WALANG balak ang pamahalaan ng Pilipinas na maglabas ng travel advisory laban sa Estados Unidos kasunod ng dalawang magkasunod na insidente ng pagsabog sa Boston at Texas.
Katuwiran ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, hindi naman sinadya ang pagsabog sa fertilizer plant sa Waco, Texas at nahuli na naman ang ikalawang suspek sa pagsabog sa Boston Marathon.
“Wala naman pong nababanggit kahit ang ating DFA na maglalabas po ng travel advisory,” anito.
Kaugnay ng Boston Marathon bombing, ikinatuwa ng Malakanyang ang pagkakahuli ng ikalawnag suspek sa pambobomba.
“Masaya naman po tayo at nahuli na ‘yung pangalawang suspect. I understand that there are other people that are being questioned and are being detained in connection with the bomb that went off during the (marathon).” wika ni Valte.
Suportado naman ng Malakanyang ang naging partisipasyon ng publiko sa agarang pagkakalinaw ng Boston blast.
Ani Valte, gaya ng palaging sinasabi ni Pangulong Benigno Aquino III, hindi kaya ng pamahalaan na alamin ang lahat nangyayari sa bansa dahil kailangan nito ang partisipasyon ng publiko.
“And this is one particular situation where it is proven that the cooperation of citizens is very important when it comes to certain government operation.”