MAAARI nang tumakbo sa pagka-kongresista sa Bulacan ang singer na si Imelda Papin.
Ito ay matapos pagbigyan ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang motion for reconsideration ni Papin na humihiling na baliktarin ang naunang desisyon ng Comelec 2nd division na nagdidiskwalipika sa kanya.
Nauna rito, naghain ng disqualification case laban kay Papin sa Comelec ang grupong Arangkada San Josenio People Party kung saan kinuwestyon ang residency ng singer sa San Jose, Bulacan.
Sa pagkatig sa apila ni Papin, binigyang bigat ng en banc ang dalawang Barangay Certificate na inisyu ng Barangay San Manuel, San Jose del Monte, Bulacan na nagsasabing ang singer ay bonafide resident ng Crest Village San Manuel ng nasabing lugar noon pang taong 2000.
Personal namang nagtungo si Papin sa Comelec upang kumuha ng kopya ng nasabing resolusyon.
Naging emosyonal rin si Papin nang tanggapin ang desisyon ng en banc.
Laking pasalamat nito sa naging desisyon ng poll body pabor sa kanya.