SUMALANG na sa inquest proceedings sa Department of Justice ang apat na naaresto ng Philippine national Police (PNP)-Anti Cybercrime Group sa pagbebenta ng cellphone jammer.
Kinilala ang mga kinasuhan na sina Giovani Dee Tan, hardware manager; at mga hardware assistant na sina Beth Sayda Buena, Mathew Mercado at Rommel Ogo.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa E-Commerce Act at Tariff and Customs Code of the Philippines.
Sa operasyon na isinagawa kahapon ng PNP sa isang hardware sa Caloocan, nakuha mula sa mga suspek ang ilang jamming devices na maaaring makapag-jam o makaharang ng signal na aabot ng hanggang limang kilometro.
Bukod dito, nakuha rin mula sa mga suspek ang P34,000 na mark money.
Una nang nagbabala ang Comelec at DILG kahapon na maaaring maantala ang transmission ng resulta ng PCOS machines ang mga signal jamming device gaya ng cellphone jammer.