INIHAYAG ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. na hindi na siya interesado pang makuha ang source code ng precinct count optical scan machines na gagamitin sa May 13 midterm elections.
Ayon kay Brillantes, sakali mang makuha pa nila ang source code ay masyado nang huli dahil malapit na ang halalan.
Hindi na rin naman aniya mare-review pa ang source code kahit mapasakamay pa nila dahil sa kakulangan ng oras.
“Wala na. Hindi na ako masyadong interesado kasi too late na. Masyadong close na sa election. Maski ibigay nila ang source code, hindi na rin mare-review, kulang na oras e,” ani Brillantes.
Dismayado rin naman si Brillantes sa pabagu-bagong desisyon ng nag-aaway na technology suppliers Smartmatic at Dominion Voting Systems hinggil sa isyu.
Magugunitang namagitan ang Comelec sa dalawang nag-aaway na technology suppliers upang makuha ang source code, na human readable instruction na nagpapaliwanag kung ano ang kayang gawin ng PCOS machines.
Gayunman, matapos na bigyan ng mga ito ng pag-asa ang Comelec ay wala ring nangyari sa kanilang mga pag-uusap.
Nabatid na humihingi ang Dominion sa Smartmatic ng $10 milyong bayad para sa paggamit nito ng kanilang teknolohiya ngunit tumanggi ang huli, na nauwi sa demandahan.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Brillantes na bagamat mahalaga ang review sa source code dahil sa credibility purposes nito ay hindi naman aniya maaapektuhan ng pagkawala nito ang legality o legitimacy ng halalan.
Aniya, ang gagamitin na lamang nila sa eleksiyon ay ang binary codes na kanilang hawak.
Nabatid na noong May 2010 elections ay hindi rin naman na-review ang source code, na idineposito ni dating Comelec Chairman Jose Melo sa Bangko Sentral ng Pilipinas para sa safekeeping.