MAS pipiliin aniya ni Pangulong Benigno Aquino III na makasama ang kanyang tagaluto kaysa sa dating beauty queen na si Bianca Manalo kapag nabigyan ng pagkakataon na makapunta sa isang beach.
Ang dahilan ni Chief Executive ay para hindi siya magutom at para may kakainin naman siya kapag nagpunta siya ng beach.
“Ngayon, kung may nag-tweet na gusto nilang mag-beach e siguro effective akong magyaya sa ating tourists, ano. Ngayon, sino gusto kong isama doon? Siguro ‘yung totoo lang, ano. ‘Yung mga tagaluto ko para may kakainin naman ako,” anito.
At kapag wala aniya siyang makausap ay magdadala siya ng libro.
“Pag nandoon ka, ayaw mo naman ‘yung kinorner ka na meron kaming ganitong problema, meron kaming ganitong mungkahi. So sino ang isasama ako? Makasigurado lang akong may kakainin ako, ayos na ako. Kung wala akong kausap for two days, ano, may dala akong libro ok na rin siguro ‘yon,” pahayag ng Punong Ehekutibo.
Inamin ng Pangulong Aquino na minsan ay nangangarap siya na makapagpahinga.
“Parang nagpa-fantasize lang ako kung minsan na, ano, pagkatapos nitong kampanya, eleksyon, natapos ko ‘yung—nahanda na ‘yung SONA, etc. baka naman pwedeng makatikim ng konting tourism sa Pilipinas kahit three days lang,” aniya pa rin.
Pumiyok naman si Pangulong Aquino na talagang nag-dinner date sila ni Manalo. Hindi lamang isang beses kundi dalawang beses na.
Subalit ang dinner date aniyang ito ay may ilang buwan na ang nakakaraan.
“I met her, ano. I met her and we had a subsequent dinner with a lot of other people who were with us. I don’t know if you consider that a date. Pero we’re introduced and we had another dinner subsequently. That was several months ago,” ani Pangulong Aquino.