LALO pang tumaas ang bilang ng mga lugar na nasa election watchlist ng awtoridad sa Bicol region.
Sa pinakahuling tala ng PNP, nabatid na 76 na ang mga lugar na isinailalim sa watchlist at ito ay kinabibilangan ng 24 bayan at lungsod ng Masbate, 37 bayan mula sa Camarines Sur, pito sa Sorsogon at pito rin sa Albay.
Ayon kay P/Supt. Renato Bataller, tagapagsalita ng PNP, ang kasaysayan ng mainit na labanan sa pulitika, mga naitalang election-related cases at banta ng rebeldeng grupo ang dahilan upang isailalim sa watchlist ang nasabing mga lugar.
Sa kabila nito, wala pang lugar sa rehiyon ang nasa ilalim ng Comelec control maging ang lalawigan ng Masbate sa kabila ng hiling ng mga peace advocate.
Nakatakda namang dagdagan ang puwersa ng pulisya sa naturang mga lugar para sa pagpapanatili ng kaayusan habang papalapit ang midterm elections.