DUMALO sa pagdinig kanina hinggil sa madugong insidente sa Atimonan, Quezon noong ika-6 ng Enero ang sinibak na hepe ng PNP-Calabarzon na si Chief Supt. James Melad.
Personal na pinanumpaan ni Melad sa harap ng panel of prosecutors na pinangungunahan ni Senior Assistant State Prosecutor Theodore Villanueva ang kanyang isinumiteng kontra salaysay.
Gayunman, maagang umalis ng pagdinig si Melad…
Si Melad ay ang nag-apruba sa hiling ni Supt. Hansel Marantan, deputy chief ng intelligence ng PNP Region 4-A, para magsagawa ng checkpoint sa Atimonan nuong ika-6 ng Enero.
Sa ikalawang pagkakataon naman ay hindi nakadalo si Marantan sa preliminary investigation.
Ayon sa kanyang abugado, nananatili pa rin sa ospital si Marantan pero nakapagsumite na raw ito ng kanyang counter affidavit.
Nakapagsumite na rin ng kontra salaysay si Supt. Ramon Balauag pero wala rin ito sa pagdinig ngayong hapon at tanging abugado lamang niya na si Atty. Crisanto Buela.
Samantala, natuloy na rin ang pagsusumite ng counter affidavit ng mga sundalong respondent sa pangunguna ni Lt Col. Monico Abang.
Kanila ring itinurn-over sa panel of prosecutors ang digicam na may memory card na isa sa kanilang mga iprinisintang ebidensya.
Matatandaan na binawi ng kampo ng mga sundalo ang paghahain ng kontra salaysay sa pagdinig nuong nakalipas na linggo dahil hindi pa kumpleto ang affidavit ng mga complainant at hindi pa rin nakakapaghain ng counter affidavit nuon ang panig ng mga pulis na respondent sa reklamo.
Present din sa pagdinig ang mga kaanak ng mga nasawi sa Atimonan Rubout.