PINAG-AARALAN na ng DOJ kung maaari nilang resolbahin ang nakabinbing petition for review kaugnay sa reklamong pagpatay sa broadkaster sa Palawan na si Dr. Gerry Ortega.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, masusi nilang pinag-aaralan ang desisyon ng Court of Appeals sa kaso makaraang tukuyin ng appellate court na iligal ang paglikha ng DOJ sa second panel of prosecutors at sa halip, ang dapat na ginawa ng DOJ ay resolbahin ang petition for review.
Inanunsyo rin ni de Lima na sakali mang desisyunan ng DOJ ang petition for review, mag-iinhibit siya sa paghawak nito at sa halip, ang undersecretary ng kagawaran ang magpapasya sa petisyon.
Ang petition for review ay inihain ng byuda ni Ortega para kwestiyunin ang rekomendasyon ng naunang panel na wala umanong sapat na ebidensya para isulong ang kasong murder laban kina dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid nitong si Coron Mayor Mario Reyes.