HINDI pa lusot sa kaso ng pagpaslang sa broadcaster na si Doc Gerry Ortega sina dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid nitong si Coron, Palawan Mayor Mario Reyes. Ito ang tiniyak ngayon ni Justice Secretary Leila de Lima.
Ayon sa kalihim, kanila pang pinag-aaralan kung maaari pa nilang hatulan o desisyunan ang nakabimbing petition for review kaugnay sa kaso ng pagpatay kay Doc Gerry.
Pinaliwanag ng kalihim na nasilip nila itong remedy sa kaso base na rin sa naging desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagsasaad na iligal ang itinatag niyang second panel of prosecutors.
Sa naturang desisyon aniya ng appellate court ay pinagsabihan ng mga mahistrado ang Department of Justice na ang dapat na ginawa ay resolbahin ang petition for review na nakabimbin sa kagawaran.
Sakaling desisyunan ng DOJ ang petition for review, mag-i-inhibit sa paghawak sa kaso si De Lima at ipauubaya na lamang sa undersecretary ang pagpapasya sa petisyon.
Ang petition for review ay inihain ng biyuda ni Doc Gerry na naglalayong mapawalang-bisa ang rekomendasyon ng naunang panel na walang sapat na ebidensya para isulong ang kasong murder laban sa magkapatid na Reyes.