TUTULONG na rin ang National Bureau of Investigation sa pagsisiyasat ng Commission on Human Rights (CHR) tungkol sa pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, kasama iyon sa mga nakapaloob sa ipinalabas na Temporary Protection Order ng Korte Suprema para sa pamilya Burgos.
Sinabi ni de Lima na inatasan ng hukuman ang CHR para ituloy ang pagsisiyasat sa pagkawala ni Jonas na dinukot mula sa isang restawran sa isang mall sa Lungsod ng Quezon noong April 28, 2007.
Kasabay nito, tiniyak naman ng kalihim na tuloy pa rin ang pag-iimbestiga ng NBI sa kaso ni Jonas alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Aquino.
Bukas, nakatakdang makipagpulong si de Lima kay Ginang Edita Burgos para plantsahin ang ibibigay na proteksyon sa kanyang pamilya.
Mayroon lamang daw kasing limang araw ang DOJ at NBI mula nang matanggap ang utos ng korte para magsumite ng compliance report na nagdedetalye sa seguridad na ipatutupad sa pamilya Burgos.
Sa nakaraang pakikipag-usap ni de Lima kay Ginang Burgos, sinabi nitong kukunsultuhin pa niya ang kanyang mga anak kaugnay sa utos ng Korte Suprema na pagkalooban sila ng proteksyon ng DOJ at NBI.