng suspek at motibo sa insidente.
Bandang 11:30 ng Linggo ng gabi naman nang pasukin ng tatlong hinihinalang mga miyembro ng vigilante group na sakay ng dalawang motorsiklo at pawang naka-helmet at maskara ang umano’y drug den sa Blk. 38, Lot 42, Phase 1, Pkg. 3, Bagong Silang, Brgy. 176 bago pinagbabaril sina Edwin Nalait, 48, at Fernando Aquino, 46, sa ulo at katawan na dahilan ng kanilang pagkamatay.
Narekober ng mga tauhan ng SOCO sa insidente ng krimen ang ilang basyo ng bala mula sa .45 baril, drug paraphernalia at apat na sachet ng shabu na nakuha naman sa bulsa ng mga biktima.
Sa Brgy. 188, dakong 6:00 ng umaga, naglalakad pauwi sa kanto ng Orchild at Doña Aurora St. ang barangay tanod na si Pedro Ignacio ng GK 1 Bo. Concepcion nang pagbabarilin ng riding-in-tandem na naka-helmet at maskara.
Matapos ito, mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman ang biktima sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital subalit hindi na rin ito umabot nang buhay. Inaalam na ng pulisya ang motibo sa insidente at pagkakilanlan ng mga suspek. RENE MANAHAN