PINAALALAHANAN ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato sa May 13 midterm elections na maghinay-hinay sa paglalabas ng kanilang political advertisements.
Ito’y kasunod ng Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng Korte Suprema laban sa airtime limits sa political ads.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., maaari kasing magkaroon ng problema ang mga kandidato sakaling magdesisyon ang Korte Suprema at pagtibayin ang kanilang resolusyon sa airtime limit ng pol ads.
Nabatid na sa ngayon, ang airtime limits ay kino-compute per network o istasyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Brillantes na magpapakalat ang National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) ng auditors upang tumulong i-monitor ang campaign financing.
Nauna rito, nagpalabas ang Korte Suprema ng TRO laban sa implementasyon ng resolusyon ng poll body patungkol sa paglimita sa pol ads upang maiwasan ang pagkakaroon ng irreparable injury sa panig ng mga partido hangga’t hindi nadedesisyunan ang kaso.