MATUTULOY na ang proseso ng pagpapabalik sa Pilipinas sa founder ng pyramiding scam na Aman Futures na si Manuel Amalilio.
Ani Justice Secretary Leila de Lima na nagbigay na ng go signal ang Department of Foreign Affairs para muling ipagpatuloy ang pakikipagnegosasyon sa Malaysia para sa extradition kay Amalilio.
Kaugnay nito, sinabi ni de Lima na posibleng sa Mayo o Hunyo ay tumulak patungong Malaysia ang binuo nilang team na mag-aasikaso upang mapabalik sa bansa si Amalilio.
Nais muna kasi nilang tapusin ang halalan doon bago makipag-usap sa kanilang counterpart roon.
Matatandaan na una ng ipinagpaliban ng DOJ ang pagtungo ng nasabing team sa pangunguna ni Justice Undersecretary Jose Vicente Salazar sa Malaysia kasunod na rin ng Sabah standoff.
Si Amalilio ay kasalukuyang nakadetine sa Malaysia matapos mahatulan ng pagkabilanggo ng hanggang 2 taon dahil sa pekeng pasaporte.
Nahaharap naman ito sa patong patong na kaso sa Pilipinas matapos makapambiktima ng humigit kumulang 12 libo katao.