MAKIKIPAGPULONG ngayong araw ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa mga lider ng mga workers group ukol sa ikinakasang seguridad para sa Labor day sa Mayo Uno na aasahang puputaktehin ng mga kilos protesta.
Ayon kay Police Chief Insp. Erwin Margarejo, spokesman ng MPD, nais ng pamunuan na matiyak ang seguridad at masiguro na hindi magdudulot ng anomang karahasan sa hanay ng raliyista.
Ilan sa mga lugar na mahigpit na babantayan ng MPD na pagdadausan ng kilos protesta ang Liwasang Bonifacio, Bonifacio Shrine, Don Chino Roces Bridge, Department of Labor and Employment (DOLE), Plaza Salamanca at U.S. Embassy.
Sinabi ni Margarejo na may posibilidad na humingi sila ng augmentation force mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at mga karatig lalawigan upang makatulong sa pagbibigay ng seguridad sa nabanggit na mga lugar sa Labor Day.