UMAPELA ang Malakanyang sa publiko na agad na i-report sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kapag naka-engkuwentro ng mga pekeng resibo ng ahensya upang mabigyan ng proteksyon ang mga overseas Filipino Worker na nagbabayad ng tama.
“I-report po natin sa lalong madaling panahon ‘yung mga ganyang resibo, at we will ask the OWWA to come up with either a briefer or a note on how to identify legitimate official receipts from OWWA,” ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte.
Para kay Valte, kailangan na maputol ang sindikatong tulad nito dahil kawawa ang mga OFW na itinuturing na bayani ng bansa.
Kaugnay nito, hihilingin ng Malakanyang sa OWWA na magpalabas ng information campaign hinggil sa kung paano papayuhan ang mga OFW at kung paano matutukoy kung peke o lehitimo ang isang resibo.
Pinayuhan rin ni Valte ang mga OFW na sa mismong sa opisina ng OWWA magbayad upang makasiguro.
Samantala, naniniwala rin ang Malakanyang na hindi lamang sa OWWA dapat maging maayos ang bawat transaksyon upang maiwasan ang anomang iligal na gwain kundi maging sa ibang ahensya at tanggapan ng pamahalaan.