KAAGAD na ni-recall ng Commission on Elections (Comelec) ang mga balotang idineliber sa Dinagat Islands sa Mindanao para sa May 13 midterm elections matapos umanong magkaroon ng damage o pinsala ang mga ito.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., nakatanggap sila ng ulat na may damage ang mga balota para sa tatlong presinto sa Dinagat Islands kaya’t kaagad nilang ipinag-utos ang pagbabalik ng mga ito sa kanilang tanggapan.
Gayunman, nilinaw ni Brillantes na hindi pa nila kumpirmado kung damaged nga ang mga balota o hindi.
Aniya, batay sa ulat ay mukhang nainitan at natunaw lamang ang plastik ng mga balota.
Sakali aniyang makumpirmang hindi naman napinsala ang mga balota ay ire-repack na lamang ito at muling ibabalik sa Dinagat Islands.
Kung mapatunayan naman aniyang na-damaged nga ay kaya naman aniya itong muling iimprenta sa loob lamang ng dalawang araw.
“Ni-recall na namin yung ballots. Tatlong presinto lang naman,” ani Brillantes. “Mukhang uminit lang, natunaw yung plastic so pinababalik namin dito so we can reprint kung nagalaw yung balota.”
“Hinihintay namin bumalik ngayon. Kung ayos, lang ibabalik namin,” aniya pa.
Wala pa naman umanong natatanggap ang Comelec na kahalintulad na ulat hinggil sa napinsalang balota sa ibang panig ng bansa.