SA LALONG madaling panahon ay pupulungin ni Pangulong Aquino ang mga pinuno ng bawat kagawaran ng kanyang administrasyon matapos malantad ang nakadidismayang minority report ukol sa mga ahensya ng gobyerno kaugnay sa naging performance ng mga ito sa nakalipas na taon.
Sa isang press conference, inihayag nina House Minority Leader Danilo Suarez at LAKAS CMD President at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romuladez na 50-50 ang resulta ng assessment sa report card sa mga kagawaran at tanggapan sa pamahalaan.
Umaasa ang dalawang kongresista na magsisilbing “wake-up call” ito sa administrasyong Aquino dahil maraming mga departamento ang nakatanggap ng grado na “needs improvement” at may ilang ahensya ang nakakuha naman ng “failed” mark sa report card.
Tatlo sa mga tanggapan ng gobyero ang may “failed” mark o bagsak ang grado kabilang ang Department of Agriculture, Department of Energy, at National Anti-Poverty Commission (NAPC).
Ipinayo pa nina Suarez at Romualdez na mag-leave ang mga kalihim ng mga kagawaran na may bagsak na grado.
Nakatanggap naman ng “excellent grade” ang Department of Budget and Management (DBM) kahit apat sa minority members ay hindi nakatanggap ng kanilang pork barrel.
“Excellent” din ang markang natanggap ng Department of Public Works and Highways, Department of Tourism at Department of Science and Technology.
Giit ng minorya na kinikilala rin naman nila ang mga ahensyang mahusay na ginagawa ang kanilang mandato at tungkulin sa publiko ngunit dapat na pagtuunan din ng pansin ng Pangulong Aquino ang mga kagawaran na may bagsak na grado.
“If we do not point out these deficiencies then what are we here for? That’s part of the democratic process and we hope this will be well received and just as in the past, the Oversight Committee, which is this is an output of the former Oversight Committee process, we’ll be more than happy to work with the administration addressing these areas of concern,” ayon kay Suarez.