IBINASURA ng Malakanyang ang panawagan ng China na lisanin ang mga pasilidad ng Pilipinas sa lugar ng pinagtatalunang West Philippine Sea o South China Sea.
Ayon kay Deputy presidential spokesperson Abigail Valte na habang naghihintay ang Pilipinas sa ruling ng international tribunal sa usaping ito ay mananatili ang soberenya ng bansa sa lugar.
“Yan ay atin and we will continue to exercise sovereignty over our territory,” ayon kay Usec. Valte.
Kamakalawa ay sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagtalaga ng tatlong miyembro ng five-member United Nations Convention on the Law of the Sea Arbitral Tribunal ang International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS) upang tugunan ang pahayag ng Pilipinas laban sa China ukol sa West Philippine Sea.
Kabilang na rito ang Rüdiger Wolfrum (Germany), Stanislaw Pawlak (Poland), Jean-Pierre Cot (France), Chris Pinto (Sri Lanka) at Alfred Soons (The Netherlands).
Sa kabilang dako, tinanggihan naman ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Hua Chunying ang arbitration proceedings dahil nananatili ang kanilang posisyon sa usaping ito.
Inakusahan din ni Hua ang Pilipinas ng paglabag sa United Nations charter ng illegal na okupahan ang ilang isla at reef ng Nansha (Spratly) Islands, kabilang na rito ang Mahuan Dao, Feixin Dao, Zhongye Dao, Nanyao Dao, Beizi Dao, Xiyue Dao, Shuanghuang Shazhou at Siling Jiao.