SINUPALPAL ng Malakanyang si Vice President Leni Robredo nang sabihin ng huli na political harassment ang ginawang pag-aresto kay Sen. Leila de Lima.
Ayon kay Presidential spokesperson Ernesto Abella, kasong kriminal ang kinahaharap ni De Lima at hindi pulitikal.
Bukod dito, may probable cause para arestuhin ang senadora.
Kaya mabuti aniyang maging objective ang pagtingin ng mga tao na katulad ni VP Leni sa pag-aresto kay Senadora De Lima.
“I think people are just listening to an echo chamber where they’re listening to themselves ‘no. No. I think they should face the fact and realize that Ms. De Lima is being brought to court for criminal reasons and not for political reasons,” ani Usec. Abella.
Tanggap ng Malakanyang na marami ang sumama ang loob sa pag-aresto kay Sen. De Lima lalo na ang mga supporters nito. Subalit, tiniyak naman ng pamahalaan na patas ang pagtrato ng gobyerno sa senadora.
“Pero po as you can very well see, the way it’s all played out, is everything was played also in the open in media, wala naman pong naitago and you know, for all intents and purposes, everything was objective. And there was… everything was done objectively and with fair play,” anito.
Wala namang balak ang Malakanyang na busalan si Senador De Lima sa pagtuligsa nito sa Duterte administration lalo pa’t nakakulong na ito.
Ani Usec. Abella, malaya ang lahat na ihayag ang kanilang saloobin sa pamahalaan subalit tiyakin lamang na hindi sila ang magiging dahilan upang maputol ang peace and order sa bansa.
Binuweltahan naman ng Malakanyang ang naging pahayag ni VP Leni na dapat ay ituon ni Pangulong Duterte ang kanyang atensyon sa giyera laban sa kahirapan.
Sinabi ni Usec. Abella na tila hindi nakikinig si VP Leni sa mga pinag-uusapan sa cabinet meeting.
“Ms. Robredo was part of the Cabinet from Day 1, almost from Day 1. Pero ma’am, nakita naman niya, unless she was not listening. You know, the topics had to deal with the 10-point agenda… ‘Yun nga ang ano eh, ‘yung, the 10-point agenda. In fact, ano po, you know, what has happened so far: free irrigation to farmers; ‘yung certificate of land ownership, ‘yung CLOA to 111 Hacienda Luisita farmers; ‘yung free medicines to indigent patients, ‘yung relocation tsaka ‘yung relocation ng mga ‘Yolanda’-affected families na naresettle as of January 23,” lahad nito.
Hindi nga lang aniya napapansin ang ganitong usapin dahil natatabunan ng mas pinakakontrobersiyal na usapin ng mga kritiko ng gobyerno. KRIS JOSE