WALANG nawalang kahit isang sentimo sa pondo ng gobyerno sa binayad na P234-milyong advance rental ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa kumpanyang magtatayo ng casino sa Army Navy Club sa Maynila.
Nilinaw ito ni PAGCOR chairman Andrea Domingo sa ginanap na hearing ngayong umaga ng House committee on good government and accountability na nag-iimbestiga sa kontrobersyal na lease contract ng PAGCOR at Vanderwood Management Corp.
“The P234 million or 18-month advance is for the rental of a building that will be built, as I was told, based on the specifications given by PAGCOR. The rental will commence after the acceptance of PAGCOR of the building,” pahayag ng hepe ng PAGCOR sa committee na pinangungunahan ni Surigao Del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel.
Hindi naman aniya nagagalaw pa ang pondo, at gagamitin lang ng Vanderwood kapag natapos na ang nasabing casino, pagtitiyak ni Domingo.
Kinontrata ng PAGCOR ang Vanderwood na magtayo ng casino sa Army Navy Club sa loob ng Museo Pambata Complex sa Roxas Boulevard, Manila.
Ayon sa ilang mambabatas, maanomalya ang P13-milyong buwanang renta ng PAGCOR sa Vanderwood lalo na’t hindi pa naman naipatatayo ang naturang casino. Dagdag pa rito, iligal din aniya ang pagbayad ng PAGCOR ng P234-milyong advance rental payment sa Vanderwood.
Ngunit ayon kay Domingo, binalik na ng Vanderwood ang P234 milyon dahil sa
Notice of Disallowance na nilabas ng Commission on Audit (COA).
“But I think now, sir, since they have returned the money, the government now owes them about P8 million paid in BIR (Bureau of Internal Revenue) taxes,” ani Domingo nang tanungin ni dating Manila mayor at ngayo’y Buhay party-list Rep. Lito Atienza.
Dineposit na rin niya aniya ang tsekeng binigay ng Vanderwood kahit inaapela pa nito ang Notice of Disallowance ng COA.
Sinuportahan naman ni Atienza ang pahayag na ito ni Domingo.
“The money is not paid for nothing. It was an investment by PAGCOR to secure the premises…that it is an ideal area for a hotel and casino operation. Ginagawa po ‘yan ng mga gasoline companies. Ginagawa po ‘yan ng McDonalds, ng Jollibee…when they see a property they advance their payment already for rentals that will, of course, commence, only when they take over so that they will be able to secure the area,” ani Atienza.
Ayon pa kay Domingo, malapit na ring matapos ang ginagawang casino ng Vanderwood.
Una nang tinanggi ng Vanderwood na may iregularidad sa binayad na P234-milyong advance rental fee ng PAGCOR.
Ayon sa casino operator, wala namang anomalya dito dahil ganito naman ang ginagawa sa mga lease contracts.
Dagdag pa ng Vanderwood, ang casino ay suwak sa kuwalipikasyon ng PAGCOR para sa isang “fully fitted” na gaming facility.