SUPORTADO pa rin ng mayorya ng mga Pilipino si Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ni House Speaker Pantaleon Alvarez na naipakita ito ng dami ng tao na nagtungo sa Luneta kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-31 taong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
“Clearly, ‘yung nangyari nung Sabado, makita natin na alin ‘yung majority, alin ‘yung minority. So nakikita natin, ‘yung suporta sa ating Pangulo, talagang anduduon pa rin. At malakas pa rin yung suporta dahil nga on the basis of the platform of government ay binigyan siya ng huge mandate by the people,” ani Alvarez.
Hindi aniya maiiwasang magkaroon ng comparison sa mga taong nagtungo sa EDSA at sa Luneta dahil ang mga nasa LUneta ay tagasuporta ng administrasyon ngunit pawang boluntaryo.
Hindi rin aniya sa Luneta lamang ang pagtitipon kundi maging sa Cebu City, Davao City, Butuan City, at Cagayan de Oro City.
“Pinapakita lang siguro nung mga supporters niya na talagang ito ay suportado ng sambayanan.”
Hindi man aniya umabot ng milyon ang tao sa Luneta ay sapat aniya para ipakita ang suporta sa pangulo kumpara sa mga nasa EDSA na ilang libo lamang.
“Kasi ‘yung mga grupong dumating doon, kilala ko ‘yun, kasama na namin sa kampanya ‘yun nung araw pa. Kaya wala naman sigurong naging epekto doon sa letter ng DILG doon sa mga LGUs,” sinabi pa ni Alvarez.
Hindi rin pinalagpas ni Alvarez si Jim Paredes na pumatol sa mga miembro ng Duterte Youth na nagtungo sa EDSA People Power anniversary.
“Iyon, bilang nakakatanda, eh, hindi dapat ginawa yun. Kasi we are a free country. Ngayon kung ‘yung mga youth na ‘yun gusto nilang pumunta roon, eh, hindi naman ipinagbabawal yun. So it’s their call na pumunta sila doon para to express also their sentiments. Sa akin wala namang masama doon,” bigay-diin pa ni Alvarez. MELIZA MALUNTAG