KALABOSO ang may 17-katao na fixers sa Department of Foreign Affairs (DFA) makaraang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Pasay City police kahapon.
Isinagawa ang operasyon dakong ala-1:30 sa kahabaan ng Libertad at F.B. Harrison hanggang sa likurang gusali ng DFA kung saan hinaharang na ng mga fixers ang mga nagtutungo sa naturang tanggapan ng pamahalaan upang mapuwersa ang mga ito na sa kanila makipag-transaksiyon.
Ayon kay Pasay city police chief Senior Supt. Rodolfo Llorca, pinadalhan sila ng liham ng Office of the Ombudsman at ng Office of Intelligence and Security ng DFA kaugnay sa mga nagkalat na fixers sa paligid ng besinidad ng DFA na nambibiktima sa mga kawawang mamamayan na nagnanais makipag-transakiyon sa ahensiya.
Napag-alaman na may kanya-kanyang mga tanggapan na nagpapanggap na travel agency ang karamihan sa mga dinakip at doon nila pinapapunta ang mga nahaharang na parokyano at sinisingil ng malaking halaga kapalit ng mabilis na pag-proseso ng kanilang mga papeles sa DFA.
Sinabi ni Llorca na inihahanda na nila ang isasampang kasong paglabag sa City Ordinance No. 624 o Prohibiting Fixers in Government Agency in Pasay City laban sa mga nahuling fixers sa tanggapan ng City Prosecutors Office.